< Isaias 7 >
1 Sa panahon ni Ahaz na anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang hari ng Juda, si Rezin ang hari ng Aram, at si Peka anak ni Remalias, ang hari ng Israel, ay umakyat sa Jerusalem para makipagdigma, pero hindi sila nagtagumpay.
2 Naibalita sa bahay ni David na nakipagkasundo ang Aram sa Efraim. Kumabog ang dibdib niya pati ng kaniyang bayan, gaya ng mga puno sa gubat na hinahampas ng hangin.
3 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Isaias, “Lumabas ka kasama ng iyong anak na si Sear-Yasub para makipagkita kay Ahaz sa dulo ng daluyan ng paliguan sa taas, sa daan kung saan naroon ang lugar na pinaglalabhan ng mga kababaihan.
4 Sabihin mo sa kaniya, 'Mag-ingat ka, at mapanatag, huwag kang matakot at masindak sa dalawang nagbabagang piraso ng mga kahoy na ito at sa nag-aapoy na galit ni Rezin ng Aram, at ni Peka na anak ni Remalias.
5 Ang Aram, Efraim at ang anak ni Remalias ay nagplano ng masama laban sa iyo. Sinabi nila,
6 “Lusubin natin ang Juda at takutin siya, lusubin natin siya at magluklok tayo ng hari doon, ang anak ni Tabeel.”
7 Sinasabi ng Panginoong si Yahweh, “Hindi ito magaganap, hindi ito mangyayari,
8 dahil ang kabisera ng Aram ay Damascus, at ang pinuno ng Damascus ay si Rezin. Sa loob naman ng animnapu't limang taon, ang Efraim ay magkakawatak-watak at hindi na muling magiging bayan.
9 Ang kabisera ng Efraim ay Samaria, at ang pinuno ng Samaria ay ang anak ni Remalias. Kung hindi kayo magpapakatatag, tiyak na hindi kayo mananatiling ligtas.”
10 Nagsalita muli si Yahweh kay Ahaz,
11 “Humingi ka ng tanda ni Yahweh, ang iyong Diyos; hingin mo ito sa kailaliman o sa kataas-taasan.” (Sheol )
12 Pero sinabi ni Ahaz, “Hindi ako hihingi, ni hindi susubukin si Yahweh.”
13 Kaya tumugon si Isaias, “Makinig ka, sambahayan ni David. Hindi pa ba sapat para inyo na subukin ang pagtitimpi ng mga tao? Kailangan mo bang subukin din ang pagtitimpi ng aking Diyos?
14 Dahil diyan, ang Panginoon mismo ang magbibigay sa iyo ng tanda: masdan mo, nagbubuntis ang isang babae, magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Immanuel.
15 Kakain siya ng namuong gatas at pulot kapag natutunan na niyang tumanggi sa kasamaan at piliin ang kabutihan.
16 Dahil bago matutunan ng bata na tumanggi sa kasamaan at piliin ang kabutihan, wawasakin muna ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo.
17 Si Yahweh ay magbibigay sa inyo, sa bayan ninyo at sambahayan ng iyong ama ng mga mga araw na walang katulad simula nang humiwalay ang Efraim sa Juda—ipasasakop niya kayo sa hari ng Asiria.”
18 Sa panahong iyon, sisipol si Yahweh para sa isang langaw mula sa malalayong batis sa Ehipto, at isang bubuyog mula sa lupain ng Asiria.
19 Pupunta silang lahat at mananatili sa lahat ng mga bangin, sa bitak ng mga malalaking bato, at lahat ng matitinik na halaman, at sa lahat ng mga pastulan.
20 Sa panahong iyon, mag-aahit ang Panginoon gamit ang labaha na inupahan niya mula sa kabilang ibayo ng Ilog ng Eufrates—sa hari ng Asiria—aahitin niya ang inyong buhok, buhok sa inyong hita; at aahitin niya rin ang inyong balbas.
21 Sa araw na iyon, pananatilihing buhay ng isang lalaki ang isang batang baka at dalawang tupa,
22 at dahil sa kasaganahan ng gatas na kanilang binibigay, kakain siya ng namuong gatas, dahil lahat ng naiwan sa lupain ay kakain ng namuong gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon, sa lugar kung saan ang isang libong puno ng ubas ay nagkakahalaga sana ng isang libong salaping pilak, magiging dawagan at puro tinik lang ito.
24 Pupunta roon ang mga kalalakihan para mangaso gamit ang palaso, dahil ang buong lupain ay puro dawag at tinik.
25 Lalayo sila mula sa lahat ng mga burol na kanilang binungkal gamit ang asarol, dahil sa takot sa mga dawag at tinik; pero magiging lugar ito kung saan manginginain ang mga baka at tupa.