< Jeremias 30 >

1 Ito ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Yahweh at sinabi,
Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 'Isulat mo mismo sa kasulatang binalumbon ang lahat ng salita na ipinahayag ko sa iyo sa kasulatang binalonbon.
Ganito ang sinasalita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Iyong isulat sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinalita sa iyo.
3 Sapagkat tingnan mo, parating na ang mga araw—Ito ang pahayag ni Yahweh—kapag pinanumbalik ko ang mga kayamanan ng aking mga tao, ang Israel at Juda. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Sapagkat ibabalik ko sila sa lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno at aariin nila ito.”'
Sapagka't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon na aking ibabalik na mula sa pagkabihag ang aking bayang Israel at Juda, sabi ng Panginoon, at aking pababalikin sila sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, at kanilang aariin.
4 Ito ang mga salita na ipinahayag ni Yahweh tungkol sa Israel at Juda,
At ang mga ito ang mga salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Israel at tungkol sa Juda.
5 “Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, ' Narinig namin ang isang nanginginig na tinig ng pangamba at hindi ng kapayapaan.
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon; Kami ay nangakarinig ng tinig ng panginginig, ng takot, at hindi ng kapayapaan.
6 Magtanong at tingnan, kung magsisilang ng isang sanggol ang isang lalaki. Bakit nakikita ko ang bawat batang lalaki na nasa kanilang puson ang kanilang mga kamay? Gaya ng isang babaeng nagsisilang ng isang sanggol, bakit namumutla ang lahat ng kanilang mga mukha?
Kayo'y magtanong ngayon, at inyong tingnan kung ang lalake ay nagdaramdam ng panganganak: bakit aking nakikita ang lahat na lalake na ang mga kamay ay nangasa kaniyang mga balakang na parang babae sa pagdaramdam, at ang lahat na mukha ay naging maputla?
7 Aba! Sapagkat magiging dakila at walang katulad ang araw na ito. Ito ay magiging panahon ng pagkabalisa para kay Jacob, ngunit maliligtas siya mula rito.
Ay! sapagka't ang araw na yaon ay dakila, na anopa't walang gaya niyaon: siya ngang panahon ng kabagabagan ng Jacob; nguni't siya'y maliligtas doon.
8 Ito ang pahayag ni Yahweh, ang pinuno ng mga hukbo. Sapagkat sa araw na iyon, babaliin ko ang pamatok sa inyong leeg at sisirain ko ang inyong mga tanikala, upang hindi na kayo alipinin ng mga dayuhan kailanman.
At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo na aking aalisin ang kaniyang pamatok sa iyo, at aking papatirin ang iyong mga tali at hindi na siya maglilingkod pa sa mga taga ibang lupa:
9 Ngunit sasamba sila kay Yahweh na kanilang Diyos at maglilingkod kay David na kanilang hari na siyang gagawin kong hari na mamumuno sa kanila.
Kundi kanilang paglilingkuran ang Panginoong kanilang Dios, at si David na kanilang hari, na aking ibabangon sa kanila.
10 Kaya ikaw Jacob na aking lingkod, huwag kang matakot at huwag kang panghinaan ng loob, Israel. Ito ang pahayag ni Yahweh. Sapagkat tingnan ninyo, ibabalik ko na kayo sa malayo at ang inyong mga kaapu-apuhan sa lupain ng pagkabihag. Babalik si Jacob at magiging mapayapa at magiging ligtas siya at wala ng katatakutan kailanman
Kaya't huwag kang masindak, Oh Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon; huwag ka mang manglupaypay, Oh Israel: sapagka't narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong binhi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kaniya.
11 Sapagkat ako ay nasa inyo upang iligtas ka—ito ang pahayag ni Yahweh. At magdadala ako ng isang ganap na katapusan sa lahat ng bansa kung saan ko kayo ikinalat. Ngunit tinitiyak ko na hindi ako maglalagay ng katapusan sa inyo, bagaman didisiplinahin ko kayo na may katarungan at tinitiyak kong hindi ko kayo iiwan na hindi naparusahan.'
Sapagka't ako'y sumasaiyo sabi ng Panginoon upang iligtas kita: sapagka't gagawa ako ng lubos na kawakasan sa lahat na bansa na aking pinapangalatan sa iyo, nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo; kundi sasawayin kita ng kahatulan, at walang pagsalang hindi kita iiwan na walang parusa.
12 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Ang iyong pinsala ay hindi na magagamot at ang iyong mga sugat ay naimpeksiyon na.
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Ang iyong sakit ay walang kagamutan, at ang iyong sugat ay mabigat.
13 Walang sinuman ang nakiusap tungkol sa iyong kalagayan; wala ng lunas ang iyong sugat para ikaw ay pagalingin.
Walang makipaglaban ng iyong usapin upang ikaw ay mapagaling: ikaw ay walang mga panggamot na nakagagaling.
