< Isaias 2 >
1 Ang mga nakita ni Isaias, anak ni Amos, sa isang pangitain patungkol sa Juda at Jerusalem.
Ang salita na naalaman ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.
2 Sa mga huling araw, ang bundok ng tahanan ni Yahweh ay itataguyod bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa tuktok ng mga burol; at dadaloy ang lahat ng bansa mula dito.
At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.
3 Maraming tao ang pupunta at magsasabing, “Halika, umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa tahanan ng Diyos ni Jacob para turuan niya tayo ng kaniyang mga pamamaraan at sa gayon lumakad tayo sa kaniyang landas.” Dahil sa Sion magmumula ang batas, at ang salita ni Yahweh mula sa Jerusalem.
At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.
4 Hahatulan niya ang mga bansa at magbababa siya ng mga desisyon para sa mga tao; papandayin nila ang mga espada nila para gawing pang-araro at ang mga sibat nila para gawing tabak; hindi na huhugot ng espada ang isang bansa laban sa isang bansa o magsasanay pa para sa digmaan.
At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.
5 Lumapit ka, angkan ni Jacob, at lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.
Oh sangbahayan ni Jacob, halikayo, at tayo'y magsilakad sa liwanag ng Panginoon.
6 Dahil iniwan mo ang iyong bayan, ang angkan ni Jacob, dahil puno sila ng kaugaliang galing sa silangan at sila ay mga manghuhula gaya ng mga Filisteo, at nakikipagkamay sila sa mga anak ng mga dayuhan.
Sapagka't iyong binayaan ang iyong bayan na sangbahayan ni Jacob, sapagka't sila'y puspos ng mga kaugaliang mula sa silanganan, at mga enkantador gaya ng mga Filisteo, at sila'y nangakikipagkamay sa mga anak ng mga taga ibang lupa.
7 Puno ng pilak at ginto ang lupain nila, at walang hanggan ang yaman nila; puno ng mga kabayo ang lupain nila, maging ang mga karwahe nila, hindi rin mabilang.
Ang kanilang lupain naman ay puno ng pilak at ginto, ni walang wakas ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, ni walang katapusang bilang ang kanilang mga karo.
8 Puno rin ng diyus-diyosan ang lupain nila; sinasamba nila ang mga inukit ng sarili nilang mga kamay, mga bagay na hinulma ng mga daliri nila.
Ang kanila namang lupain ay puno ng mga diosdiosan; kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang sariling mga kamay, na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.
9 Yuyuko ang mga tao at magpapatirapa ang bawat isa; huwag mo silang tanggapin.
At ang taong hamak ay yumuyuko, at ang mataas na tao ay nabababa: kaya't huwag mong patawarin sila.
10 Pumunta kayo sa mababatong lugar at magtago kayo sa ilalim ng lupa dahil sa pagkatakot kay Yahweh at dahil sa kaluwalhatian at karangyaan niya.
Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, sa kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan.
11 Ibababa ang mapagmataas na titig ng mga tao, ibabagsak ang kahambugan ng mga tao at si Yawheh lang ang itataas sa araw na iyon.
Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay mabababa, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mahuhutok, at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.
12 Dahil darating ang araw ni Yahweh ng mga hukbo laban sa bawat hambog at matatayog, at laban sa mapagmataas, at siya ay babagsak —
Sapagka't magkakaroon ng isang kaarawan ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat na palalo at mapagmataas, at sa lahat na nagmamataas; at yao'y mabababa:
13 at laban sa lahat ng sedar ng Lebanon na mataas at inangat, at laban sa mga owk ng Bashan,
At sa lahat ng cedro ng Libano, na matayog at mataas, at sa lahat ng encina ng Basan;
14 at laban sa lahat ng matataas na bundok, at laban sa lahat ng itinaas na burol,
At sa lahat ng matataas na bundok, at sa lahat ng mga burol na nangataas;
15 at laban sa bawat mataas na tore, at laban sa bawat matitibay na pader, at laban sa mga barko ng Tarsis,
At sa bawa't matayog na moog, at sa bawa't kutang nababakod:
16 at laban sa lahat ng magagandang barkong panglayag.
At sa lahat ng mga sasakyang dagat ng Tarsis, at sa lahat ng maligayang bagay.
17 Ang yabang ng tao ay ibababa at ang kapalaluan ng mga tao ay babagsak; tanging si Yahweh lang ang itataas sa araw na iyon.
At ang kahambugan ng tao ay huhutukin, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mabababa: at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.
18 Ganap na maglalaho ang mga diyus-diyosan.
At ang mga diosdiosan ay mapapawing lubos.
19 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato at mga butas ng lupa mula sa pagkatakot kay Yahweh, at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang karangyaan kapag tumayo siya para sindakin ang mundo.
At ang mga tao ay magsisipasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga puwang ng lupa, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.
20 Sa araw na iyon, itatapon ng mga tao ang mga diyus-diyosan nila na yari sa pilak at ginto na ginawa nila para sambahin nila —itatapon nila ito sa mga mowl at paniki.
Sa kaarawang yaon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diosdiosang pilak, at ang kanilang mga diosdiosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa yungib ng mga bilig at ng mga paniki;
21 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato tungo sa siwang ng mga sira-sirang bato, mula sa pagkatakot kay Yahweh at sa kaluwalhatian ng karangyaan niya, kapag tumayo siya para sindakin ang mundo.
Upang pumasok sa mga puwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga malaking bato, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.
22 Huwag na kayong magtiwala sa tao, na ang hininga ng buhay ay nasa mga ilong niya, sapagkat ano ang halaga niya?
Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kaniyang mga butas ng ilong: sapagka't sa ano pahahalagahan siya?