< Job 21 >

1 Pagkatapos sumagot si Job at sinabing,
Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
2 “Pakinggang mabuti ang aking sasabihin, at hayaan ninyong maging tulong ninyo ito sa akin.
Pakinggan ninyong mainam ang aking pananalita; at ito'y maging inyong mga kaaliwan.
3 Pagtiisan ako, at magsasalita rin ako; pagkatapos kong magsalita, ipagpatuloy ninyo ang inyong panlalait.
Pagdalitaan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita, at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay manuya kayo.
4 Para sa akin, sa tao ba dapat ako magreklamo? Bakit hindi dapat ako mainip?
Tungkol sa akin, ay sa tao ba ang aking daing? At bakit hindi ako maiinip?
5 Tingnan ninyo ako at mabigla, at ilagay ninyo ang inyong mga kamay sa inyong mga bibig.
Tandaan ninyo ako, at matigilan kayo. At ilagay ninyo ang inyong kamay sa inyong bibig,
6 Kapag iniisp ko ang aking mga paghihirap, ako ay nababagabag, at nananaig ang takot sa aking laman.
Pagka aking naaalaala nga ay nababagabag ako, at kikilabutan ang humahawak sa aking laman.
7 Bakit patuloy pang nabubuhay ang masasamang tao, tumatanda, at umaangat ang antas sa buhay?
Bakit nabubuhay ang masama, nagiging matanda, oo, nagiging malakas ba sa kapangyarihan?
8 Natatatag ang mga kaapu-apuhan nila sa kanilang paningin, at natatatag ang kanilang mga anak sa harap ng kanilang mga mata.
Ang kanilang binhi ay natatatag nakasama nila sa kanilang paningin, at ang kanilang mga suwi ay nasa harap ng kanilang mga mata.
9 Ligtas ang tahanan nila mula sa takot; kahit sa pamalo ng Diyos sa kanila.
Ang kanilang mga bahay ay tiwasay na walang takot, kahit ang pamalo man ng Dios ay wala sa kanila.
10 Nanganganak ang kanilang mga toro, at hindi nabibigo ang mga ito; nanganganak ang kanilang mga baka at hindi namamatay ang guya nito dahil sa maagang pagkapanganak nito.
Ang kanilang baka ay naglilihi, at hindi nababaog; ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kaniyang guya.
11 Pinapalaya nila ang kanilang mga anak na parang mga kawan, at sumasayaw ang mga ito.
Kaniyang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan, at ang kanilang mga anak ay nangagsasayawan,
12 Umaawit sila sa tamburin at alpa at nagagalak sa tugtog ng plauta.
Sila'y nangagaawitan na katugma ng pandereta at alpa, at nangagkakatuwa sa tunog ng plauta.
13 Lumilipas ang mga araw nila sa kasaganaan, at tahimik silang bumababa sa sheol. (Sheol h7585)
Kanilang ginugugol ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at sa isang sandali ay nagsisilusong sila sa Sheol. (Sheol h7585)
14 Sinasabi nila sa Diyos, 'Lumayo ka sa amin dahil wala kaming nais na malaman sa pamamaraan mo.
At sinasabi nila sa Dios: Lumayo ka sa amin; sapagka't hindi namin ninanasa ang pagkaalam ng inyong mga lakad.
15 Sino ba ang Makapangyarihan, na dapat namin siyang sambahin? Anong kapakinabangan ang makukuha namin kung nagdasal kami sa kaniya?'
Ano ang Makapangyarihan sa lahat na siya'y paglilingkuran namin? At anong pakinabang magkakaroon kami, kung kami ay magsidalangin sa kaniya?
16 Tingnan ninyo, hindi ba nasa mga kamay nila ang kanilang kasaganaan? Wala akong gagawin sa payo ng masasamang tao.
Narito, ang kanilang kaginhawahan ay wala sa kanilang kamay: ang payo ng masama ay malayo sa akin.
17 Gaano kadalas pinapatay ang ilawan ng masasamang tao, o dumadating ang kapahamakan sa kanila? Gaano kadalas kinakalat ng Diyos ang kalungkutan sa kanila dahil sa kaniyang galit?
Gaano kadalas pinapatay ang ilawan ng masama? Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating ba sa kanila? Na nagbabahagi ba ang Dios ng mga kapanglawan sa kaniyang galit?
