< Jeremias 44 >
1 Ito ang salitang dumating kay Jeremias tungkol sa lahat ng mga taga-Juda na nanirahan sa lupain ng Egipto, ang mga naninirahan sa Migdol, Tafnes, Memfis, at sa lupain ng Patros.
Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat na Judio na nagsitahan sa lupain ng Egipto sa Migdol, at sa Taphnes, at sa Memphis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi,
2 Si Yahweh ng mga hukbo, na Diyos ng Israel ang nagsasabi nito: nakita ninyo mismo ang lahat ng kapahamakan na dinala ko sa Jerusalem at sa lahat ng lungsod ng Juda. Tingnan ninyo, nawasak sila ngayon. Wala nang kahit isang nanirahan sa kanila.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Inyong nakita ang buong kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda; at, narito, sa araw na ito, sila'y kagibaan, at walang taong tumatahan doon,
3 Ito ay dahil sa mga masasamang bagay na kanilang ginawa upang saktan ako sa pamamagitan ng pagsunog ng insenso at pagsamba sa ibang mga diyos. Ang mga ito ay mga diyos na kahit sila sa kanilang sarili, kahit kayo, kahit ang inyong mga ninuno ay hindi kilala.
Dahil sa kanilang kasamaan na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sa kanilang pagsusunog ng kamangyan, at sa paglilingkod sa ibang mga dios, na hindi nila nakilala, kahit nila, o ninyo man, o ng inyong mga magulang man.
4 Kaya paulit-ulit kong ipinadala sa kanila ang lahat ng mga lingkod kong propeta. Ipinadala ko sila upang sabihin, 'Itigil ang paggawa ng mga kasuklam-suklam na mga bagay na aking kinapopootan.'
Gayon ma'y sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila, na nagsasabi, Oh huwag ninyong gawin ang kasuklamsuklam na bagay na ito na aking kinapopootan.
5 Ngunit hindi sila nakinig. Tumanggi silang magbigay pansin o tumalikod sa kanilang kasamaan sa pagsunog ng insenso sa ibang mga diyos.
Nguni't hindi sila nakinig, o ikiniling man nila ang kanilang pakinig na magsihiwalay sa kanilang kasamaan, na huwag mangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios.
6 Kaya ibinuhos ko ang aking matinding galit at poot at nagpasiklab ng apoy sa mga lungsod ng Judah at sa mga lansangan ng Jerusalem. Kaya sila ay naging lugar ng pagkasira at pagkawasak, gaya ng sa kasalukuyan.”
Kaya't ang aking kapusukan at ang aking galit ay nabuhos, at nagalab sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at mga sira at giba, gaya sa araw na ito.
7 Kaya ito ang sinasabi ngayon ni Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo at ang Diyos ng Israel, “Bakit kayo gumagawa ng matinding kasamaan laban sa inyong mga sarili? Bakit nagiging sanhi kayo sa inyong mga sarili na maihiwalay mula sa Juda—mga kalalakihan at kababaihan, mga bata at mga sanggol? Walang natira sa inyo ang maiiwan.
Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Bakit kayo'y nagsigawa nitong malaking kasamaan laban sa inyong sariling mga kaluluwa, upang maghiwalay sa inyo ng lalake at babae, ng sanggol at pasusuhin, sa gitna ng Juda, upang huwag maiwanan kayo ng anomang labi;
8 Sa pamamagitan ng inyong kasamaan sinaktan ninyo ako sa mga gawa ng inyong mga kamay, sa pamamagitan ng pagsusunog ng insenso sa ibang mga diyos sa lupain ng Egipto, na inyong pinuntahan upang manirahan. Pumunta kayo roon upang kayo ay malipol, upang kayo ay magiging sumpa at kahihiyan sa lahat ng mga bansa sa lupa.
Sa inyong pagkamungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nangagsusunog kayo ng kamangyan sa ibang mga dios sa lupain ng Egipto, na inyong kinaparoonan na mangibang bayan; upang kayo'y maging kasumpaan at kadustaan sa gitna ng lahat na bansa sa lupa?
