< Isaias 29 >
1 Kaawa-awa kay Ariel, Ariel, ang lungsod na pinagkampohan ni David! Magdagdag ng taon sa taon; hayaang dumating ang mga pista.
Hoy Ariel, Ariel, na bayang hinantungan ni David! magdagdag kayo ng taon sa taon; magdiwang sila ng mga kapistahan:
2 Pero sasalakayin ko ang Ariel, at siya ay magluluksa at mananaghoy; siya ay magiging tulad ng Ariel sa akin.
Akin ngang pahihirapan ang Ariel, at magsisitangis at mananaghoy: at siya'y magiging gaya ng Ariel sa akin.
3 Magkakampo ako laban sa inyo sa paligid ninyo at lulusob laban sa inyo gamit ang isang tulos, at magtatatag ng mga armas pagkubkob laban sa inyo.
At ako'y magtatayo ng kampamento laban sa iyo sa palibot, at kukubkubin kita ng mga kuta, at ako'y magbabangon ng mga pangkubkob laban sa iyo.
4 Ibabagsak kayo at magsasalita kayo mula sa lupa; ang pananalita ninyo ay magiging mababa mula sa alabok. Ang tinig ninyo ay magiging tulad ng isang multo mula sa lupa, at ang pananalita ninyo ay magiging napakahina mula sa alabok.
At ikaw ay mabababa, at magsasalita mula sa lupa, at ang iyong salita ay magiging mababa na mula sa alabok: at ang iyong tinig ay magiging gaya ng isang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, mula sa lupa, at ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok.
5 Ang kawan ng mga sumasalakay sa inyo ay magiging tulad ng maliliit na alikabok at ang maraming mga malulupit tulad ng ipa na naglalaho. Mangyayari ito nang biglaan, sa isang saglit.
Nguni't ang karamihan ng iyong mga kaaway ay magiging gaya ng munting alabok, at ang karamihan ng mga kakilakilabot ay gaya ng ipang inililipad ng hangin: oo, magiging sa biglang sandali.
6 Paparusahan kayo ni Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel na may kulog, lindol, malakas na ingay, ng malalakas na mga hangin at matinding bagyo, at mga liyab ng isang lumalamong apoy.
Siya'y dadalawin ng Panginoon ng mga hukbo sa pamamagitan ng kulog, at ng lindol, at ng malaking kaingay, ng ipoipo at bagyo, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy.
7 Ito ay magiging tulad ng isang panaginip, isang pangitain ng gabi: Lalabanan si Ariel at ang kanyang kutang tanggulan ng isang kawan ng lahat ng mga bansa. Sasalakayin siya at ang kanyang mga tanggulan para siluhin siya.
At ang karamihan ng lahat na bansa na nagsisilaban sa Ariel, lahat na nagsisilaban sa kaniya at sa kaniyang kuta, at ang nagpapahirap sa kaniya, ay magiging gaya ng panaginip na isang pangitain sa gabi.
8 Ito ay tulad ng isang nagugutom na tao na nananaginip na siya ay kumakain, pero nang siya ay gumising, walang laman ang kanyang tiyan. Ito ay tulad ng nananaginip na uhaw na tao na umiinom, pero nang siya ay gumising, siya ay nahihilo, dahil ang kanyang pagka-uhaw ay hindi mapawi. Oo, ganoon ang mangyayari sa kawan ng mga bansa na lumalaban sa Bundok ng Sion.
At mangyayari, na gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip, at, narito, siya'y kumakain; nguni't siya'y nagigising, at ang kaniyang kaluluwa ay walang anoman: o gaya ng kung ang isang uhaw ay nananaginip, at, narito, siya'y umiinom; nguni't siya'y nagigising, at, narito, siya'y malata, at ang kaniyang kaluluwa ay uhaw: gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat na bansa, na nagsisilaban sa bundok ng Sion.
9 Pahangain ninyo ang inyong mga sarili at mamangha; bulagin ninyo ang inyong sarili at mabulag! Malasing kayo, pero hindi sa alak; magsuray-suray kayo, pero hindi sa serbesa.
Kayo'y mangatigilan at manganggilalas; kayo'y mangalugod at mangabulag: sila'y lango, nguni't hindi sa alak; sila'y gumigiray, nguni't hindi sa matapang na alak.
10 Dahil ibinuhos sa inyo ni Yahweh ang espiritu ng mahimbing na tulog. Isinara niya ang inyong mga mata, mga propeta, at tinakpan ang inyong mga ulo, mga manghuhula.
Sapagka't inihulog ng Panginoon sa inyo ang diwa ng mahimbing na pagkakatulog, at ipinikit ang inyong mga mata, na mga propeta; at ang iyong mga pangulo, na mga tagakita, ay kaniyang tinakpan.
11 Ang lahat ng mga paghahayag ay naging sa inyo tulad ng mga salita sa isang aklat na selyado, na maaaring ibigay ng mga tao sa isang may pinag-aralan, na sinasabing “Basahin mo ito”. Sinasabi rin niya, “Hindi maaari, dahil ito ay selyado.”
