< Job 33 >

1 Kaya ngayon Job, nagmamakaawa ako sa iyo, pakinggan ang aking sasabihin; makinig ka sa lahat ng aking mga salita.
Gayon man, Job, isinasamo ko sa iyo na, dinggin mo ang aking pananalita, at pakinggan mo ang lahat ng aking mga salita.
2 Tingnan mo ngayon, binuksan ko ang aking bibig; nagsalita na ang aking dila sa aking bibig.
Narito, ngayon ay aking ibinuka ang aking bibig; nagsalita ang aking dila sa aking bibig.
3 Mga salita ko'y magsasabi ng pagkamatapat ng aking puso; kung ano ang alam ng aking mga labi, matapat silang magsasabi sa iyo.
Sasaysayin ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso; at ang nalalaman ng aking mga labi ay sasalitaing may pagtatapat.
4 Ang Espiritu ng Diyos ang gumawa sa akin; ang hininga ng Makapangyarihan ang nagbigay buhay sa akin.
Nilalang ako ng Espiritu ng Dios, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
5 Kung kaya mo, sagutin mo ako; ihanda mo ang iyong sasabihin sa harap ko at tumayo ka.
Kung ikaw ay makasasagot ay sumagot ka sa akin; ayusin mo ang iyong mga salita sa harap ko, tumayo ka.
6 Tingnan mo, matuwid din ako tulad mo sa paningin ng Diyos; hinulma din ako mula sa luwad.
Narito, ako'y sa Dios na gaya mo: ako ma'y nilalang mula rin sa putik.
7 Tingnan mo, hindi ka matatakot sa akin; maging ang aking presensya ay hindi rin magiging mabigat sa iyo.
Narito, hindi ka tatakutin ng aking kakilabutan, ni ang aking kalakhan man ay magiging mabigat sa iyo.
8 Sa aking pandinig tiyak kang nagsalita; narinig ko ang tunog ng iyong mga salita na nagsasabi,
Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pakinig, at aking narinig ang tinig ng iyong mga salita, na nagsasabi,
9 “Malinis ako at walang pagkakasala; ako ay inosente, at ako ay walang kasalanan.
Ako'y malinis na walang pagsalangsang; ako'y walang sala, ni may kasamaan man sa akin:
10 Tingnan mo, naghanap ng pagkakataon ang Diyos na lusubin ako; tinuring niya akong kaaway.
Narito, siya'y nakasumpong ng kadahilanan laban sa akin, ibinilang niya ako na pinakakaaway:
11 Ginapos niya ang aking mga paa sa mga kahoy na posas; tinitingnan niya lahat ng aking daraanan.
Inilagay niya ang aking mga paa sa mga pangawan, kaniyang pinupuna ang lahat na aking landas.
12 Tingnan mo, sasagutin kita; nagkakamali ka sa pagsasabi nito, dahil ang Diyos ay mas higit kaysa sa tao.
Narito, ako'y sasagot sa iyo, dito'y hindi ka ganap; sapagka't ang Dios ay dakila kay sa tao.
13 Bakit ka nakikibaka sa kaniya? Hindi niya kailangan ipaliwanag ang lahat ng kaniyang mga ginagawa.
Bakit ka nakikilaban sa kaniya? Sapagka't hindi siya nagbibigay alam ng anoman sa kaniyang mga usap.
14 Minsan nang nagsalita ang Diyos - oo, dalawang beses, bagama't hindi ito napapansin ng tao.
Sapagka't ang Dios ay minsang nagsasalita, Oo, makalawa, bagaman hindi pinakikinggan ng tao.
15 Sa panaginip, sa pangitain sa gabi, kapag mahimbing na natulog ang mga tao ay dumating, sa pagkakatulog sa higaan -
Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na pagkakatulog ay nahuhulog sa mga tao, sa mga pagkakatulog sa higaan;
16 pagkatapos binubuksan ng Diyos ang mga tainga ng tao, at tatakutin sila ng mga banta,
Kung magkagayo'y ibinubukas niya ang mga pakinig ng mga tao, at itinatatak ang kanilang turo,
17 para hilahin sila mula sa kaniyang makasalanang mga layunin, at ilayo ang kayabangan sa kaniya.
Upang ihiwalay ang tao sa kaniyang panukala, at ikubli ang kapalaluan sa tao;
18 Nilalayo ng Diyos ang buhay ng tao mula sa hukay, ang buhay niya mula sa pagtawid sa kamatayan.
Kaniyang pinipigil ang kaniyang kaluluwa sa pagbulusok sa hukay, at ang kaniyang buhay sa pagkamatay sa pamamagitan ng tabak.