9 Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno at ang kasamaang ginawa ng mga hari ng Juda at ng kanilang mga asawa? Nakalimutan na ba ninyo ang mga kasamaang inyong ginawa at ng inyong mga asawa sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
Inyo bagang kinalimutan ang kasamaan ng inyong mga magulang, at ang kasamaan ng mga hari sa Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawa, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawa, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem?
10 Hanggang sa araw na ito, hindi pa rin sila nagpakumbaba. Hindi nila ginagalang ang aking kautusan o mga atas na inilagay ko sa kanilang harapan at sa kanilang mga ninuno, ni lumakad sila sa mga ito.”
Sila'y hindi nagpakababa hanggang sa araw na ito, o nangatakot man sila, o nagsilakad man sila ng ayon sa aking kautusan, o sa aking mga palatuntunan man, na aking inilagay sa harap ninyo at sa harap ng inyong mga magulang.
11 Kaya sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, “Tingnan ninyo, malapit ko ng ibaling ang aking mukha laban sa inyo upang magdala ng kapahamakan sa inyo at upang lipulin ang buong Juda.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking itititig ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, sa makatuwid baga'y upang ihiwalay ang buong Juda.
12 Sapagkat kukunin ko ang natira sa Juda na nakatakdang lumabas upang pumunta sa lupain ng Egipto upang manirahan doon. Gagawin ko ito upang silang lahat ay mamatay sa lupain ng Egipto. Mamamatay sila sa pamamagitan ng espada at taggutom. Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila mamamatay sila sa pamamagitan ng espada at taggutom. Mamamatay sila at magiging kaganapan ng panunumpa, pagsusumpa, paninisi at isang kakila-kilabot na bagay.
At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagtitig ng kanilang mga mukha na pumasok sa lupain ng Egipto upang mangibang bayan doon, at silang lahat ay mangalipol; sa lupain ng Egipto ay mangabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak, at ng kagutom; sila'y mangamamatay mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom; at sila'y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan.
13 Sapagkat parurusahan ko ang mga taong naninirahan sa lupain ng Egipto tulad ng pagparusa ko sa Jerusalem sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot.
Sapagka't aking parurusahan silang nagsisitahan sa lupain ng Egipto, gaya ng aking pagkaparusa sa Jerusalem sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot;
14 Walang nakatakas o nakaligtas sa mga natira ng Juda ang pupunta at maninirahan doon sa lupain ng Egipto na makababalik sa lupain ng Juda, kahit nais nilang bumalik at manirahan doon. Walang makababalik sa kanila, maliban sa ilang makatatakas mula rito.”
Na anopa't wala sa nalabi sa Juda na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makatatanan o maiiwan man, upang makabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang pagbalikan upang tahanan: sapagka't walang magsisibalik liban sa mga makatatanan.
15 Kaya sumagot ang lahat ng mga kalalakihang nakakaalam na ang kanilang mga asawa ay nagsusunog ng insenso sa ibang mga diyos at ang lahat ng kababaihan na nasa malaking pagtitipon, at lahat ng mga taong naninirahan sa lupain ng Egipto sa Patros kay Jeremias.
Nang magkagayo'y lahat ng lalake na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, at ang lahat na babae na nangakatayo, isang malaking kapulungan, sa makatuwid baga'y ang buong bayan na tumahan sa lupain ng Egipto, sa Pathros, ay sumagot kay Jeremias, na nagsasabi,
16 Sinabi nila, “Tungkol sa salita na sinabi mo sa amin sa pangalan ni Yahweh: Hindi kami makikinig sa iyo.
Tungkol sa salita na iyong sinalita sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin didinggin.
