< Job 20 >
1 Pagkatapos sumagot si Zofar ang taga-Naaman,
Nang magkagayo'y sumagot si Zophar na Naamathita, at nagsabi,
2 “Mabilis akong pinapasagot ng aking kaisipan dahil sa aking pag-aalala.
Kaya't nagbibigay sagot sa akin ang aking mga pagiisip, dahil nga sa aking pagmamadali na taglay ko.
3 Nakarinig ako mula sa iyo ng isang pagsaway na nagpahiya sa akin, pero tinutugon ako ng espiritu na higit sa aking pang-unawa.
Aking narinig ang saway na inilalagay ako sa kahihiyan, at ang diwa ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin.
4 Hindi mo ba alam ang katotohanan na ito noong sinaunang panahon, nang nilagay ng Diyos ang tao sa lupa:
Hindi mo ba nalalaman ito ng una, mula nang ang tao'y malagay sa lupa,
5 saglit lang ang katagumpayan ng masama, at ang kagalakan ng taong hindi naniniwala diyos ay hindi nagtatagal?
Na ang pagtatagumpay ng masama ay maikli, at ang kagalakan ng di banal ay sandali lamang?
6 Bagaman umabot sa kalangitan ang tangkad niya, at umabot ang ulo niya sa kaulapan,
Bagaman ang kaniyang karilagan ay napaiilanglang hanggang sa langit, at ang kaniyang ulo ay umaabot hanggang sa mga alapaap;
7 pero maglalaho ang taong iyon katulad ng kaniyang dumi; sasabihin ng mga nakakita sa kaniya, 'Nasaan siya?'
Gayon may matutunaw siya magpakailan man, na gaya ng kaniyang sariling dumi: silang nangakakita sa kaniya ay mangagsasabi: Nasaan siya?
8 Lilipad siya palayo tulad ng panaginip at hindi na masusumpungan; itataboy siya palayo katulad ng pangitain sa gabi.
Siya'y mawawala na gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan. Oo, siya'y mawawala na parang pangitain sa gabi.
9 Hindi na siya muling makikita ng mga mata na nakakita sa kaniya; hindi na siya muling makikita ng pinanggalingan niya.
Ang mata na nakakita sa kaniya ay hindi na siya makikita pa; ni mamamalas pa man siya sa kaniyang pook.
10 Hihingi ng kapatawaran ang mga anak niya sa mga dukha, ibabalik ng mga kamay niya ang kaniyang kayamanan.
Hahanapin ng kaniyang mga anak ang lingap ng dukha, at ang kaniyang mga kamay ay magsasauli ng kaniyang kayamanan.
11 Puno ng kasiglahan ang kaniyang mga buto, pero kasama niya itong hihiga sa kaniya sa alabok.
Ang kaniyang mga buto ay puspos ng kaniyang kabataan, nguni't hihiga na kasama niya sa alabok.
12 Bagaman matamis ang kasamaan sa kaniyang bibig, bagaman itinatago niya ito sa ilalim ng kaniyang dila,
Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kaniyang bibig, bagaman kaniyang itago sa ilalim ng kaniyang dila;
13 bagaman pinipigilan niya ito at hindi pinapakawalan pero pinapanatili pa rin ito sa kaniyang bibig—
Bagaman kaniyang patawarin, at hindi niya ito babayaan, kundi ingatan pa sa loob ng kaniyang bibig;
14 magiging mapait ang pagkain sa kaniyang bituka, magiging kamandag ito ng mga ahas sa loob niya.
Gayon ma'y ang kaniyang pagkain ay nabago na sa kaniyang tiyan, siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya.
15 Nilulunok niya ang kaniyang mga kayamanan, pero isusuka niya ulit ito; palalabasin ito ng Diyos mula sa kaniyang tiyan.
Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kaniyang mga isusuka uli: mga aalisin uli ng Dios sa kaniyang tiyan.
16 Sisipsipin niya ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong.
Kaniyang hihititin ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong.
