< Job 31 >

1 Gumawa ako ng tipan sa aking mga mata; paano kaya ako makakatingin nang may pagnanasa sa isang birhen?
Ako'y nakipagtipan sa aking mga mata; paano nga akong titingin sa isang dalaga?
2 Dahil ano ang gantimpala mula sa Diyos sa itaas, ang mana mula sa Makapangyarihan na nasa itaas?
Sapagka't ano ang bahagi sa ganang akin sa Dios mula sa itaas, at ang mana sa Makapangyarihan sa lahat mula sa kaitaasan?
3 Dati ay iniisip ko na ang kalamidad ay para sa mga makasalanan, na ang kapahamakan ay para sa mga gumagawa ng kasamaan.
Hindi ba kasakunaan sa liko, at kasawiang palad sa mga manggagawa ng kasamaan?
4 Hindi ba nakikita ng Diyos ang aking mga pamamaraan at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?
Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad, at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?
5 Kung ako ay lumakad nang may kasinungalingan, kung ang paa ko ay nagmadali patungo sa panlilinlang,
Kung ako'y lumakad na walang kabuluhan, at ang aking paa ay nagmadali sa pagdaraya;
6 (hayaang ako ay timbangin sa isang parehas na timbangan para malaman ng Diyos ang aking integridad).
(Timbangin ako sa matuwid na timbangan, upang mabatid ng Dios ang aking pagtatapat; )
7 kung nalihis mula sa tamang daan ang aking hakbang, kung sumunod ang aking puso sa aking mga mata, kung may anumang bahid ng karumihan ang dumikit sa aking mga kamay,
Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan, at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata, at kung ang anomang dungis ay kumapit sa aking mga kamay:
8 kung gayon hayaang maghasik ako at hayaang ang iba ang kumain; tunay nga, hayaang bunutin ang ani mula sa aking bukid.
Kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang kanin ng iba; Oo, bunutin ang bunga ng aking bukid.
9 Kung naakit ang aking puso sa ibang babae, kung ako ay naghintay sa pinto ng aking kapwa para sa kaniyang asawang babae,
Kung ang aking puso ay napadaya sa babae, at ako'y bumakay sa pintuan ng aking kapuwa:
10 kung gayon hayaang gumiling ng butil ang aking asawa para sa ibang lalaki, at hayaang sumiping ang ibang mga lalaki sa kaniya.
Kung magkagayo'y iba ang ipaggiling ng aking asawa, at iba ang yumuko sa kaniya.
11 Dahil iyon ay magiging kakila-kilabot na krimen; tunay nga, iyon ay magiging isang krimen na parurusahan ng mga hukom.
Sapagka't iya'y isang mabigat na sala; Oo, isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom:
12 Dahil iyon ay isang apoy na sumusunog sa lahat ng bagay para sa sheol at susunugin niyon ang lahat ng aking mga ani.
Sapagka't isang apoy na namumugnaw hanggang sa pagkapahamak, at bubunutin ang lahat ng aking bunga.
13 Kung hindi ko pinansin ang pagsamo para sa katarungan mula sa aking lalaki o babaeng lingkod nang sila ay nakipagtalo sa akin,
Kung hinamak ko ang katuwiran ng aking aliping lalake o aliping babae, nang sila'y makipagtalo sa akin:
14 ano kung ganoon ang gagawin ko kapag tumayo ang Diyos para akusahan ako? Kapag dumating siya para husgahan ako, paano ko siya sasagutin?
Ano nga ang aking gagawin pagka bumabangon ang Dios? At pagka kaniyang dinadalaw, anong isasagot ko sa kaniya?
15 Hindi ba't ginawa rin sila ng siyang gumawa sa akin sa sinapupunan? Hindi ba't pareho ang nag-iisa na bumuo sa ating lahat sa sinapupunan?
Hindi ba siyang lumalang sa akin sa bahay-bata ang lumalang sa kaniya; at hindi ba iisa ang humugis sa atin sa bahay-bata?
16 Kung ipinagkait ko ang mga ninanais ng mga mahihirap, o kung idinulot ko na lumabo ang mga mata ng mga biyuda dahil sa pag-iyak,
Kung pinagkaitan ko ang dukha sa kanilang nasa, o pinangalumata ko ang mga mata ng babaing bao:
17 o kung kinain kong mag-isa ang aking pagkain at hindi pinayagang kumain din nito ang mga walang ama -
O kumain akong magisa ng aking subo, at ang ulila ay hindi kumain niyaon;
18 (sa halip, mula sa aking pagkabata ang ulila ay lumaki kasama ko parang sa isang ama, at ginabayan ko ang kaniyang ina, isang biyuda, mula sa sinapupunan ng sarili kong ina) —
(Hindi, mula sa aking kabataan ay lumaki siyang kasama ko, na gaya ng may isang ama, at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng aking ina; )
19 kung nakita ko ang sinuman na namatay dahil sa kakulangan ng pananamit, o kung nakita ko ang isang nangangailangang tao na walang pananamit;
Kung ako'y nakakita ng sinomang nangangailangan ng kasuutan, o ng mapagkailangan ng walang kumot;
20 o kung hindi ako binasbasan ng kaniyang puso dahil hindi siya nainitan ng balahibo ng aking tupa,
Kung hindi ako pinagpala ng kaniyang mga balakang, at kung siya'y hindi nainitan ng balahibo ng aking mga tupa:
21 kung iniamba ko ang aking kamay laban sa mga taong walang ama dahil nakita ko ang pagsuporta para sa akin sa tarangkahan ng lungsod —
Kung binuhat ko ang aking kamay laban sa ulila, sapagka't nakita ko ang tulong sa akin sa pintuang-bayan:
22 kung ganoon hayaang malaglag ang aking balikat mula sa paypay, at hayaang ang bisig ko ay mabali mula sa hugpungan.