19 Pinarurusahan din ang tao ng may kirot sa kaniyang higaan, na may patuloy na paghihirap sa kaniyang mga buto,
Siya nama'y pinarurusahan ng sakit sa kaniyang higaan, at ng palaging antak sa kaniyang mga buto:
20 para mapoot ang kaniyang buhay sa pagkain, at mapoot ang kaniyang kaluluwa sa masasarap na pagkain.
Na anopa't kinayayamutan ng kaniyang buhay ang tinapay, at ng kaniyang kaluluwa ang pagkaing pinakamasarap,
21 Inubos ang kaniyang laman para hindi na ito makita; ang kaniyang mga buto na minsan ay hindi na nakikita, ngayon ay nakalitaw na.
Ang kaniyang laman ay natutunaw, na hindi makita; at ang kaniyang mga buto na hindi nakita ay nangalilitaw.
22 Sa katunayan, nalalapit na sa hukay ang kaniyang kaluluwa, ang kaniyang buhay sa mga humihiling na wasakin ito.
Oo, ang kaniyang kaluluwa ay nalalapit sa hukay, at ang kaniyang buhay sa mga mangwawasak.
23 Pero kung mayroong lamang na anghel na maaaring mamagitan para sa kaniya, isang tagapamagitan mula sa libi-libong mga anghel, para ipakita kung ano ang tamang gawin,
Kung doroong kasama niya ang isang anghel, isang tagapagpaaninaw, na isa sa gitna ng isang libo, upang ipakilala sa tao kung ano ang matuwid sa kaniya;
24 at kung ang anghel ay mabait sa kaniya at sasabihin sa Diyos na, “Iligtas mo ang taong ito mula sa pagbaba sa hukay; nakahanap ako ng pangtubos para sa kaniya,
Kung magkagayo'y binibiyayaan niya siya at nagsasabi, Iligtas mo siya sa pagbaba sa hukay, ako'y nakasumpong ng katubusan.
25 pagkatapos ang kaniyang laman ay magiging mas sariwa kaysa sa isang bata; babalik siya sa mga araw ng kalakasan ng kaniyang kabataan.
Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kay sa laman ng isang bata; siya'y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan:
26 Mananalangin siya, at magiging mabait ang Diyos sa kaniya, para makita niya ang mukha ng Diyos nang may kasiyahan at bibigyan siya ng tagumpay.
Siya'y dumadalangin sa Dios, at nililingap niya siya: na anopa't kaniyang nakikita ang kaniyang mukha na may kagalakan: at kaniyang isinasa tao ang kaniyang katuwiran.
27 Pagkatapos aawit ang taong iyon sa harap ng mga tao at sasabihin, “Nagkasala ako at binaluktot kung alin ang tama, pero hindi pinarusahan ang aking kasalanan.
Siya'y umaawit sa harap ng mga tao, at nagsasabi, Ako'y nagkasala, at sumira ng matuwid, at hindi ko napakinabangan:
28 Iniligtas ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa pagpunta sa hukay; patuloy na makikita ng aking buhay ang liwanag.'
Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa pagyao sa hukay, at ang aking buhay ay makakakita ng liwanag.
29 Tingnan mo, ginawang lahat ito ng Diyos sa isang tao, dalawang beses, oo, kahit tatlong beses pa,
Narito, ang lahat ng mga bagay na ito ay gawa ng Dios, makalawa, oo, makaitlo sa tao,
30 para makuha ang kaniyang kaluluwa mula sa hukay, kaya maliliwanagan siya nang liwanag ng buhay.
Upang ibalik ang kaniyang kaluluwa mula sa hukay, upang siya'y maliwanagan ng liwanag ng buhay.
31 Bigyang-pansin mo ito Job, at makinig ka sa akin; tumahimik ka at magsasalita ako.
Pansinin mong mabuti, Oh Job, dinggin mo ako: tumahimik ka, at ako'y magsasalita.
32 Kung may sasabihin ka, sagutin mo ako; magsalita ka, dahil hiling ko na mapatunayan na ikaw ay nasa tama.
Kung ikaw ay may anomang bagay na sasabihin, sagutin mo ako: ikaw ay magsalita, sapagka't ibig kong ariin kang ganap.
33 Kung hindi, makinig ka sa akin; manatili kang tahimik, at tuturuan kita ng karunungan.”
Kung hindi, dinggin mo ako: tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.

< Job 33 >