17 Hindi siya mabubuhay para magalak sa panonood ng mga ilog at dumadaloy na agos ng pulot at mantikilya.
Hindi niya matitingnan ang mga ilog, ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya.
18 Pagbabayaran niya ang kaniyang mga pinaghirapan; hindi niya ito lulunukin; hindi siya magagalak sa kayamanan na nakuha niya.
Na kaniyang isasauli ang kaniyang pinagpagalan, at hindi lalamunin; ayon sa pag-aari na kaniyang tinangkilik, hindi siya magagalak.
19 Dahil inapi niya at pinabayaan ang mga dukha; sapilitan niyang inagaw ang mga bahay na hindi niya itinayo.
Sapagka't kaniyang pinighati at pinabayaan ang dukha; kaniyang kinuhang marahas ang isang bahay; at hindi niya itatayo.
20 Dahil hindi siya makahanap ng kasiyahan sa kaniyang sarili, hindi niya maliligtas ang kahit anong bagay na nagbibigay sa kaniya ng kaligayahan.
Sapagka't hindi siya nakakilala ng katiwasayan sa loob niya, hindi siya makapagliligtas ng anoman sa kaniyang kinaluluguran.
21 Walang naiwang bagay ang hindi niya nilamon; kaya hindi magtatagal ang kaniyang kasaganaan.
Walang bagay na naiwan na hindi niya sinakmal; kaya't ang kaniyang kaginhawahan ay hindi mananatili.
22 Sa kasaganaan ng kaniyang kayamanan siya ay mahuhulog sa kaguluhan; darating sa kaniya ang kamay ng lahat ng nasa kahirapan.
Sa lubos niyang kasaganaan ay magigipit siya; ang kamay ng bawa't nasa karalitaan ay darating sa kaniya.
23 Kapag naghahanda na siyang magpakabusog, ibubuhos ng Diyos ang bagsik ng kaniyang poot sa taong iyon; papaulanin niya ito sa kaniya habang kumakain siya.
Pagka kaniyang bubusugin ang kaniyang tiyan, ihuhulog ng Dios ang kaniyang mabangis na poot sa kaniya. At ibubugso sa kaniya samantalang siya'y kumakain.
24 Bagaman tatakas ang taong iyon sa bakal na sandata, patatamaan siya ng isang tanso na pana.
Kaniyang tatakasan ang sandatang bakal, at ang busog na tanso ay hihilagpos sa kaniya.
25 Tatagos ang palaso mula sa likod niya; tunay nga, lalabas mula sa atay niya ang kumikinang na dulo nito; katakot-takot na mga bagay ang darating sa kaniya.
Binubunot niya ang pana, at lumalabas sa kaniyang katawan: Oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa kaniyang apdo; mga kakilabutan ang sumasa kaniya.
26 Nakalaan ang ganap na kadiliman para sa kaniyang mga kayamanan; lalamunin siya ng apoy na hindi naapula; lalamunin nito kung ano ang nalabi sa kaniyang tolda.
Lahat na kadiliman ay nalalagay na mga pinakakayamanan niya; isang apoy na hindi hinipan ng tao ay susupok sa kaniya: susupukin niyaon ang naiwan sa kaniyang tolda.
27 Ipapakita ng kalangitan ang kaniyang mga kasalanan, at babangon ang kalupaan laban sa kaniya bilang isang saksi.
Ihahayag ng mga langit ang kaniyang kasamaan, at ang lupa ay babangon laban sa kaniya.
28 Maglalaho ang kayamanan ng kaniyang bahay; aanurin ang kaniyang mga kalakal sa araw ng poot ng Diyos.
Ang pakinabang ng kaniyang bahay ay yayaon, ang kaniyang mga pag-aari ay huhuho sa kaarawan ng kaniyang kapootan.
29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Diyos, ang pamana ng Diyos na nakalaan para sa kaniya.”
Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Dios, at ang manang takda sa kaniya ng Dios.