< Jeremias 41 >
1 Ngunit nangyari na sa ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias na anak ni Elisama, mula sa maharlikang pamilya at ilan sa mga opisyal ng hari ay dumating kasama ang sampung lalaki kay Gedalias na anak ni Ahicam, sa Mizpa. Sama-sama silang kumain ng pagkain doon sa Mizpa.
2 Ngunit si Ismael na anak ni Netanias at ang sampung mga lalaki na kasama niya ay tumayo at sinalakay si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Safan gamit ang espada. Pinatay ni Ismael si Gedalias na itinakda ng hari ng Babilonia na mangasiwa sa lupain.
3 At pinatay lahat ni Ismael ang mga Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa at ang mga lalaking mandirigmang taga-Caldeo ang natagpuan doon.
4 At ito ang ikalawang araw pagkatapos nang pagpatay kay Gedalias, ngunit walang sinuman ang nakaalam.
5 May ilang lalaki ang dumating galing Shekem, galing sa Shilo, at galing sa Samaria—walumpung kalalakihan ang nag-ahit ng kanilang mga balbas, pinunit ang kanilang mga damit at sinugatan ang kanilang mga sarili—na may dalang mga pagkaing ihahandog at kamanyang sa kanilang mga kamay upang pumunta sa tahanan ni Yahweh.
6 Kaya lumabas si Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa upang salubungin sila habang naglalakad at umiiyak. At nangyari ito nang masalubong niya sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo kay Gedalias na anak ni Ahicam!”
7 Nangyari ito nang pagpasok nila sa lungsod, pinatay sila ni Ismael na anak ni Netanias at itinapon sila sa isang hukay, siya at ang mga kalalakihang kasama niya.
8 Ngunit mayroong sampung kalalakihan na kasama nila ang nagsabi kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin, sapagkat may mga pagkain sa aming bukid: trigo at sebada, langis at pulot-pukyutan.” Kaya hindi niya sila pinatay pati ang iba pa nilang mga kasama.
9 Ang hukay kung saan itinapon ni Ismael ang lahat ng mga bangkay ng mga kalalakihan na kaniyang pinatay kasama si Gedalias—ang malaking hukay na ito ay hinukay ni Haring Asa nang salakayin sila ni Haring Baasa ng Israel. Pinuno ito ni Ismael na anak ni Netanias ng kaniyang mga napatay.
10 Kasunod nito, binihag ni Ismael ang lahat ng taong nasa Mizpa, ang mga anak na babae ng hari at ang lahat ng mga taong naiwan sa Mizpa na itinalaga ni Nebezaradan na punong tagapagbantay ni Gedalias na anak ni Ahicam. Kaya binihag sila ni Ismael na anak ni Netanias at tumawid sa mga Ammonita.
11 Ngunit narinig ni Johanan na anak ni Karea at ng lahat ng mga pinunong hukbo na kasama niya ang lahat ng ginawang pinsala ni Ismael na anak ni Netanias.
12 Kaya dinala nila ang lahat ng kanilang mga tauhan at pumunta upang makipaglaban kay Ismael na anak ni Netanias. Natagpuan nila siya sa malaking lawa ng Gibeon.
13 At nangyari ito nang nakita ng lahat ng mga taong kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng mga pinuno ng hukbo na kasama niya, labis silang natuwa.
14 Kaya ang lahat ng mga taong nabihag ni Ismael sa Mizpa ay bumalik at pumunta kay Johanan na anak ni Karea.
15 Ngunit tumakas si Ismael na anak ni Netanias kasama ang walong kalalakihan mula kay Johanan. Pumunta siya sa mga Ammonita.
16 Kinuha ni Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng mga pinuno ng hukbo na kasama niya mula Mizpa ang lahat ng mga taongnaligtas mula kay Ismael na anak ni Netanias. Ito ay matapos patayin ni Ismael si Gedalias na anak ni Ahicam. Kinuha ni Johanan at ng kaniyang mga kasama ang malalakas na kalalakihan, mga lalaking mandirigma, mga kababaihan at mga bata, at ang mga eunuko na nailigtas sa Gibeon.
17 Pagkatapos pumunta sila at nanatili ng isang saglit sa Gerut-quimam na malapit sa Bethlehem. Pupunta sila patungong Egipto
18 dahil sa mga Caldeo. Natakot sila sa kanila matapos patayin ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahicam, na inilagay ng hari ng Babilonia upang mangasiwa sa lupain.