< Jeremias 18 >
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Jeremias at sinabing,
Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 “Bumangon ka at pumunta sa bahay ng magpapalayok, sapagkat ipaparinig ko sa iyo ang aking salita roon.”
Ikaw ay bumangon, at bumaba sa bahay ng magpapalyok, at aking iparirinig sa iyo ang aking mga salita roon.
3 Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok, at masdan! Gumagawa ang magpapalayok sa kaniyang gawaan.
Nang magkagayo'y bumaba ako sa bahay ng magpapalyok, at, narito, siya'y gumagawa ng kaniyang gawa sa pamamagitan ng mga gulong.
4 Ngunit ang hawak niyang malagkit na lupa na kaniyang hinuhulma ay nasira sa kaniyang kamay, kaya nagbago ang kaniyang isip at gumawa ng isa pang bagay na sa tingin niya ay mabuti na gawin.
At nang mabasag sa kamay ng magpapalyok ang sisidlang putik na kaniyang ginagawa, ay gumawa siya uli ng ibang sisidlan, na minagaling na gawin ng magpapalyok.
5 Pagkatapos, dumating ang salita ng Panginoon sa akin at sinabing,
Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,
6 “Wala ba akong kakayahan na kumilos sa inyo ng tulad ng magpapalayok na ito, sambahayan ng Israel? — Ito ang pahayag ni Yahweh. Tingnan mo! tulad ng malagkit na lupa sa kamay ng isang magpapalayok— ganyan kayo sa aking kamay, sambahayan ng Israel.
Oh sangbahayan ni Israel, hindi baga ako makagagawa sa inyo na gaya ng paggawa ng magpapalyok na ito? sabi ng Panginoon. Narito, kung paano ang putik sa kamay ng magpapalyok, gayon kayo sa kamay ko, Oh sangbahayan ni Israel.
7 Sa isang sandali, maaari akong magpahayag ng isang bagay tungkol sa isang bansa o isang kaharian, na aking aalisin, gigibain, o wawasakin ito.
Sa anomang sandali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang bunutin at upang ibagsak at upang lipulin;
8 Ngunit, kung ang bansa na aking pinahayagan ay tatalikod sa kasamaan nito, kung gayon mahahabag ako mula sa sakuna na binabalak kong dalhin dito.
Kung ang bansang yaon, na aking pinagsalitaan, ay humiwalay sa kanilang kasamaan, ako'y magsisisi sa kasamaan na aking inisip gawin sa kanila.
9 Sa isa pang sandali, maaari kong ipahayag ang tungkol sa isang bansa o isang kaharian, na aking itatayo o itatanim ito.
At sa anomang sangdali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang itayo at upang itatag;
10 Ngunit kung gagawa ito ng masama sa aking paningin sa pamamagitan ng hindi pakikinig sa aking tinig, ititigil ko ang aking sinabi na gagawin kong mabuti para sa kanila.
Kung gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi sundin ang aking tinig, ay pagsisisihan ko nga ang kabutihan, na aking ipinagsabing pakikinabangan nila.
11 Kaya ngayon, magsalita ka sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem at sabihin, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: Tingnan mo, bubuo ako ng sakuna laban sa inyo. May binabalak ako laban sa inyo. Magsisi, ang bawat tao mula sa kaniyang masamang landas, kaya ang inyong mga pamamaraan at inyong mga nakaugalian ang magdadala ng mabuti sa inyo.'
Ngayon nga, salitain mo sa mga tao sa Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y humahaka ng kasamaan laban sa inyo, at kumatha ng katha-katha laban sa inyo: manumbalik bawa't isa sa inyo mula sa kanikaniyang masamang lakad, at inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.
12 Ngunit sasabihin nila, 'Hindi ito mahalaga. Kikilos kami ayon sa aming sariling mga balak. Gagawin ng bawat isa kung ano ang masama sa kaniya, ang mga ninanais ng kanilang matitigas na puso.'
Nguni't kanilang sinabi, Walang pagasa; sapagka't kami ay magsisisunod sa aming sariling mga katha-katha, at magsisigawa bawa't isa sa amin ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang puso.
13 Samakatwid ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Tanungin mo ang mga bansa, sino ang nakarinig ng ganitong bagay? Ang birheng Israel ay nakagawa ng isang kakila-kilabot na gawa.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Inyong itanong nga sa mga bansa, kung sinong nakarinig ng ganiyang mga bagay? ang dalaga ng Israel ay gumawa ng totoong kakilakilabot na bagay.
14 Mawawala ba ang niyebe ng Lebanon sa mga mabatong mga burol sa mga parang? Ang mga batis ng kabundukan na mula sa malayo ay natutuyuan ba ng tubig?
Magkukulang baga ng niebe sa Lebano sa bato sa parang? ang malamig na tubig na umaagos mula sa malayo ay matutuyo baga?
