< Jeremias 10 >

1 Pakinggan ninyo ang mga salitang ihahayag sa inyo ni Yahweh, sambahayan ng Israel.
Inyong dinggin ang salita na sinasalita ng Panginoon sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
2 Ganito ang sinasabi ni Yahweh, 'Huwag ninyong pag-aralan ang mga kaparaanan ng ibang mga bansa at huwag kayong mabahala sa mga palatandaan sa mga kalangitan, sapagkat nababahala ang mga bansa ng dahil dito.
Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong matuto ng lakad ng mga bansa, at huwag kayong manganglupaypay sa mga tanda ng langit; sapagka't ang mga bansa ay nanganglulupaypay sa mga yaon.
3 Sapagkat walang kabuluhan ang mga kaugalian ng mga tao. Sapagkat may pumuputol ng punong kahoy sa kagubatan. Ang mga kamay ng manlililok ang gumagawa nito sa pamamagitan ng palakol.
Sapagka't ang mga kaugalian ng mga bayan ay walang kabuluhan: sapagka't may pumuputol ng punong kahoy sa gubat, na siyang gawa ng mga kamay ng manggagawa sa pamamagitan ng palakol.
4 Pagkatapos, pinapalamutian nila ito ng pilak at ginto. Pinatitibay nila ito gamit ang martilyo at mga pako upang hindi ito bumagsak.
Kanilang ginagayakan ng pilak at ng ginto; kanilang ikinakapit ng mga pako at ng mga pamukpok, upang huwag makilos.
5 Tulad ng panakot ng ibon sa taniman ng pipino ang mga diyus-diyosang ito sapagkat hindi sila makapagsalita ng anuman. Kailangan silang buhatin, sapagkat hindi man lang sila makahakbang. Huwag ninyo silang katakutan, sapagkat hindi nila kayang gumawa ng masama ni makagagawa ng anumang mabuti.'”
Sila'y gaya ng puno ng palma, na binilog, at hindi nagsasalita: kinakailangang pasanin, sapagka't hindi makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga yaon, sapagka't hindi makagagawa ng kasamaan, ni wala ring magagawang mabuti.
6 Wala kang katulad, Yahweh. Dakila ka at dakila ang kapangyarihan ng iyong pangalan.
Walang gaya mo, Oh Panginoon; ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
7 Sino ang hindi matatakot sa iyo, hari ng mga bansa? Sapagkat ito ang karapat-dapat sa iyo, sapagkat wala kang katulad sa lahat ng matatalinong tao sa mga bansa o sa lahat ng kanilang mga maharlikang kaharian.
Sinong hindi matatakot sa iyo, Oh Hari ng mga bansa? sapagka't sa iyo nauukol; palibhasa'y sa gitna ng lahat ng pantas sa mga bansa, at sa lahat nilang kaharian, ay walang gaya mo.
8 Pare-pareho silang lahat, malulupit sila at hangal, mga alagad ng diyus-diyosan na mga kahoy lamang.
Kundi sila'y pawang tampalasan at hangal turo ng mga dios-diosan, yao'y kahoy lamang.
9 Nagdadala sila ng pilak na pinanday mula sa Tarsis at ginto mula sa Upaz na gawa ng mga manggagawa at ng kamay ng mga panday. Asul at lila ang kanilang mga damit. Ang kanilang mga dalubhasang tauhan ang gumawa ng lahat ng bagay na ito.
May pilak na pinukpok na dinala rito mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz, na gawa ng manggagawa at ng mga kamay ng panday; azul at kulay ube ang kanilang damit; gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
10 Ngunit si Yahweh ang tunay na Diyos. Siya ang buhay na Diyos at hari magpakailanman. Nayayanig ang mundo at hindi kayang tiisin ng mga bansa ang kaniyang galit.
Nguni't ang Panginoon ay tunay na Dios; siya ang buhay na Dios, at walang hanggang Hari: sa kaniyang poot ay nayayanig ang lupa, at hindi matatagalan ng mga bansa ang kaniyang galit.
11 Ganito ang sasabihin mo sa kanila, “Malilipol sa lupa at sa ilalim ng kalangitan ang mga diyos na hindi lumikha ng kalangitan at ng lupa.
Ganito ang inyong sasabihin sa kanila, Ang mga dios na hindi gumawa ng langit at ng lupa, ang mga ito ang mangalilipol sa lupa, at sa silong ng langit.
12 Ang lumikha ng daigdig sa kaniyang kapangyarihan ang nagtatag ng kalupaan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan at nagpalaganap ng kalangitan sa pamamagitan ng kaniyang pang-unawa.
Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at kaniyang iniladlad ang langit sa pamamagitan ng kaniyang pagkaunawa:
13 Ang kaniyang tinig ang lumilikha ng dagundong ng katubigan sa kalangitan at siya ang nagpapaangat ng hamog mula sa bawat sulok ng daigdig. Lumilikha siya ng kidlat para sa ulan at nagpapalabas ng hangin mula sa kaniyang kamalig.
Pagka siya'y naguutos, may hugong ng tubig sa langit, at kaniyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa; siya'y nagpapakidlat para sa ulan, at naglalabas ng hangin mula sa mga kinalalagyan.
14 Naging mangmang ang mga tao na walang kaalaman. Nailagay sa kahihiyan ang bawat panday dahil sa kaniyang diyus-diyosan sapagkat manlilinlang ang mga ginawa niyang imahen at walang buhay ang mga ito.
Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ay nalagay sa kahihiyan sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kabulaanan, at hindi humihinga ang mga yaon.
15 Walang silbi ang mga ito, ang gawa ng mga mangungutya. Malilipol sila sa panahon ng kanilang kaparusahan.
Sila'y walang kabuluhan, gawang karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon sila ay mangalilipol.
16 Ngunit hindi nito katulad ang Diyos na kabahagi ni Jacob sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay. Ang Israel ang tribo ng kaniyang mana, Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang pangalan.
Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang may kapal sa lahat ng mga bagay; at ang Israel ay siyang lipi na kaniyang mana ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.
17 Tipunin ang inyong bigkis at umalis sa lupain, kayong mga taong namumuhay sa ilalim ng pananakop.
Iyong pulutin ang iyong mga kalakal mula sa lupain, Oh ikaw na nakukubkob.
18 Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh, “Tingnan ninyo, ipapatapon ko sa panahong ito ang mga naninirahan sa lupain. Pahihirapan ko sila at malalaman nila ito.”
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibubulid ang mga mananahan sa lupain sa panahong ito, at aking pahihirapan sila upang sila'y makaramdam.
19 Aba sa akin! Dahil sa mga nabali kong buto, malubha ang aking sugat. Kaya sinabi ko, “Tiyak na matinding paghihirap ito, ngunit dapat ko itong tiisin.”
Sa aba ko, dahil sa aking sugat! ang aking sugat ay malubha: nguni't aking sinabi, Tunay na ito ay aking hirap, at aking marapat na tiisin.
20 Ganap na nawasak ang aking tolda at nahati sa dalawa ang lahat ng tali nito. Kinuha sa akin ang aking mga anak, kaya wala na sila. Wala ng maglalatag ng aking tolda o magtataas ng aking mga kurtina.
Ang aking tolda ay nagiba, at lahat ng panali ko ay nangapatid; iniwan ako ng aking mga anak, at sila'y wala na: wala nang magtayo pa ng aking tolda, at magtaas ng aking mga tabing.
21 Sapagkat naging hangal ang mga pastol. Hindi nila hinanap si Yahweh kaya hindi sila nagtagumpay at nagsikalat ang lahat ng kanilang kawan.
Sapagka't ang mga pastor ay naging tampalasan, at hindi nagsisangguni sa Panginoon: kaya't hindi sila magsisiginhawa, at lahat nilang kawan ay nangalat.
22 Dumating na ang ulat ng mga balita, “Tingnan ninyo! Parating na ito! Isang malakas na lindol ang paparating mula sa hilagang lupain upang sirain ang mga lungsod ng Juda at maging taguan ng mga asong-gubat.”
Ang tinig ng mga balita, narito, dumarating, at malaking kagulo mula sa lupaing hilagaan, upang gawing kagibaan ang mga bayan ng Juda, at tahanan ng mga chakal.
23 Alam ko Yahweh na ang landas ng tao ay hindi nagmula sa kaniyang sarili. Walang tao ang nangunguna sa sarili niyang mga hakbang.
Oh Panginoon, talastas ko na ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili; hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.
24 Ituwid mo ako Yahweh ng may katarungan ngunit hindi sa pamamagitan ng iyong galit at baka mapuksa mo ako.
Oh Panginoon, sawayin mo ako, nguni't sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.
25 Ibuhos mo ang iyong matinding galit sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo at sa mga pamilya na hindi tumatawag sa pangalan mo. Sapagkat nilamon nila si Jacob at inubos siya upang ganap na wasakin at buwagin ang kaniyang tirahan.
Iyong ibuhos ang iyong kapusukan sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga angkan na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan; sapagka't kanilang sinakmal ang Jacob, oo, kanilang sinakmal siya, at nilipol siya, at sinira ang kaniyang tahanan.

< Jeremias 10 >