At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka't natatatakan;
12 Kung ang aklat na ito ay ibinigay sa isa na hindi makabasa, na sinasabing. “Basahin mo ito”, sinasabi niya, “hindi ako makabasa”.
At ang aklat ay nabigay sa kaniya na hindi marunong, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Ako'y hindi marunong bumasa.
13 Sinabi ng Panginoon, “Ang bayang ito ay lumalapit sa akin gamit ang kanilang bibig at pinararangalan ako gamit ang kanilang mga labi, pero malayo ang kanilang puso sa akin. Ang pagpaparangal nila sa akin ay isang kautusan na itinuro ng mga tao.
At sinabi ng Panginoon, Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni't inilayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na itinuro sa kanila:
14 Kaya nga, tingnan ninyo, magpapatuloy akong gumawa ng kamangha-manghang bagay sa mga taong ito, kababalaghan kasunod ng isa pang kababalaghan. Ang karunungan ng kanilang matatalinong tao ay mawawala, at ang pang-unawa ng kanilang mga nakakaunawang mga tao ay maglalaho.”
Dahil dito narito, pasisimulan kong gawin ang isang kagilagilalas na gawa sa gitna ng bayang ito, isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha: at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga mabait ay malilingid.
15 Kaawa-awa ang mga lubos na itinatago ang kanilang mga plano mula kay Yahweh, at na ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman. Sinasabi nila, “Sino ang nakakakita sa atin, at sino ang nakakakilala sa atin?
Sa aba nila, na nagsisihanap ng kalaliman upang ilingid sa Panginoon ang kanilang payo, at ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi, Sinong nakakakita sa atin? at sinong nakakakilala sa atin?
16 Ibinabaligtad ninyo ang mga bagay! Dapat bang ituring ang magpapalayok na tulad ng luwad, para sabihin na ang bagay na ginawa niya ay tungkol sa kanya na siyang gumawa nito, “Hindi niya ako ginawa,” o ang bagay na hinubog ay sasabihin sa kanyang manghuhubog, “Hindi niya nauunawaan?”
Kayo'y nangagbabaligtad ng mga bagay! Maibibilang bagang putik ang magpapalyok; upang sabihin ng bagay na yari sa may-gawa sa kaniya, Hindi niya ginawa ako; o sabihin ng bagay na may anyo tungkol sa naganyo, Siya'y walang unawa?
17 Hindi magtatagal, magiging isang bukid ang Lebanon, at ang bukid ay magiging isang gubat.
Hindi baga sangdaling-sangdali na lamang, at ang Libano ay magiging mainam na bukid, at ang mainam na bukid ay magiging pinakagubat?
18 Sa araw na iyon, maririnig ng bingi ang mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa malalim na kadiliman.
At sa araw na yaon ay makikinig ang pipi ng mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa kalabuan at sa kadiliman.
19 Muling magagalak kay Yahweh ang mga api, at magagalak sa Ang Banal ng Israel ang mga mahihirap.
At mananagana naman sa kanilang kagalakan sa Panginoon, ang maamo, at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.
20 Mawawala na ang malupit, at maglalaho ang mapangutya. Aalisin ang lahat ng mga mahilig gumawa ng kasamaan,
Sapagka't ang kakilakilabot ay nauwi sa wala, at ang mangduduwahagi ay naglilikat, at ang lahat na nagbabanta ng kasamaan ay nangahiwalay:
21 na sa pamamagitan ng isang salita ay pinapalabas na may sala ang isang tao. Naglalatag sila ng isang silo para sa kanya na naghahanap ng katarungan sa tarangkahan at ibinababa ang matuwid sa pamamagitan ng walang laman na mga kasinungalingan.
Yaong nakapagkasala sa tao sa isang usapin, at naglalagay ng silo doon sa sumasaway sa pintuang-bayan, at nagliligaw sa ganap na tao sa pamamagitan ng walang kabuluhan.
22 Kaya nga ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa sambahayan ni Jacob — si Yahweh, na tumubos kay Abraham, “Hindi na mapapahiya si Jacob, ni mamumutla ang kanyang mukha.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sangbahayan ni Jacob, Si Jacob nga ay hindi mapapahiya o mamumula pa man ang kaniyang mukha.
23 Pero kapag nakita niya ang kanyang mga anak, na gawa ng aking mga kamay, gagawin nilang banal ang aking pangalan. Gagawin nilang banal ang pangalan ng Banal ni Jacob at hahanga sila sa Diyos ng Israel.
Nguni't pagka kaniyang nakikita ang kaniyang mga anak, ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya, ay kanilang aariing banal ang aking pangalan; oo, kanilang aariing banal ang Banal ni Jacob, at magsisitayong may takot sa Dios ng Israel.
24 Ang mga nagkamali sa kanilang iniisip ay magkakaroon ng pang-unawa, ang mga mareklamo ay matututo ng kaalaman. “
Sila namang nangamamali sa diwa ay darating sa pagkaunawa, at silang mga mapag-upasala ay mangatututo ng aral.