15 Ngunit kinalimutan ako ng aking mga tao. Gumawa sila ng mga handog para sa walang kabuluhang diyus-diyosan at gumawa ng ikakatisod sa kanilang daraanan; iniwan nila ang sinaunang daan upang lumakad sa maikling daan.
Sapagka't kinalimutan ako ng aking bayan, sila'y nangagsunog ng kamangyan sa mga diosdiosan; at sila'y nangatisod sa kanilang mga lakad, sa mga dating landas, at pinalalakad sa mga lana, sa daan na hindi patag;
16 Ang kanilang mga lupain ay magiging isang katatakutan, isang bagay ng walang hanggang panunutsut. Bawat isa na dadaan sa kaniya ay mangangatog at iiling ang kaniyang ulo.
Upang gawin ang kanilang lupain na isang katigilan, at walang hanggang kasutsutan; lahat na nangagdadaan doon ay mangatitigilan, at mangaggagalaw ng ulo.
17 Pangangalatin ko sila sa harap ng kanilang mga kaaway tulad ng hangin sa silangan. Ipapakita ko sa kanila ang aking likuran, at hindi ang aking mukha, sa araw ng kanilang sakuna.”
Aking pangangalatin sila na parang hanging silanganan sa harap ng kaaway; tatalikuran ko sila, at hindi ko haharapin, sa kaarawan ng kanilang kasakunaan,
18 Kaya sinabi ng mga tao, “Halikayo, gumawa tayo ng masamang balak laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa mga pari, o payo sa mga taong marurunong, o mga salita sa mga propeta. Halikayo, atin siyang labanan ng ating mga pananalita at huwag nang magbigay pansin sa anumang bagay na kaniyang ipapahayag.”
Nang magkagayo'y sinabi nila, Kayo'y magsiparito, at tayo'y magsikatha ng mga katha-katha laban kay Jeremias; sapagka't ang kautusan ay hindi mawawala sa saserdote, o ang payo man sa pantas, o ang salita man sa propeta. Kayo'y magsiparito, at ating saktan siya ng dila, at huwag nating pansinin ang kaniyang mga salita.
19 Magbigay pansin sa akin, Yahweh! At makinig sa ingay ng aking mga kaaway.
Pakinggan mo ako, Oh Panginoon, at ulinigin mo ang tinig nila na nakikipagtalo sa akin.
20 Talaga bang ang sakuna mula sa kanila ang aking gantimpala sa pagiging mabuti sa kanila? Sapagkat humukay sila ng isang malalim na hukay para sa akin. Alalahanin kung paano sila tumayo sa iyong harapan upang magsalita sa kanilang mga pangangailangan, upang ang iyong matinding galit ay ilayo mula sa kanila.
Igaganti baga'y kasamaan sa kabutihan? sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay para sa akin. Iyong alalahanin kung paanong ako'y tumayo sa harap mo, upang magsalita ng mabuti para sa kanila, upang ihiwalay ang iyong kapusukan sa kanila.
21 Samakatwid ipasakamay mo ang kanilang mga anak sa pagkagutom, at ibigay sila sa ilalim ng kapangyarihan ng espada. Kaya hayaan ang kanilang mga kababaihan na mawalan at maging mga balo, at ang kanilang mga kalalakihan ay mapatay, at ang mga batang kalalakihan nila ay mamatay sa labanan sa pamamagitan ng espada.
Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa kagutom, at ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak; at ang kanilang mga asawa ay mawalan ng anak, at mga bao; at ang kanilang mga lalake ay mangapatay sa patayan, at ang kanilang mga binata ay masugatan ng tabak sa pagbabaka.
22 Hayaang marinig ang isang hiyaw ng pagkabalisa mula sa kanilang mga tahanan, kapag biglaang magpapadala ka ng mga tao laban sa kanila. Sapagkat humukay sila ng isang malalim na hukay upang bihagin ako at may nakatagong patibong para sa aking paa.
Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay, pagka ikaw ay biglang magdadala ng hukbo sa kanila; sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay upang hulihin ako, at ipinagkubli ng mga silo ang aking mga paa.
23 Ngunit ikaw Yahweh, nalalaman mo ang kanilang mga balak laban sa akin upang patayin ako. Huwag mong patawarin ang kanilang mga kasamaan at mga kasalanan. Huwag mong alisin ang kanilang mga kasalanan mula sa iyo. Sa halip, hayaan silang matanggal mula sa harapan mo. Kumilos laban sa kanila sa panahon ng iyong poot.
Gayon man, Panginoon, iyong talastas ang lahat nilang payo laban sa akin upang patayin ako; huwag mong ipatawad ang kanilang kasamaan, o pawiin mo man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin; kundi sila'y mangatisod sa harap mo; parusahan mo sila sa kaarawan ng iyong galit.