17 Sapagkat tiyak na gagawin namin ang lahat ng mga bagay na aming sinabi na gagawin: magsusunog kami ng insenso sa Reyna ng Langit at magbubuhos ng mga handog na inumin sa kaniya, na gaya ng ginawa namin, ng aming mga ninuno, ng aming mga hari at ng aming mga pinuno sa mga lungsod ng Juda at sa mga lansangan sa Jerusalem. At mapupuno tayo ng mga pagkain at sasagana, na hindi dadanas ng anumang sakuna.
Kundi aming tunay na isasagawa ang bawa't salita na lumabas sa aming bibig, upang ipagsunog ng kamangyan ang reina ng langit, at ipagbuhos siya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin, at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga prinsipe sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagka't noon ay nagkaroon kami ng saganang pagkain, at kami ay nagsisibuti, at hindi nakakita ng kasamaan.
18 Kapag itinigil namin ang paggawa ng mga bagay na ito, ang hindi maghahandog ng insenso sa Reyna ng Langit at hindi magbubuhos ng handog na inumin sa kaniya, makararanas kaming lahat ng kahirapan at mamamatay sa pamamagitan ng espada at taggutom.”
Nguni't mula nang aming iwan ang pagsusunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay nangailangan ng lahat na bagay, at kami ay nangalipol ng tabak at ng kagutom.
19 Sinabi ng mga kababaihan, “Noong gumawa kami ng mga handog na insenso sa harapan ng Reyna ng Langit at nagbuhos ng inuming mga handog sa kaniya, ginawa ba namin ang mga bagay na ito na hindi nalalaman ng aming mga asawa?”
At nang kami ay magsunog ng kamangyan sa reina ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog iginawa baga namin siya ng munting tinapay upang sambahin siya, at ipinagbuhos baga namin siya ng mga inuming handog, na wala ang aming mga asawa?
20 Pagkatapos sinabi ni Jeremias sa lahat ng mga tao—sa mga kalalakihan at kababaihan, at sa lahat ng mga taong sumagot sa kaniya—nagpahayag siya at sinabi,
Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalake, at sa mga babae sa buong bayan na nagbigay sa kaniya ng sagot na yaon, na nagsasabi,
21 “Hindi ba naalala ni Yahweh ang insenso na inyong sinunog sa mga lungsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem—kayo at ang inyong mga ninuno, inyong mga hari at mga pinuno, at ang mga tao sa lupain? Sapagkat naaalala ito ni Yahweh; at pumasok ito sa kaniyang isipan.
Ang kamangyan na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo, at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari at ng inyong mga prinsipe, at ng bayan ng lupain, hindi baga inalaala ng Panginoon, at hindi baga pumasok sa kaniyang pagiisip?
22 Kaya hindi na niya kayang tiisin ito dahil sa inyong mga masasamang gawain, dahil sa mga kasuklam-suklam na inyong ginawa. Kaya ang inyong lupain ay naging malungkot, nakakatakot at isinumpa kaya wala ng nakatira mula sa araw na ito.
Na anopa't ang Panginoon ay hindi nakapagpigil ng maluwat, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa, at dahil sa mga kasuklamsuklam na inyong ginawa; kaya't ang inyong lupain ay naging sira, at katigilan, at kasumpaan, na walang mananahan gaya sa araw na ito.
23 Sapagkat kayo ay nagsunog ng insenso at nagkasala laban kay Yahweh at dahil hindi kayo nakinig sa kaniyang tinig, sa kaniyang kautusan, sa kaniyang mga alituntunin, o mga atas ng kasunduan, kaya nangyari laban sa inyo ang kapahamakang ito hanggang sa kasalukuyan.”
Sapagka't kayo'y nangagsunog ng kamangyan, at sapagka't kayo'y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon, o nagsilakad man sa kaniyang kautusan, o sa kaniyang palatuntunan man, o sa kaniyang mga patotoo man; dahil dito ang kasamaang ito ay nangyari sa inyo, gaya sa araw na ito.
24 Pagkatapos sinabi ni Jeremias sa lahat ng tao at sa lahat ng kababaihan, “Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, sa buong Juda na nasa lupain ng Egipto.
