< Isaias 8 >
1 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng malapad na bato at iukit mo dito ang, 'Maher Shalal Has Baz.'
2 Tatawag ako ng mga tapat na mga saksi para magpatotoo para sa akin, ang paring si Urias, at Zacarias na anak ni Jeberequias.”
3 Pumunta ako sa babaeng propeta, at siya ay nagbuntis at nagsilang ng anak na lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pangalanan mo siyang Maher Shalal Has Baz.”
4 Sapagkat bago pa lang matutong sumigaw ang bata ng 'Aking tatay' at 'Aking nanay,' ang kayamanan ng Damasco at ang nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.
5 Nangusap muli si Yahweh sa akin,
6 “Dahil tinanggihan ng mga tao ang banayad na tubig ng Shiloah, at masaya pa sila kay Rezin at sa anak ni Remalias,
7 kaya ipapadala sa kanila ng Panginoon ang mga tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat ng kaniyang kaluwalhatian. Dadaloy sa lahat ng mga kanal nito at aapaw sa mga pampang,
8 at palulubugin nito ang Juda, babaha at aagos, hanggang sa umabot ito sa inyong mga leeg. Ang kaniyang nakabukang mga pakpak ang tatabon sa buong lupain, Immanuel.”
9 Madudurog kayong mga tao ng pira-piraso. Makinig, kayong malalayong bansa: maghanda kayo para sa digmaan at kayo ay dudurugin ng pira-piraso. Ihanda ang inyong sarili at kayo ay dudurugin.
10 Gumawa kayo ng plano, pero hindi ito maisasakatuparan; magbigay kayo ng utos pero hindi ito susundin, dahil ang Diyos ay kasama namin.
11 Nangusap sa akin si Yahweh, ang kaniyang makapangyarihang kamay ay nasa akin, at binalaan akong huwag sumunod sa pamumuhay ng mga taong ito.
12 Huwag ninyong tawaging pagsasabwatan ang alinmang tinuturing na pagsasabwatan ng mga taong ito; huwag kang matakot sa kinakatakutan nila, at huwag kang magpasindak.
13 Si Yahweh ng mga hukbo, pararangalan ninyo siya bilang banal, katatakutan ninyo siya, at siya ang dapat ninyong pangambahan.
14 Siya ay magiging santuaryo; pero siya ay tulad ng isang bato na tatama sa kanila, at isang malaking bato na makakapagpatumba sa dalawang bahay ng Israel. At siya ay magiging patibong at silo sa mamamayan ng Jersusalem.
15 Marami ang matitisod dito, madadapa at masisira, masisilo at mabibihag.
16 Ibalumbon mo ang aking patotoo, selyuhan ang opisyal na tala, at ibigay ito sa aking mga alagad.
17 Maghihintay ako kay Yahweh, siya na itinatago ang kaniyang mukha mula sa bahay ni Jacob; maghihintay ako sa kaniya.
18 Tingnan, ako at ang mga anak na lalaki na binigay sa akin ni Yahweh ang magsisilbing tanda at himala sa Israel mula kay Yahweh ng mga Hukbo, na nananahan sa Bundok ng Sion.
19 Sasabihan ka nila, “Kumunsulta ka sa mga manghuhula at mga salamangkero,” silang mga nagsasambit at bumubulong ng mga dasal. Pero hindi ba dapat sa Diyos kumukunsulta ang mga tao? Mas nararapat bang konsultahin nila ang patay para sa mga nabubuhay?
20 Kaya inyong ituon ang inyong atensyon sa batas at patotoo! Kapag hindi nila sinabi ang bagay na ito, ito ay dahil wala silang liwanag ng umaga.
21 Sila ay maglalakbay sa lupain na naghihirap at nagugutom. Kapag sila ay nagutom, magagalit sila at susumpain nila ang kanilang hari at ang Diyos, habang sila ay nakatingala.
22 Pagmamasdan nila ang lupa at makikita ang paghihirap, kadiliman at mapang-aping kalungkutan. Sila ay itataboy tungo sa lupain ng kadiliman.