14 Kinalimutan ka na ng lahat ng iyong mga mangingibig. Hindi ka nila hahanapin sapagkat sinugatan kita kagaya ng sugat ng isang kalaban at pagdidisiplina ng isang malupit na panginoon dahil sa iyong napakaraming kasamaan at mga hindi mabilang mong mga kasalanan.
Nilimot ka ng lahat na mangingibig sa iyo; hindi ka nila hinahanap: sapagka't sinugatan kita ng sugat ng kaaway, ng parusa ng mabagsik; dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami.
15 Bakit ka humihingi ng tulong para iyong pinsala? Hindi na magagamot ang iyong sakit. Dahil sa napakarami mong kasamaan at hindi mabilang mong mga kasalanan, ginawa ko ang mga bagay na ito sa iyo.
Bakit ka humihiyaw ng dahil sa iyong sakit? ang iyong hirap ay walang kagamutan: dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami, aking ginawa ang mga bagay na ito sa iyo.
16 Kaya ang lahat ng umubos sa iyo ay mauubos at ang lahat ng iyong mga kaaway ay mabibihag. Sapagkat sa mga nagnakaw sa iyo ay mananakawan at sasamsamin ang lahat ng sumamsam sa iyo.
Kaya't silang lahat na nagsisilamon sa iyo ay mangalalamon; at lahat ng iyong kaaway, bawa't isa sa kanila'y magsisipasok sa pagkabihag; at silang nagsisisamsam sa iyo ay magiging samsam, at lahat ng nagsisihuli sa iyo ay aking ibibigay na huli.
17 Sapagkat magdadala ako ng kagalingan sa iyo, pagagalingin ko ang iyong mga sugat, ito ang pahayag ni Yahweh. Gagawin ko ito dahil tinawag ka nilang: Itinakwil. Walang nagmamalasakit sa Zion na ito.”'
Sapagka't pagiginhawahin kita, at pagagalingin kita sa iyong mga sugat, sabi ng Panginoon; kanilang tinawag ka na tapon, na sinasabi, Ito ang Sion, na hindi hinahanap ng sinoman.
18 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Tingnan mo, ibinabalik ko na ang mga kasaganaan sa mga tolda ni Jacob at magkakaroon ng pagkahabag sa kaniyang mga tahanan. At itatayo ang lungsod sa bunton ng mga pagkawasak at magkakaroon ng isang matibay na tanggulan na muling magagamit.
Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, aking ibabalik uli mula sa pagkabihag ang mga tolda ng Jacob, at pakukundanganan ko ang kaniyang mga tahanang dako; at ang bayan ay matatayo sa kaniyang sariling bunton, at ang bahay-hari ay tatahanan ng ayon sa ayos niyaon.
19 At ang isang awit ng papuri at isang tunog ng kasiyahan ay lalabas mula sa kanila, sapagkat pararamihin ko sila at hindi babawasan; Pararangalan ko sila upang hindi sila hamakin.
At mula sa kanila magmumula ang pagpapasalamat, at ang tinig ng nangagsasaya: at aking pararamihin sila, at sila'y hindi magiging kaunti; akin ding luluwalhatiin sila, at sila'y hindi magiging maliit.
20 At magiging tulad ng dati ang kanilang mga tao at itatatag ang kanilang kalipunan sa aking harapan kapag pinarusahan ko ang lahat ng mga nagpapahirap sa kanila ngayon.
Ang kanilang mga anak naman ay magiging gaya nang una, at ang kanilang kapisanan ay matatatag sa harap ko, at aking parurusahan yaong lahat na nagsisipighati sa kanila.
21 Manggagaling mula sa kanila ang kanilang pinuno. Lilitaw siya mula sa kanilang kalagitnaan kapag palalapitin ko siya at kapag lumapit siya sa akin. Kung hindi ko ito gagawin, sino pa ang maglalakas-loob na lumapit sa akin? Ito ang pahayag ni Yahweh.
At ang kanilang prinsipe ay magiging isa sa kanila, at ang kanilang puno ay magmumula sa gitna nila: at aking palalapitin siya, at siya'y lalapit sa akin: sapagka't sino yaong nangahas upang lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.
22 At kayo ay magiging aking mga tao at ako ang magiging Diyos ninyo.
At kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.
23 Tingnan ninyo, ang silakbo ng matinding galit ni Yahweh ay lumabas na. Ito ay silakbong nagpapatuloy. Iikot ito sa ulo ng mga masasamang tao.
Narito, ang unos ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay bumulalas na parang buhawi: hahampas sa ulo ng masama.
24 Ang matinding poot ni Yahweh ay hindi babalik hanggang hindi natutupad ito at naisasakatuparan ang ninanais ng kaniyang puso. Maiintindihan mo ito sa mga huling araw.
Ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi mapaparam hanggang sa maisagawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso; sa mga huling araw ay iyong mauunawa.

< Jeremias 30 >