Bukod dito ay sinabi ni Jeremias sa buong bayan, at sa lahat ng mga babae, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda, na nasa lupain ng Egipto:
25 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo na Diyos ng Israel, 'Kayo at ang inyong mga asawang babae ang parehong nagsabi sa pamamagitan ng inyong mga bibig at ginawa ninyo sa inyong mga kamay kung ano ang inyong sinabi, “Tiyak na gagawin namin ang panunumpa na aming ginawa upang sumamba sa Reyna ng Langit, upang magbuhos ng inuming mga handog sa kaniya.” Ngayon tuparin ninyo at gawin ninyo ang inyong mga sinumpa.'
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Kayo at ang inyong mga asawa ay kapuwa nangagsalita ng inyong mga bibig, at ginanap ng inyong mga kamay, na nagsasabi, Tunay na aming tutuparin ang aming mga panata na aming ipinanata, na magsunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos ng mga inuming handog siya: inyo ngang isagawa ang inyong mga panata, at inyong tuparin ang inyong mga panata.
26 Kaya ngayon, pakinggan ang salita ni Yahweh, buong Juda na naninirahan sa lupain ng Egipto, 'Tingnan ninyo, sumumpa ako sa pamamagitan ng aking dakilang pangalan—sabi ni Yahweh. Hindi na muling tatawagin kailanman ang aking pangalan sa pamamagitan ng mga bibig ng kahit na sinumang kalalakihan ng Juda sa buong lupain ng Egipto, kayong mga nagsasabi ngayon, “Sapagkat ang Panginoong si Yahweh ay buhay.”
Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda na tumatahan sa lupain ng Egipto. Narito, ako'y sumumpa ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi mababanggit sa bibig ng sinoman sa Juda sa buong lupain ng Egipto, na sabihin, Buhay ang Panginoong Dios.
27 Tingnan ninyo, binabantayan ko sila sa kapahamakan at hindi sa kabutihan. Ang bawat tao ng Juda sa lupain ng Egipto ay mamamatay sa pamamagitan ng espada at taggutom hanggang silang lahat ay maubos na.
Narito, aking binabantayan sila sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at lahat ng tao ng Juda na nangasa lupain ng Egipto ay mangalilipol sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom, hanggang sa umabot sila sa kawakasan.
28 At ang mga nakaligtas sa espada ay magbabalik mula sa lupain ng Egipto tungo sa lupain ng Juda, kaunti lamang ang bilang nila. Kaya lahat ng natirang taga-Juda na nagpunta sa lupain ng Egipto upang doon manirahan ay malalaman kung kaninong salita ang mangyayari: sa akin o sa kanila.
At ang mga makatatanan sa tabak ay mangagbabalik sa lupain ng Juda na mula sa lupain ng Egipto, na kaunti sa bilang; at ang buong nalabi sa Juda, na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makakaalam kung kaninong salita ang mananayo, kung akin, o kanila.
29 Ito ang magiging tanda para sa inyo—ito ang pahayag ni Yahweh—na aking itinakda laban sa inyo sa lugar na ito, upang malaman ninyo na ang aking mga salita ay tiyak na sasalakay sa inyo sa pamamagitan ng kapahamakan.'
At ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan kayo sa dakong ito, upang inyong makilala na ang aking salita ay tunay na tatayo laban sa inyo sa ikasasama:
30 Ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Tingnan ninyo, aking ibibigay si Faraon Hophra, na hari ng Egipto, sa mga kamay ng kaniyang mga kaaaway at sa mga nagnanais sa kaniyang buhay. Gaya ito ng pagbigay ko kay Zedekias na hari ng Juda sa kamay ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia, at sa kaniyang kaaway na naghahangad ng kaniyang buhay.”
Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay si Faraon Hophra na hari sa Egipto sa kamay ng kaniyang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kaniyang buhay; gaya ng pagkabigay ko kay Sedechias na hari sa Juda sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na kaniyang kaaway, at umuusig ng kaniyang buhay.