< Isaias 30 >

1 “Kaawa-awa ang mga suwail na anak,” ito ang pahayag ni Yahweh. “Gumagawa sila ng mga plano, pero hindi mula sa akin; gumagawa sila ng mga alyansa sa mga ibang bansa, pero hindi sila ginabayan ng aking Espiritu, kaya nagdadagdag sila ng kasalanan sa kasalanan.
Sa aba ng mga mapanghimagsik na mga anak, sabi ng Panginoon, na nagsisisangguni, nguni't hindi sa akin; at nangagaalay ng alay, nguni't hindi sa aking Espiritu, upang makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan:
2 Pumunta sila sa Ehipto, pero hindi hiningi ang aking direksyon. Naghahanap sila ng proteksyon mula sa Faraon at kumubli sa anino ng Ehipto.
Ang nagsisilakad na nagsisilusong sa Egipto, at hindi nangagtanong sa aking bibig; upang mangagpakalakas sa lakas ni Faraon, at magsitiwala sa lilim ng Egipto!
3 Kaya nga ang proteksyon ni Faraon ay magiging kahihiyan ninyo, at ang kublihan sa lilim ng Ehipto, ay inyong kahihiyan,
Kaya't ang lakas ni Faraon ay magiging inyong kahihiyan, at ang pagtiwala sa lilim ng Egipto ay inyong pagkalito.
4 kahit na nasa Zoan ang kanilang mga prinsipe, at ang kanilang mga mensahero ay dumating sa Hanes.
Sapagka't ang kaniyang mga pangulo ay nangasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nagsidating sa Hanes.
5 Mapapahiya silang lahat dahil sa bayan na hindi sila matulungan, na hindi tulong o saklolo, kundi kahihiyan, at isa pang kadungisan.
Silang lahat ay mangapapahiya dahil sa bayan na hindi nila mapapakinabangan, na hindi tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan, at kakutyaan din naman.
6 Isang pagpapahayag tungkol sa mga halimaw ng Negev: Sa iba't ibang dako ng lupain ng kaguluhan at panganib, ng babaeng leon at ng lalaking leon, ang ulupong at ang umaapoy na dragon, ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan sa likod ng mga asno, at ang kanilang yaman sa mga umbok ng mga kamelyo, patungo sa isang grupo ng mga tao na hindi sila matutulungan.
Ang hula tungkol sa mga hayop ng Timugan. Sa lupain ng kabagabagan at ng kahapisan, na pinanggagalingan ng leong babae at lalake, ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.
7 Dahil ang tulong ng Ehipto ay walang halaga; kaya nga tinawag ko siyang Rahab, na walang ginagawa.
Sapagka't ang Egipto ay tumulong na walang kabuluhan, at walang kapararakan: kaya't aking tinawag siyang Rahab na nauupong walang kibo.
8 Ngayon humayo kayo, isulat ninyo sa kasama sila sa isang bato, at itala ito sa isang balumbon, para mapanatili ito para sa darating na panahon bilang isang katibayan.
Ngayo'y yumaon ka, isulat mo sa harap nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong darating na walang hanggan.
9 Dahil ang mga ito ay mga suwail na bayan, mga sinungaling na bata, mga bata na hindi nakikinig sa tagubilin ni Yahweh.
Sapagka't mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:
10 Sinasabi nila sa mga manghuhula, “Huwag kayong manghula”, at sa mga propeta, “Huwag kayong magpahayag sa amin ng tuwirang katotohanan; magsabi kayo sa amin ng mga bagay na magandang pakinggan; magpahayag ng mga panlilinlang;
Na nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay:
11 lumiko mula sa daan; lumiko mula sa landas; alisin Ang Diyos na Banal ng Israel mula sa aming harapan.”
Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.
12 Kaya nga sinasabi ng Diyos na Banal ng Israel, “Dahil tinatanggihan ninyo ang salitang ito at nagtitiwala kayo sa pang-aapi at panlilinlang at umaasa dito,
Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka't inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan:
13 kaya ang kasalanang ito ay magiging sa inyo tulad ng isang sirang bahagi na handa nang bumagsak, tulad ng isang umbok sa isang mataas na pader na kung saan ang kanyang pagbagsak ay mangyayari nang biglaan, sa isang saglit.
Kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.
14 Babasagin niya ito na parang ang sisidlan ng isang magpapalayok na nabasag; hindi niya ititira ito, kung kaya't walang matatagpuan sa mga piraso nito ng isang matalas na piraso na maaaring gamitin para kayurin ang apoy mula sa apuyan, o salukin ang tubig mula sa malaking imbakan ng tubig.
At yao'y kaniyang babasagin na gaya ng pagbasag ng palyok ng magpapalyok, na nababasag na putolputol na walang matitira; na anopat walang masusumpungan na kapiraso sa mga putol niyaon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maikakadlo ng tubig sa balon.
15 Dahil ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, Ang Banal ng Israel, “Sa panunumbalik at pagpapahinga kayo ay maliligtas; sa katahimikan at sa pagtitiwala ang inyong magiging kalakasan. Pero hindi kayo pumapayag.
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Banal ng Israel, Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay matitiwasay kayo; sa katahimikan at sa pagasa ay magiging ang inyong lakas. At hindi ninyo inibig.
16 Sinabi ninyo, 'Hindi, dahil tatakas kami sakay ng mga kabayo,' kaya tatakas nga kayo; at, ' Sasakay kami sa matutulin na mga kabayo,' kaya ang mga hahabol sa inyo ay magiging matulin.
Kundi inyong sinabi, Hindi, sapagka't kami ay magsisitakas na mangangabayo: kaya kayo'y magsisitakas: at, Kami ay magsisisakay sa mga maliksi; kaya't silang magsisihabol sa inyo ay maliliksi.
17 Isang libo ang tatakas sa banta ng isa; sa banta ng lima tatakas kayo hanggang ang mga nalalabi sa inyo ay magiging tulad ng isang poste ng bandila sa tuktok ng isang bundok, o tulad ng isang bandila sa isang burol.”
Isang libo ay tatakas sa saway ng isa; sa saway ng lima ay tatakas kayo: hanggang sa kayo'y maiwang parang isang palatandaan sa taluktok ng bundok, at gaya ng isang watawat sa isang burol.
18 Gayunman naghihintay si Yahweh na maging mapagbigay-biyaya sa inyo. Kaya nga siya ay itataas, handa na bigyan kayo ng awa. Dahil si Yahweh ay isang Diyos ng katarungan; pinagpala ang lahat na naghihintay sa kanya.
At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya'y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya't mabubunyi siya, na siya'y magdadalang habag sa inyo: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.
19 Dahil isang pangkat ng mga tao ang maninirahan sa Sion, sa Jerusalem, at hindi na kayo iiyak. Tiyak na magbibigay-biyaya siya sa inyo sa tunog ng inyong pag-iyak. Kapag narinig niya ito, sasagot siya sa inyo.
Sapagka't ang bayan ay tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya'y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya.
20 Kahit na binibigyan kayo ni Yahweh ng tinapay ng kahirapan at tubig ng kalungkutan, kahit gayon, hindi na itatago ng inyong guro ang kanyang sarili, pero makikita ninyo ang inyong guro sa sarili ninyong mga mata.
At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo:
21 Maririnig ng inyong mga tainga ang salita sa inyong likuran na nagsasabing, “Ito ang daan, lakaran ninyo ito,” kapag lumiko kayo sa kanan o kapag lumiko kayo sa kaliwa.
At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo'y pumipihit sa kanan, at pagka kayo'y pumipihit sa kaliwa.
22 Lalapastanganin ninyo ang inyong mga inukit na imahe na nababalutan ng pilak at ang inyong mga pigurang hinulma sa ginto. Itatapon ninyo ang mga iyon tulad ng isang pasador. Sasabihin ninyo sa kanila, “Umalis kayo dito.”
At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.
23 Ibibigay niya ang ulan para sa inyong binhi kapag maghahasik kayo sa lupa, at tinapay na masagana mula sa lupa. At magiging masagana ang mga pananim. Sa araw na iyon, ang inyong mga baka ay manginginain ng damo sa mga malawak na mga pastulan.
At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.
24 Ang mga baka at mga asno, na nag-aararo ng lupa, ay kakain ng tinimplahang pagkain na tinahip ng isang pala at isang pangkalaykay.
