< Job 37 >

1 Tunay nga, kumakabog dito ang aking dibdib; naalis ito sa kaniyang kinalalagyan.
Oo, dahil din dito'y nanginginig ang aking puso, at napapabago sa kaniyang kinaroroonang dako.
2 Pakinggan ang ingay ng kaniyang tinig, ang tunog na lumalabas mula sa kaniyang bibig.
Dinggin ninyo oh dinggin ang hiyaw ng kaniyang tinig, at ang sigaw na lumalabas sa kaniyang bibig.
3 Pinadadala niya ito sa buong himpapawid, pinadadala niya ang kaniyang kidlat sa lahat ng dako ng mundo.
Kaniyang ipinadadala sa silong ng buong langit, at ang kidlat niya'y sa mga wakas ng lupa.
4 Isang tinig ang dumadagundong pagkatapos nito; kumulog ang kaniyang maluwalhating tinig; hindi niya pinipigilan ang mga kidlat kapag narinig ang kaniyang tinig.
Sumunod nito'y isang hugong na dumadagundong; siya'y kumukulog ng hugong ng kaniyang karilagan: at hindi tumitigil doon kung naririnig ang kaniyang tinig.
5 Kahanga-hangang kumukulog ang tinig ng Diyos; gumagawa siya ng mga kadakilaan na hindi natin maunawaan.
Ang Dios ay kumukulog na kagilagilalas ng kaniyang tinig; dakilang mga bagay ang ginawa niya, na hindi natin matalastas.
6 Sabi niya sa niyebe, “Mahulog ka sa lupa'; gaya sa ambon, 'Maging isang malakas na pagbuhos ng ulan.'
Sapagka't sinabi niya sa nieve, Lumagpak ka sa lupa; gayon din sa ambon, at sa bugso ng kaniyang malakas na ulan,
7 Pinatigil niya ang bawat kamay ng mga tao sa pagtatrabaho, para makita sa lahat ng tao na kaniyang nilalang ang kaniyang mga ginawa.
Tinatatakan niya ang kamay ng bawa't tao: upang maalaman ng lahat ng mga tao na kaniyang nilalang.
8 Pagkatapos, pumunta ang mga hayop sa kanilang taguan at nanatili sa kanilang mga lungga.
Kung gayo'y nagsisipasok ang mga hayop sa mga lungga, at namamalagi sa kanilang mga tahanan.
9 Sa timog nagmula ang bagyo at sa hilaga nagmula ang malamig na hangin.
Mula sa timog nanggagaling ang bagyo: at ang ginaw ay mula sa hilagaan.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ibinigay ang yelo; nanigas ang tubig gaya ng bakal.
Sa pamamagitan ng hinga ng Dios ay nayayari ang hielo: at ang kaluwangan ng tubig ay naiipit.
11 Tunay nga, pinupuno niya ang makapal na ulap ng tubig; kinakalat niya ang kidlat mula sa mga ulap.
Oo, kaniyang nilalagyan ang masinsing ulap ng halomigmig; kaniyang pinangangalat ang alapaap ng kaniyang kidlat:
12 Pinaikot niya ang mga ulap sa pamamagitan ng kaniyang gabay, para magawa nila ang kahit anong inuutos niya mula sa ibabaw ng buong daigdig.
At pumipihit sa palibot sa pamamagitan ng kaniyang patnubay, upang kanilang gawin ang anomang iutos niya sa kanila, sa ibabaw ng balat ng sanglibutang natatahanan:
13 Ginawa niya ang lahat ng ito na mangyari; minsan nangyayari ito para sa pagtatama, minsan para sa lupain, at minsan bilang mga pagkilos sa katapatan sa tipan.
Maging sa saway, o maging sa kaniyang lupain, o maging sa kaawaan ay pinalilitaw niya.
14 Makinig ka dito Job; huminto ka at isipin mo ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos.
Dinggin mo ito, Oh Job: Tumigil ka, at bulayin ang kagilagilalas na mga gawa ng Dios.
15 Alam mo ba kung papaano pinilit ng Diyos ang kaniyang kagustuhan sa mga ulap at pinakislap ang mga kidlat?
Nalalaman mo ba kung paanong pinararatangan sila ng Dios, at pinasisilang ang kidlat ng kaniyang alapaap?
16 Naiintindihan mo ba ang paglutang ng mga ulap, ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos, na siyang nakaaalam ng lahat?
Nalalaman mo ba ang mga pagtitimbang ng mga alapaap, ang kagilagilalas na mga gawa niya na sakdal sa kaalaman?
17 Naiintindihan mo ba kung papaano ang iyong mga damit ay natuyo nang walang mainit na hangin na mula sa timog?
Paanong umiinit ang inyong mga suot, pagka tumatahimik ang lupa sa pamamagitan ng hanging timugan?
18 Kaya mo bang palawakin ang himpapawid gaya ng ginawa niya - ang himpapawid, na kasing tibay ng salaming bakal?
Mailalatag mo ba na kasama niya ang langit, na matibay na gaya ng isang salaming binubo?
19 Turuan mo kami kung ano ang sasabihin namin sa kaniya, dahil hindi namin matanto ang aming mga katuwiran dahil sa kadiliman ng aming mga pag-iisip.
Ituro mo sa amin kung anong aming sasabihin sa kaniya; sapagka't hindi namin maayos ang aming pananalita dahil sa kadiliman.
20 Dapat ko bang sabihin sa kaniya na nais kung makausap siya? Sinong tao ang nais malulon?
Sasaysayin ba sa kaniya na ako'y magsasalita? O iisipin ba ng isang tao na siya'y sasakmalin.
21 Ngayon, hindi makatingin ang mga tao sa araw kapag nagliliwanag ito sa himpapawid pagkatapos umihip ng hangin at nagliwanag ang mga ulap nito.
At ngayo'y hindi nakikita ng mga tao ang makinang na liwanag na nasa mga langit: nguni't ang hangin ay dumadaan, at pinapalis ang mga yaon.
22 Mula sa hilaga ang ginintuang kaluwalhatian - dahil sa kagila-gilalas na kaningningan ng Diyos.
Karilagang ginto ay nagmumula sa hilagaan; may taglay ang Dios na kakilakilabot na karilagan.
23 Tungkol sa Makapangyarihan, hindi namin siya makita; dakila ang kaniyang kapangyarihan at katuwiran. Hindi siya nang-aapi ng mga tao.
Tungkol sa Makapangyarihan sa lahat, hindi natin mauunawa; siya'y marilag sa kapangyarihan; at sa kahatulan at saganang kaganapan siya'y hindi pipighati.
24 Kaya, kinatatakutan siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga nag-iisip na matalino sila.”
Kinatatakutan nga siya ng mga tao: hindi niya binibigyang pitagan ang sinomang pantas sa puso.

< Job 37 >