< Isaias 38 >

1 Nang mga araw na iyon, malubhang nagkasakit si Hezekias. Kaya dinalaw siya ni Isaias anak ni Amos, ang propeta, at sinabi sa kaniya, “pinasasabi ni Yahweh, 'Ilagay mo sa ayos ang iyong sambahayan; dahil mamamtay ka na at hindi na mabubuhay.'”
Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.
2 Pagkatapos humarap sa pader si Hezekias at nanalangin kay Yahweh.
Nang magkagayo'y ipinihit ni Ezechias ang kaniyang mukha sa panig, at nanalangin sa Panginoon,
3 Kanyang sinabi, “Paki-usap, Yahweh, alalahanin kung paaanong matapat akong namuhay ng buong puso sa iyong harapan at ginawa ko kung ano ang mabuti sa iyong paningin.” At tumangis si Hezekias.
At nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo; Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak ng di kawasa.
4 Pagkatapos dumating ang salita ni Yahweh kay Isaias, sinasabing,
Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias, na nagsasabi,
5 Magtungo ka at sabihin kay Hezekias, ang lider ng aking bayan, 'Ito ang sinabi ni Yahweh, ang Diyos ni David inyong ninuno, nagsasabing: narinig ko ang iyong panalangin, at nakita ko ang iyong mga luha. Tingnan mo, labinlimang taon ang idadagdag ko sa iyong buhay.
Ikaw ay yumaon, at sabihin mo kay Ezechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong magulang, Aking dininig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking idaragdag sa iyong mga kaarawan ang labing limang taon.
6 At ililigtas kita at ang lunsod na ito sa kapangyarihan ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito.
At aking ililigtas ikaw at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria: at aking ipagsasanggalang ang bayang ito.
7 At ito ang magiging palatandaan sa iyo mula sa akin, Yahweh, na aking gagawin ang sinabi ko:
At ito ang magiging pinaka tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kaniyang sinalita,
8 Masdan, paaatrasin ko ng sampung hakbang ang anino ni Ahaz sa hagdan.”' Kaya umatras ng sampung hakbang ang anino sa hagdan na kung saan ito ay nagpauna.
Narito, aking ipauurong ang anino sa mga baytang, ng sangpung baytang, na aninong pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw, Sa gayo'y umurong ang araw ng sangpung baytang sa mga baytang na binabaan.
9 Ito ang nakasulat na panalangin ni Hezekias hari ng Juda, noong siya ay nagkasakit at gumaling:
Ang sulat ni Ezechias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kaniyang sakit.
10 sinabi ko na sa kalahati ng aking buhay na mapupunta ako sa tarangkahan ng sheol; mananatili ako doon sa nalalabing mga taon ko. (Sheol h7585)
Aking sinabi, Sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol: Ako'y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon. (Sheol h7585)
11 Sinabi kong hindi ko na makikita pa si Yahweh, nasa lupain ng mga buhay si Yahweh; hindi ko na makikita pa ang sangkatauhan o ang mga naninirahan sa mundo.
Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon sa lupain ng buhay: Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanglibutan.
12 Inalis at tinangay ang aking buhay mula sa akin tulad ng isang tolda ng pastol; binalumbon ko ang aking buhay tulad ng isang manghahabi; tinatabas mo ako mula sa habihan; araw at sa gabi, winawakasan mo ang aking buhay.
Ang tirahan ko'y inaalis, at dinadala na gaya ng tolda ng pastor: Aking pinupulon ang aking buhay, na gaya ng pagpupulon ng manghahabi; kaniyang ihihiwalay ako sa habihan: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Lumuluha ako hanggang umaga; tulad ng isang leon na binabali lahat ng aking mga buto; sa araw at sa gabi winawakasan mo ang buhay ko.
Ako'y tumigil hanggang sa kinaumagahan; katulad ng leon, gayon niya binabali ang lahat kong mga buto: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Tulad ng isang layang-layang ako ay sumisiyap; tulad ng isang kalapati ako ay humuhuni; aking mata ay napagod sa kakatingala. Panginoon, inapi ako: tulungan mo ako.
Gaya ng langaylangayan o ng tagak, humihibik ako; Ako'y tumangis na parang kalapati: ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala; Oh Panginoon, ako'y napipighati, ikaw nawa'y maging tangulan sa akin.
15 Ano ang dapat kong sabihin? Parehong siyang nagpahayag sa akin at tinupad ito; dahan-dahan kong lalakarin ang laaht ng aking taon dahil binabalot mo ako ng kalungkutan.
Anong aking sasabihin? siya'y nagsalita sa akin, at kaniya namang ginawa: Ako'y yayaong marahan lahat kong taon, dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 Panginoon, ang mga pagdurusang mula sa iyo ay mabuti sa akin; nawa ay ibalik mo sa akin ang aking buhay; naibalik mo ang aking buhay at kalusugan.
Oh Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao; At buong nasa ilalim niyan ang buhay ng aking diwa: Kaya't pagalingin mo ako, at ako'y iyong buhayin.
17 Ito ay sa kabutihan ko na naranasan ko ang ganoong kalungkutan. Niligtas mo ako sa hukay ng pagkawasak; dahil tinapon mo lahat ng aking kasalanan sa iyong likuran.
Narito, sa aking ikapapayapa ay nagtamo ako ng malaking paghihirap: Nguni't ikaw, sa pagibig mo sa aking kaluluwa ay iyong iniligtas sa hukay ng kabulukan; Sapagka't iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran.
18 Dahil hindi nagpapasalamat sa iyo ang sheol; hindi ka pinupuri ng kamatayan; silang nananaog sa hukay ay hindi umaasa sa iyong pagkamapagkakatiwalaan. (Sheol h7585)
Sapagka't hindi ka maaring purihin ng Sheol, hindi ka maaring ipagdiwang ng kamatayan! Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan. (Sheol h7585)
19 Ang taong nabubuhay, ang taong nabubuhay, siya ay ang isang magbibigay pasasalamat sa iyo, tulad ng ginagawa ko sa araw na ito; ipinaaalam ng isang ama sa mga anak ang iyong pagkamapagkakatiwalaan.
Ang buhay, ang buhay, siya'y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito: Ang ama sa mga anak ay magpapatalastas ng iyong katotohanan.
20 Malapit na akong iligtas ni Yahweh, at magdiriwang kami na may kantahan sa araw ng ating mga buhay sa bahay ni Yahweh.””
Ang Panginoon ay handa upang iligtas ako: Kaya't aming aawitin ang aming mga awit sa mga panugtog na kawad, Lahat ng kaarawan ng aming buhay sa bahay ng Panginoon.
21 Ngayon sinabi ni Isaias, “Hayaan silang pumitas ng isang bungkos na igos at itapal sa iyong pigsa, at ikaw ay gagaling.
Sinabi nga ni Isaias, Magsikuha sila ng isang binilong igos, at ilagay na pinakatapal sa bukol, at siya'y gagaling.
22 Sinabi din ni Hezekias, “Ano ang magiging tanda na ako ay aakyat sa tahanan ng Diyos?”
Sinabi rin ni Ezechias, Ano ang tanda na ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon?

< Isaias 38 >