Kung nagkagayo'y malaglag ang aking balikat sa abot-agawin, at ang aking kamay ay mabali sa buto.
23 Dahil ang sakuna mula sa Diyos ay magiging malaking takot sa akin; dahil sa kaniyang kamahalan, hindi ko kayang gawin ang mga bagay na ito.
Sapagka't ang kasakunaang mula sa Dios ay kakilabutan sa akin, at dahil sa kaniyang karilagan ay wala akong magawa.
24 Kung ginawa kong aking pag-asa ang ginto, at kung sinabi ko sa mainam na ginto, 'Sa iyo ako may tiwala;'
Kung aking pinapaging ginto ang aking pagasa, at sinabi ko sa dalisay na ginto, ikaw ay aking tiwala;
25 Kung ako ay nagalak dahil labis ang aking kayamanan, dahil kinuha ng aking kamay ang maraming pag-aari;
Kung ako'y nagalak sapagka't ang aking kayamanan ay malaki, at sapagka't ang aking kamay ay nagtamo ng marami;
26 kung nakita ko ang araw nang ito ay lumiwanag, o ang buwan na naglalakad sa kaniyang kaliwanagan,
Kung ako'y tumingin sa araw pagka sumisikat, o sa buwan na lumalakad sa kakinangan;
27 at kung lihim na naakit ang aking puso, kaya hinalikan ng aking bibig ang aking kamay sa pagsamba sa kanila -
At ang aking puso ay napadayang lihim, at hinagkan ng aking bibig ang aking kamay:
28 ito rin ay magiging isang krimen na paparusahan ng mga hukom, sapagkat ikakaila ko sana ang Diyos na nasa itaas.
Ito may isang kasamaang marapat parusahan ng mga hukom: sapagka't itinakuwil ko ang Dios na nasa itaas.
29 Kung nagalak ako sa pagkasira ng sinumang namumuhi sa akin at binati ang aking sarili nang inabutan siya ng sakuna —
Kung ako'y nagalak sa kasakunaan niyaong nagtatanim ng loob sa akin, o nagmataas ako ng datnan siya ng kasamaan;
30 (tunay nga, hindi ko pinayagan ang aking bibig na magkasala sa pamamagitan ng paghingi ng kaniyang buhay gamit ang isang sumpa)
(Oo, hindi ko tiniis ang aking bibig sa kasalanan sa paghingi ng kaniyang buhay na may sumpa; )
31 kung hindi kailanman sinabi ng mga tao sa aking tolda, “Sino ang makakahanap ng isang hindi nabusog sa pagkain ni Job?”
Kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi, sinong makakasumpong ng isa na hindi nabusog sa kaniyang pagkain?
32 (hindi kailanman kinailangan ng dayuhan na manatili sa lansangan; sa halip, lagi kong binubuksan ang aking mga pinto sa manlalakbay)
Ang taga ibang lupa ay hindi tumigil sa lansangan; kundi aking ibinukas ang aking mga pinto sa manglalakbay,
33 kung, tulad ng sangkatauhan, itinago ko ang aking mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatago ng aking kasalanan sa loob ng aking tunika
Kung aking tinakpan na gaya ni Adan ang aking mga pagsalangsang, sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;
34 - dahil kinatakutan ko ang napakaraming tao, dahil lubha akong natakot sa paghamak ng mga pamilya, kung kaya't nanahimik ako at hindi lumabas ng aking bahay.
Sapagka't aking kinatakutan ang lubhang karamihan, at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan. Na anopa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan?
35 O, kung mayroon lang sanang makikinig sa akin! Tingnan ninyo, narito ang aking lagda; hayaang sagutin ako ng Makapangyarihan! Kung nasa akin lang sana ang sakdal na isinulat ng aking kalaban!
O mano nawang may duminig sa akin! (Narito ang aking tala, sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat; ) At mano nawang magkaroon ako ng sumbong na isinulat ng aking kaaway!
36 Tiyak na lantarang dadalhin ko ito sa aking balikat; isusuot ko ito nang tulad ng isang korona.
Tunay na aking papasanin ito sa aking balikat; aking itatali sa akin na gaya ng isang putong.
37 Magpapahayag ako sa kaniya ng isang pagsusulit ng aking mga hakbang; gaya ng isang prinsipeng malakas ang loob, lalapitan ko siya.
Aking ipahahayag sa kaniya ang bilang ng aking mga hakbang, gaya ng isang pangulo na lalapitan ko siya.
38 Kung sakaling sumigaw laban sa akin ang aking lupain, at ang mga daan ng araro nito ay sama-samang umiyak,
Kung ang aking lupa ay humiyaw laban sa akin, at ang mga bungkal niyaon ay umiyak na magkakasama;
39 kung kinain ko ang ani nito nang hindi ito binabayaran o naging dahilan na mamatay ang mga may-ari nito,
Kung kumain ako ng bunga niyaon na walang bayad, o ipinahamak ko ang buhay ng mga may-ari niyaon:
40 kung ganoon hayaang tumubo ang mga tinik sa halip na trigo at damo sa halip na barley.” Tapos na ang mga salita ni Job.
Tubuan ng dawag sa halip ng trigo, at ng mga masamang damo sa halip ng cebada. Ang mga salita ni Job ay natapos.

< Job 31 >