< Isaias 17 >

1 Isang kapahayagan tungkol sa Damasco. Pagmasdan ninyo, hindi na magiging lungsod ang Damasco; ito ay magiging tambak ng mga guho.
Ang hula tungkol sa Damasco. Narito, ang Damasco ay naalis sa pagkabayan, at magiging isang buntong ginto.
2 Iiwanan ang mga lungsod ng Aroer. Ito ay magiging mga lugar na hihigaan ng mga kawan, at walang makakapanakot sa kanila.
Ang mga bayan ng Aroer ay napabayaan: yao'y magiging sa mga kawan, na hihiga, at walang tatakot.
3 Maglalaho ang matitibay na lungsod mula sa Efraim, ang kaharian mula sa Damasco, at ang mga nalabi ng Aram—magiging gaya sila ng kaluwalhatian ng bayan ng Israel—ito ang kapahayagan ni Yahweh ng mga hukbo.
Ang moog sa kuta naman ay mawawala sa Ephraim, at mawawalan ng kaharian ang Damasco, at ang nalabi sa Siria; sila'y magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 Sa araw na iyon ay manghihina ang kaluwalhatian ni Jacob, at papayat ang katabaan ng kaniyang laman.
At mangyayari sa araw na yaon, na ang kaluwalhatian ng Jacob ay mangliliit, at ang katabaan ng kaniyang laman ay mangangayayat.
5 Ito ay magiging gaya ng mga nag-aani kapag tinitipon nila ang mga butil, at inaani ng kaniyang mga bisig ang mga ulo ng butil. Ito ay magiging gaya ng mga namumulot ng butil sa lambak ng Refaim.
At mangyayari na gaya ng pamumulot ng mangaani ng nakatayong trigo, at ng panggapas ng kaniyang kamay ng mga uhay; oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay sa libis ng Ephraim.
6 Pero, ititigil ang pamumulot kapag nayanig ang puno ng olibo: dalawa o tatlong olibo sa tuktok ng mataas na bahagi ng sanga, apat o lima sa pinaka mataas na sanga ng masagang puno—ito ang kapahayagan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Gayon ma'y maiiwan doon ang mga pinulot, gaya ng pagugog sa puno ng olibo na dalawa o tatlong bunga ay naiiwan sa dulo ng kataastaasang sanga, apat o lima sa kaduluduluhang mga sanga ng mabungang punong kahoy, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
7 Sa araw na iyon ay titingin ang mga tao sa kanilang Manililikha, at titingin ang mga mata nila sa Banal ng Israel.
Sa araw na yaon ay titingin ang mga tao sa Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay magkakaroon ng pitagan sa Banal ng Israel.
8 Hindi sila titingin sa mga altar, ang ginawa ng kanilang mga kamay, ni titingin sa mga nilikha ng kanilang mga daliri, ang mga poste ni Asera o ang mga imahe ng araw.
At sila'y hindi titingin sa mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, o magkakaroon man sila ng pitagan sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga Asera, o sa mga larawang araw.
9 Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay magiging gaya ng mga iniwan na kahoy na dalusdos sa rurok ng mga burol, na pinabayaan dahil sa bayan ng Israel at iyon ay magiging isang bayan na pinabayaan.
Sa araw na yao'y ang kanilang mga matibay na bayan ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan sa harap ng angkan ni Israel: at magiging sira.
10 Dahil kinalimutan ninyo ang Diyos ng inyong kaligtasan, at iniwan ang bato ng inyong kalakasan. Kaya nagtatanim kayo ng mga kaaya-ayang mga halaman, at naghahasik ng kakaibang mga binhi
Sapagka't iyong nilimot ang Dios ng inyong kaligtasan, at hindi mo inalaala ang malaking bato ng iyong kalakasan: kaya't nagtatanim ka ng mga maligayang pananim, at iyong ibinabaon ang punla ng iba:
11 sa araw ng inyong pagtatanim, pagbabakod ng halaman, at paglilinang. Balang araw ay tutubo ang mga binhi ninyo, pero mabibigo ang pag-aani sa araw ng kapighatian at labis na kalungkutan.
Sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong binabakuran, at sa kinaumagahan ay iyong pinamumulaklak ang iyong binhi; nguni't nawawalan ng ani sa araw ng kalumbayan at sa lubhang kahapisan.
12 Kaawa-awa! Ang paghihiyawan ng mga tao, ang pag-ugong gaya ng pag-ugong ng mga dagat, at ang pagragasa ng mga bansa, gaya ng rumaragasang malalakas na tubig!
Ah, ang kaingay ng maraming bayan, na nagsisiugong na gaya ng ugong ng mga dagat; at ang daluhong ng mga bansa, na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng tubig!
13 Uugong ang mga bansa gaya ng rumaragasang mga tubig, pero sasawayin sila ng Diyos. Tatakbo sila palayo at hahabulin gaya ng mga patay na damo sa bundok na nasa harap ng mga hangin, at gaya ng mga damo na umiikot sa harap ng bagyo.
Ang mga bansa ay magsisihugos na parang agos ng maraming tubig nguni't sila'y sasawayin niya, at magsisitakas sa malayo, at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin, at gaya ng ipoipong alabok sa harap ng bagyo.
14 Sa gabi, tingnan ninyo, ang lagim! At maglalaho sila bago dumating ang umaga; ito ang bahagi ng mga nagnakaw sa atin, ang kapalaran ng mga nanloob sa atin.
Sa gabi ay narito ang kakilabutan; at bago dumating ang umaga ay wala na sila. Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin, at ang palad nila na nangagnanakaw sa atin.

< Isaias 17 >