< Job 22 >
1 Pagkatapos sumagot si Elifaz ang taga-Teman at sinabing,
Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
2 “Magiging kagamit-gamit ba ang tao sa Diyos? Magiging kagamit-gamit ba ang matalino sa kaniya?
Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios? Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.
3 Kasiyahan ba para sa Makapangyarihan kung ikaw ay matuwid? Kapakinabangan ba para sa kaniya kung ginawa mong tuwid ang iyong pamamaraan?
May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid? O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?
4 Dahil ba sa iyong paggalang para sa kaniya kaya ka niya sinasaway at dinadala sa paghuhukom?
Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka, na siya'y pumasok sa iyo sa kahatulan?
5 Hindi ba napakatindi ng kasamaan mo? Wala bang katapusan ang mga kasalanan mo?
Hindi ba malaki ang iyong kasamaan? Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.
6 Dahil naningil ka ng pangseguridad mula sa kapatid mong lalaki nang walang dahilan; hinubaran mo ang isang tao.
Sapagka't ikaw ay kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala, at iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.
7 Hindi mo binigyan ng tubig na maiinom ang mga nanghihina; nagdamot ka ng tinapay mula sa mga nagugutom
Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom, at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
8 bagaman ikaw, isang makapangyarihan, ay nagmamay-ari ng mundo, bagaman ikaw, na taong pinaparangalan, ay namumuhay dito.
Nguni't tungkol sa makapangyarihang tao, siya'y nagtatangkilik ng lupa; at ang marangal na tao, ay tumatahan doon.
9 Pinaalis mo ang mga balo nang walang dala; nabali ang mga bisig ng mga walang ama.
Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao, at ang mga kamay ng ulila ay nangabali.
10 Kaya, nakapaligid sa iyo ang mga patibong, at binabagabag ka ng hindi inaasahang mga takot.
Kaya't ang mga silo ay nangasa palibot mo, at biglang takot ay bumabagabag sa iyo,
11 Mayroong kadiliman, para hindi ka makakita; binabalutan ka ng kasaganaan ng mga tubig.
O kadiliman, upang huwag kang makakita. At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.
12 Hindi ba't nasa kalangitan ang Diyos? Pagmasdan mo ang taas ng mga tala, napakataas nila!
Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit? At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!
13 Sinasabi mo, 'Ano bang alam ng Diyos? Kaya ba niyang humatol sa makapal na kadiliman?
At iyong sinasabi, Anong nalalaman ng Dios? Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?
14 Binabalutan siya ng makapal na mga ulap, para hindi niya tayo makita; lumalakad siya sa ibabaw ng arko ng langit.'
Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya'y hindi nakakakita; at siya'y lumalakad sa balantok ng langit.
15 Papanatilihin mo ba ang dating daan kung saan lumakad ang masamang mga tao—
Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan, na nilakaran ng mga masamang tao?
16 ang mga dinampot palayo sa panahon nila, ang mga tinangay ang pundasyon katulad ng ilog,
Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan. Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:
17 ang mga nagsabi sa Diyos, 'Lumayo ka sa amin'; ang mga nagsabing, 'Ano ba ang kayang gawin ng Makapangyarihan sa atin?'
Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin; at, anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?
18 Pero pinuno niya ang kanilang mga tahanan ng mabubuting bagay; malayo sa akin ang mga balak ng mga masama.
Gayon ma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay; nguni't ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 Nakikita ang kanilang kapalaran ng mga taong tuwid at nagagalak; pinagtatawanan sila ng mga taong walang sala para hamakin.
Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa; at tinatawanang mainam ng walang sala:
20 Sinasabi nila, 'Siguradong pinuputol ang mga tumayo laban sa atin; tinupok ng apoy ang kanilang mga pagmamay-ari.
Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay, at ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.
21 Ngayon, sumang-ayon ka sa Diyos at makipagpayapaan sa kaniya; sa ganoong paraan, darating sa iyo ang kabutihan.
Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa: anopa't ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Pakiusap, tanggapin mo ang tagubilin mula sa kaniyang bibig; ingatan mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.
Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig, at ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.
23 Kung babalik ka sa Makapangyarihan, kung itataboy mo ang hindi makatuwiran mula sa iyong mga tolda, maitatatag ka.
Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka; kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.
24 Ilatag mo ang iyong mga kayamanan sa alikabok, ang ginto ng Ofir sa gitna ng mga bato ng batis,
At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok, at ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:
25 at ang Makapangyarihan ang iyong magiging kayamanan at mahalagang pilak sa iyo.
At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan, at mahalagang pilak sa iyo.
26 Dahil sa ganoon masisiyahan ka sa Makapangyarihan; itataas mo ang iyong mukha sa Diyos.
Sapagka't ikaw ay magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat, at iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.
27 Mananalangin ka sa kaniya, at diringgin ka niya; tutuparin mo ang iyong mga pangako sa kaniya.
Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka: at iyong babayaran ang iyong mga panata.
28 Mag-uutos ka rin ng kahit ano, at pagtitibayin ito para sa iyo; magliliwanag ang ilaw sa iyong daan.
Ikaw nama'y magpapasiya ng isang bagay, at ito'y matatatag sa iyo; at liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Binababa ng Diyos ang mga mapagmataas, nililigtas niya ang mga nakababa ang mga mata.
Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas; at ililigtas niya ang mapagpakumbabang tao.
30 Ililigtas niya ang taong walang sala; maliligtas ka sa pamamagitan ng kalinisan ng iyong mga kamay.”
Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal: Oo, siya'y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.