< Job 24 >
1 Bakit hindi tinakda ng Makapangyarihan ang panahon ng paghahatol sa masasamang tao? Bakit hindi nakikita ng mga tapat sa Diyos ang paparating na panahon ng kaniyang paghuhukom?
Bakit ang mga kapanahunan ay hindi itinakda ng Makapangyarihan sa lahat? At bakit hindi nangakakakita ng kaniyang mga araw ang nangakakakilala sa kaniya?
2 Mayroong mga masasama na tinatanggal ang mga hangganan ng tagamarka; mayroong mga masasama na pilit kinukuha ang mga kawan at nilalagay sa sarili nilang mga pastulan.
May nagsisipagbago ng lindero; kanilang dinadalang may karahasan ang mga kawan, at pinasasabsab.
3 Tinataboy nila ang alagang asno ng mga taong walang ama; kinukuha nila ang kapong baka ng balo bilang kasiguraduhan.
Kanilang itinataboy ang asno ng ulila, kanilang kinukuha ang baka ng babaing bao na pinakasangla.
4 Pinapalayas nila ang mga nangangailangan sa kanilang dinaraanan; tinatago ng mga mahihirap sa mundo ang sarili nila mula sa kanila.
Kanilang inililigaw sa daan ang mapagkailangan: ang mga dukha sa lupa ay nagsisikubling magkakasama.
5 Tingnan ninyo, pumupunta ang mga mahihirap na ito sa kanilang trabaho gaya ng mga ligaw na asno sa ilang, maingat na naghahanap ng pagkain; marahil pagkakalooban sila ng pagkain ng Araba para sa kanilang mga anak.
Narito, gaya ng mga mabangis na asno sa ilang, sila'y nagsisilabas sa kanilang gawa, na nagsisihanap na masikap ng pagkain; ang ilang ay siyang nagbibigay sa kanila ng pagkaing ukol sa kanilang mga anak.
6 Umaani sa gabi ang mga mahihirap sa palayan ng ibang tao; namumulot sila ng mga ubas mula sa inani ng mga masasama.
Kanilang pinitas sa bukid ang kanilang pagkain; at kanilang pinamumulutan ang ubasan ng masama.
7 Buong gabi silang hubad na nakahiga nang walang damit; wala silang panakip sa lamig.
Sila'y hubad na nangahihiga buong gabi na walang suot. At walang kumot sa ginaw.
8 Basa sila ng mga ambon ng mga bundok; nahihiga sila sa tabi ng malalaking bato dahil wala silang masisilungan.
Sila'y basa ng ulan sa mga bundok, at niyayakap ang bato sa pagkakailangan ng kulungan.
9 Mayroong masasama na kinukuha ang mga ulila mula sa dibdib ng kanilang ina, at masasamang tao na kinukuha ang mga bata bilang kasiguraduhan mula sa mga mahihirap.
May nagsisiagaw ng ulila mula sa suso, at nagsisikuha ng sangla ng dukha:
10 Pero naglilibot ang mga mahihirap nang walang damit; bagaman sila ay nagugutom, dinadala nila ang bungkos ng mga butil ng iba.
Na anopa't sila'y yumayaong hubad na walang damit, at palibhasa'y gutom ay kanilang dinadala ang mga bigkis;
11 Gumagawa ng langis ang mga mahihirap sa loob ng mga pader ng masasama. Tinatapakan nila ang pampiga ng ubas ng masasama, pero sila mismo ay nagdudusa ng kauhawan.
Sila'y nagsisigawa ng langis sa loob ng olibohan ng mga taong ito; sila'y nagpipisa sa kanilang pisaan ng ubas, at nagtitiis ng uhaw.
12 Dumadaing ang mga tao sa lungsod, umiiyak ang mga sugatan, pero hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang mga panalangin.
Mula sa makapal na bayan ay nagsisidaing ang mga tao, at ang kaluluwa ng may sugat ay humihiyaw; gayon ma'y hindi inaaring mangmang ng Dios.
13 Ang ilan sa masasama ay naghihimagsik laban sa liwanag; hindi nila alam ang pamamaraan nito, ni nagpapatuloy sa daan nito.
Ito'y sa mga nangaghihimagsik laban sa liwanag; Hindi nila nalalaman ang mga daan niyaon, ni tumatahan man sa mga landas niyaon.
