< Jeremias 27 >
1 Sa pasimula ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula kay Yahweh.
2 Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh, “Gumawa ka ng mga tanikala at pamatok para sa iyong sarili. Ilagay mo ang mga ito sa iyong leeg.
3 At ipadala mo ang mga ito sa hari ng Edom, sa hari ng Moab, sa hari ng mga Amonita, sa hari ng Tiro, at sa hari ng Sidon. Ipadala mo ang mga ito sa pamamagitan ng mga kamay ng mga sugo ng hari na pumunta sa Jerusalem kay Zedekias na hari ng Juda.
4 Magbigay ka ng mga utos sa kanila para sa kanilang mga panginoon at sabihin, 'Sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: Ganito ang dapat ninyong sabihin sa inyong mga panginoon,
5 “Ako mismo ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at ng aking nakataas na braso. Ginawa ko rin ang mga tao at mga hayop sa lupa at ibibigay ko ito sa sinumang nararapat sa aking paningin.
6 Kaya ngayon, ako mismo ang magbibigay ng lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia, na aking lingkod. Gayundin, ibinibigay ko sa kaniya ang mga bagay na nabubuhay sa mga parang upang maglingkod sa kaniya.
7 Sapagkat maglilingkod sa kaniya ang lahat ng mga bansa, sa kaniyang mga anak at sa kaniyang mga apo hanggang sa dumating ang panahon na magwakas ang kaniyang lupain. At maraming bansa at mga makapangyarihang hari ang tatalo sa kaniya.
8 Kaya ang bansa at kahariang hindi maglilingkod kay Nebucadnezar, na hari ng Babilonia at hindi maglalagay ng kaniyang leeg sa pamatok ng hari ng Babilonia, parurusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot hanggang sa mawasak ko sila sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ito ang pahayag ni Yahweh.
9 At kayo! Itigil na ninyo ang pakikinig sa inyong mga propeta, sa inyong mga manghuhula, sa mga nagpapaliwanag ng inyong mga panaginip at sa mga salamangkero na nagsasalita sa inyo at sinasabi, 'Huwag ninyong paglilingkuran ang hari ng Babilonia.'
10 Sapagkat nagpapahayag sila ng panlilinlang sa inyo upang sa gayon maipatapon kayo sa malayo mula sa inyong mga lupain, sapagkat ipatatapon ko kayo at kayo ay mamamatay.
11 Ngunit ang bansa na naglalagay ng leeg nito sa pamatok ng hari ng Babilonia at maglilingkod sa kaniya, pahihintulutan kong magpahinga sa lupain nito at ihahanda nila ito at gagawa ng kanilang mga tahanan dito. Ito ang pahayag ni Yahweh.”'”
12 Kaya sinabi ko kay Zedekias na hari ng Juda at ibinigay ko sa kaniya ang mensaheng ito, “Ilagay ninyo sa inyong mga leeg ang pamatok ng hari ng Babilonia at paglingkuran siya at ang kaniyang mga tao at mabubuhay kayo.
13 Bakit kayo mamamatay, kayo at ang inyong mga tao sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot, gaya ng ipinahayag ko tungkol sa bansa na tumanggi na paglingkuran ang hari ng Babilonia?
14 Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propeta na nagsasalita sa inyo at sinasabi, 'Huwag ninyong paglilingkuran ang hari ng Babilonia,' sapagkat mga kasinungalingan ang ipinapahayag nila sa inyo.
15 'Sapagkat hindi ko sila isinugo dahil nagpapahayag sila ng panlilinlang sa aking pangalan upang ipatapon ko kayo at mamamatay, kayo at ang mga propeta na nagpapahayag sa inyo. Ito ang pahayag ni Yahweh.'”
16 Ipinahayag ko ito sa mga pari at sa lahat ng tao at sinabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propetang nagpapahayag sa inyo at sinasabi, 'Tingnan ninyo! Ang mga bagay na pag-aari ng tahanan ni Yahweh ay ibinabalik ngayon mula sa Babilonia!' Nagpapahayag sila ng mga kasinungalingan sa inyo.
17 Huwag kayong makinig sa kanila. Dapat ninyong paglingkuran ang hari ng Babilonia at mabuhay. Bakit kailangang maging isang lungsod ng pagkawasak ang lungsod na ito?
18 Kung mga propeta sila at totoo na dumating ang salita ni Yahweh sa kanila, hayaan mong magmakaawa sila kay Yahweh ng mga hukbo na huwag ipadala sa Babilonia ang mga bagay na nananatili sa kaniyang tahanan, ang tahanan ng hari ng Juda at Jerusalem.
19 Sapagkat si Yahweh ng mga hukbo ay nagpapahayag tungkol sa mga haligi, sa ipunan ng tubig at sa pundasyon at sa iba pang mga bagay na nananatili sa lungsod na ito,
20 ang mga bagay na hindi kinuha ni Nebucadnezar, na hari ng Babilonia, nang dinala niya sa pagkabihag si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda mula sa Jerusalem patungo sa Babilonia kasama ang lahat ng mga maharlika ng Juda at Jerusalem.
21 Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga bagay na nananatili sa tahanan ni Yahweh, ang tahanan ng hari ng Juda at Jerusalem,
22 'Dadalhin ang mga ito sa Babilonia at mananatili doon hanggang sa dumating ang araw na aking itinakda para sa mga ito at dadalhin ko ang mga ito at ibabalik sa lugar na ito.'” Ito ang pahayag ni Yahweh.