18 Gaano sila kadalas nagiging katulad ng putol na halaman sa hangin o tulad ng ipa na tinatangay ng bagyo?
Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin, at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19 Sinasabi ninyo, 'Nilalaan ng Diyos ang kasalanan ng tao para pagbayaran ng kaniyang mga anak'. Hayaan mo siyang pagbayaran ito mismo, para malaman niya kung ano ang kasalanan niya.
Inyong sinasabi, Inilalapat ng Dios ang kaniyang parusa sa kaniyang mga anak. Gantihin sa kaniyang sarili upang maalaman niya.
20 Hayaan mong makita ng kaniyang mga mata ang sarili niyang pagkawasak, at hayaan mong inumin niya ang poot ng Makapangyarihan.
Makita ng kaniyang mga mata ang kaniyang pagkagiba, at uminom siya ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Dahil ano ang pakialam niya sa kaniyang pamilya kapag naputol na ang kaniyang mga araw?
Sapagka't anong kasayahan magkakaroon siya sa kaniyang bahay pagkamatay niya, pagka ang bilang ng kaniyang mga buwan ay nahiwalay sa gitna?
22 Mayroon bang makapagtuturo ng kaalaman sa Diyos dahil siya ang humahatol kahit ng mga nasa nakatataas?
May makapagtuturo ba ng kaalaman sa Dios? Dangang kaniyang hinahatulan yaong nangasa mataas.
23 Namamatay ang isang tao habang malakas pa siya, nang payapa at panatag.
Isa'y namamatay sa kaniyang lubos na kalakasan, palibhasa't walang bahala at tahimik:
24 Puno ang katawan niya ng gatas, at matibay ang kaniyang mga buto at nasa mabuting kalagayan.
Ang kaniyang mga suso ay puno ng gatas, at ang utak ng kaniyang mga buto ay halumigmig.
25 Ang iba naman ay namamatay nang may kapaitan sa kaniyang kaluluwa, ang siyang hindi pa nakararanas ng kahit anong mabuti.
At ang iba'y namamatay sa paghihirap ng kaluluwa, at kailan man ay hindi nakakalasa ng mabuti.
26 Pareho silang nahihiga sa alikabok; pareho silang binabalutan ng mga uod.
Sila'y nahihigang magkakasama sa alabok, at tinatakpan sila ng uod.
27 Tingnan ninyo, alam ko ang nasa isip ninyo, alam ko ang mga paraan kung paano ninyo ako nais hamakin.
Narito, aking nalalaman ang inyong pagiisip, at ang mga maling haka ng inyong inaakala laban sa akin.
28 Dahil sinasabi ninyo, 'Nasaan na ngayon ang tahanan ng prinsipe? Nasaan na ang tolda na minsang pinapamahayan ng masama?'
Sapagka't inyong sinasabi, Saan naroon ang bahay ng prinsipe? At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?
29 Hindi ninyo pa ba tinatanong ang mga manlalakbay? Hindi ninyo ba alam ang katibayan na kaya nilang sabihin,
Hindi ba ninyo itinanong sa kanilang nangagdadaan? At hindi ba ninyo nalalaman ang kanilang mga pinagkakakilanlan?
30 na ang masamang tao ay iniingatan mula sa araw ng kapahamakan, at nilalayo siya mula sa araw ng poot?
Na ang masamang tao ay natataan sa kaarawan ng kasakunaan? Na sila'y pinapatnubayan sa kaarawan ng kapootan?
31 Sino ang hahatol sa kaniya nang harapan dahil sa masasama niyang pamamaraan? Sino ang maghihiganti sa kaniya dahil sa kaniyang mga ginawa?
Sinong magpapahayag ng kaniyang lakad sa kaniyang mukha? At sinong magbabayad sa kaniya ng kaniyang ginawa?
32 Pero ililibing siya; babantayan ng mga tao ang kaniyang puntod.
Gayon ma'y dadalhin siya sa libingan, at magbabantay ang mga tao sa libingan.
33 Magiging matamis sa kaniya ang mga tipak ng lambak; susundan siya ng lahat ng mga tao, dahil hindi mabilang ang tao na nauna sa kaniya.
Ang mga bugal ng libis ay mamabutihin niya, at lahat ng tao ay magsisisunod sa kaniya, gaya ng nauna sa kaniya na walang bilang.
34 Paano ninyo ako ngayon aaliwin sa pamamagitan ng walang kabuluhan, dahil walang mabuti sa mga sagot ninyo kung hindi puro kasinungalingan?”
Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan, dangang sa inyong mga sagot ang naiiwan lamang ay kabulaanan?

< Job 21 >