14 Bumabangon ang mamamatay-tao kasabay ng liwanag; pinapatay niya ang mahihirap at nangangailangan; sa gabi ay tulad siya ng magnanakaw.
Ang mamamatay tao ay bumabangon pagliliwanag, pinapatay niya ang dukha at mapagkailangan; at sa gabi ay gaya siya ng magnanakaw.
15 Gayundin, inaabangan ng mata ng nakikiapid ang takipsilim, sinasabi niya, 'Walang mata ang makakakita sa akin'. Tinatago niya ang kaniyang mukha.
Ang mata naman ng mapangalunya ay naghihintay ng pagtatakip-silim, na sinasabi, Walang matang makakakita sa akin: at nagiiba ng kaniyang mukha.
16 Sa kadiliman ay nagbubungkal sa loob ng bahay ang mga masasama; pero kinukulong nila ang kanilang sarili sa araw; wala silang pakialam sa liwanag.
Sa kadiliman ay nagsisihukay sila sa mga bahay: sila'y nagkukulong sa sarili kung araw; hindi nila nalalaman ang liwanag,
17 Dahil ang umaga para sa kanilang lahat ay gaya ng makapal na kadiliman; maginhawa sila sa mga katakot-takot na mga bagay sa makapal na kadiliman.
Sapagka't ang umaga sa kanilang lahat ay parang salimuot na kadiliman, sapagka't kanilang nalalaman ang mga kakilabutan ng salimot na kadiliman.
18 Pero, mabilis silang lumilipas gaya ng bula sa ibabaw ng mga tubig; may sumpa ang bahagi ng kanilang lupa; walang nagtatrabaho sa kanilang ubasan.
Siya'y matulin sa ibabaw ng tubig; ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa: siya'y hindi babalik sa daan ng mga ubasan.
19 Tinutupok ng tagtuyot at init ang tubig ng niyebe; gayundin nilalamon ng sheol ang mga nagkasala. (Sheol )
Katuyuan at kainitan ay tumutunaw ng mga niebeng tubig: gaya ng Sheol ng mga nagkakasala. (Sheol )
20 Makakalimutan siya ng sinapupunang nagdala sa kaniya; matamis siyang kakainin ng mga uod, hindi na siya maaalala magpakailanman; sa ganitong paraan, mababali ang kasamaan gaya ng puno.
Kalilimutan siya ng bahay-bata: siya'y kakaning maigi ng uod; siya'y hindi na maaalaala pa: at ang kalikuan ay babaliing parang punong kahoy.
21 Nilalamon ng masama ang mga baog na babae na kailanman ay hindi nanganak; wala siyang ginagawang mabuti sa balo.
Kaniyang sinasakmal ang baog na hindi nanganganak; at hindi gumagawa ng mabuti sa babaing bao.
22 Pero tinatangay ng Diyos ang makapangyarihang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan; bumabangon siya at hindi pinalalakas ang kanilang buhay.
Inaagawan naman ng Dios ang may kaya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan: siya'y bumabangon na walang katiwasayan sa buhay.
23 Hinahayaan ng Diyos na isipin nila na ligtas sila, at masaya sila roon, pero ang mata niya ay nasa kanilang mga kinikilos.
Pinagkakalooban sila ng Dios na malagay sa katiwasayan, at sila'y nagpapahinga roon; at ang kaniyang mga mata ay nasa kanilang mga lakad.
24 Tinatanghal ang mga taong ito; pero, sa ilang sandali lamang, maglalaho sila; tunay nga, ibababa sila; titipunin sila gaya ng ilan; mapuputol sila gaya ng dulo ng butil ng palay.
Sila'y nangataas, gayon ma'y isang sandali pa, at sila'y wala na. Oo, sila'y nangababa, sila'y nangaalis sa daan na gaya ng lahat ng mga iba, at nangaputol na gaya ng mga uhay.
25 Kung hindi ito totoo, sino ang makapagpapatunay na sinungaling ako; sino ang makapagpapawalang-bisa ng aking mga salita?”
At kung hindi gayon ngayon, sinong magpapatotoo na ako'y sinungaling, at magwawala ng kabuluhan ng aking pananalita?