Ang mga baka at gayon din ang mga guyang asno na bumubukid ng lupa ay magsisikain ng may lasang pagkain, na pinahanginan ng pala at hunkoy.
25 Sa bawat mataas na bundok at sa bawat mataas na burol, magkakaroon ng mga umaagos na batis at mga sapa ng mga tubig, sa araw ng walang habas na pagpatay sa panahon na bumabagsak ang mga tore.
At magkakaroon ng mga ilog at mga balon ng tubig sa lahat na mataas na bundok, at sa lahat na matayog na burol, sa araw ng malaking patayan, pagka ang mga moog ay nabubuwal.
26 Ang liwanag ng buwan ay magiging tulad ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong beses na mas maliwanag, tulad ng liwanag ng araw ng pitong araw. Bibigkisin ni Yahweh ang pagkabali ng kanyang bayan at pagagalingin ang mga sugat ng kanyang panunugat sa kanila.
Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magpipito, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at pagalingin ang bugbog na kanilang sugat.
27 Masdan ninyo, ang pangalan ni Yahweh ay dumarating mula sa malayong lugar, lumiliyab sa kanyang galit at nasa makapal na usok. Ang kanyang labi ay puno ng matinding galit, at ang kanyang dila ay tulad ng isang lumalamon na apoy.
Narito, ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo, na nagniningas ng kaniyang galit, at nasa umiilanglang na salimuot na usok: ang kaniyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kaniyang dila ay gaya ng mamumugnaw na apoy:
28 Ang kanyang hininga ay tulad ng isang umaapaw na malakas na agos na umaabot pataas sa gitna ng leeg, para salain ang mga bansa ng salaan ng pagkawasak. Ang kanyang hininga ay isang kabisada sa mga panga ng mga tao para dulutin silang magpagala-gala.
At ang kaniyang hinga ay gaya ng umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang igigin ang mga bansa ng pangigig na pangsira; at isang paningkaw na nakapagpapaligaw ay malalagay sa mga panga ng mga bayan.
29 Magkakaroon kayo ng awitin sa gabi kapag ipinagdiriwang ang isang banal na pista, at kagalakan ng puso, kapag ang isa ay pumunta dala ang isang plauta sa bundok ni Yahweh, sa Bato ng Israel.
Kayo'y mangagkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi pagka ang banal na kapistahan ay ipinagdidiwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng yumayaon na may plauta upang masok sa bundok ng Panginoon, sa malaking Bato ng Israel.
30 Ipaparinig ni Yahweh ang karangyaan ng kanyang tinig at ipapakita ang galaw ng kanyang bisig nang may silakbo ng galit at mga liyab ng apoy, kasama ng bagyo na may malakas na hangin, ulan kasama ng unos, at mga yelo.
At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo,
31 Dahil, sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang Asiria; sila ay hahampasin niya ng baston.
Sapagka't sa pamamagitan ng tinig ng Panginoon ay mangagkakawatakwatak ang taga Asiria, na nananakit ng pamalo.
32 At bawat paghampas ng inilaang pamalo na ipapatama ni Yahweh sa kanila ay sasamahan ng musika ng mga tamburin at mga alpa habang sila ay ginigiyera at nilalabanan niya.
At bawa't hampas ng takdang tungkod, na ibabagsak ng Panginoon sa kaniya, mangyayaring may mga pandereta at may mga alpa; at sa mga pakikipagbakang may pagkayanig ay makikipaglaban siya sa kanila,
33 Dahil may isang lugar ng pagsusunugan ang matagal nang inihanda. Tunay nga, ito ay inihanda para sa hari, at ginawa ito ng Diyos na malalim at malawak. Handa na ang salansanan na may apoy at maraming kahoy. Sisindihan ito ng hininga ni Yahweh, na tulad ng isang batis ng asupre.
Sapagka't ang Topheth ay handa nang malaon; oo, sa ganang hari ay inihanda; kaniyang pinalalim at pinalaki: ang bunton niyaon ay apoy at maraming kahoy: ang hinga ng Panginoon na gaya ng bugso ng azufre, ay nagpapaningas ng apoy.

< Isaias 30 >