< Genesis 43 >

1 Matindi na ang taggutom sa lupain.
At ang kagutom ay mahigpit sa lupain.
2 Dumating ang panahon nang maubos na nilang kainin ang butil na kinuha nila mula sa Ehipto, sinabi ng kanilang ama, “Humayo kayong muli at bumili ng pagkain natin.
At nangyari, nang makain na nila ang trigong kanilang dinala mula sa Egipto, na sinabi sa kanila ng kanilang ama, Kayo'y pumaroong muli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain.
3 Sinabi sa kanya ni Juda “Mahigpit kaming binalaan ng lalaki, 'Hindi ninyo makikita ang aking mukha maliban na lamang kung kasama ninyo ang iyong kapatid.
At si Juda ay nagsalita sa kaniya, na sinasabi, Ipinahayag sa aming mahigpit ng lalaking yaon, na sinasabi, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, maliban na ipagsama ninyo ang inyong kapatid.
4 Kung hahayaan mong isama namin ang aming kapatid, bababa kami at bibili ng pagkain para sa iyo.
Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, ay bababa kami, at ibibili ka namin ng pagkain.
5 Ngunit kung hindi mo siya ipapasama, hindi kami bababa. Dahil sinabi ng lalaki sa amin, “Hindi ninyo makikita ang aking mukha maliban na lamang kung kasama ninyo ang inyong kapatid.
Datapuwa't kung hindi mo paparoroonin ay hindi kami bababa: sapagka't sinabi sa amin ng lalaking yaon, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.
6 Sinabi ni Israel, “Bakit mo ako pinakikitunguhan ng masama sa pamamagitan ng pagsasabi sa taong iyon na meron pa kayong isang kapatid?”
At sinabi ni Israel, Bakit ninyo ako ginawan ng masama, na inyong sinabi sa lalake na mayroon pa kayong ibang kapatid?
7 Sinabi nila, “Nagtanong ang lalaki ng mga bagay tungkol sa amin at sa ating pamilya. Sinabi niya, 'Buhay pa ba ang iyong ama? Mayroon pa ba kayong ibang kapatid?' Sinagot namin siya ayon sa mga tanong na ito. Paano namin malalaman na sasabihin niyang, “Dalhin mo dito ang iyong kapatid?”
At kanilang sinabi, Tinanong kami ng buong siyasat, tungkol sa amin, at tungkol sa aming kamaganakan, na sinasabi, Buhay pa ba ang inyong ama? May iba pa ba kayong kapatid? At isinaysay namin sa kaniya ayon sa mga salitang ito: saan namin malalaman, kaniyang sasabihin, Ibababa ninyo rito ang inyong kapatid?
8 Sinabi ni Judah sa kanyang ama, “Ipadala mo ang batang lalaki sa amin. Tatayo kami at aalis upang mabuhay kami at hindi mamatay, kapwa kami, ikaw, at ang aming mga anak.
At sinabi ni Juda kay Israel na kaniyang ama. Pasamahin mo sa akin ang bata at kami ay magsisitindig at magsisiyaon; upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay, kami, at ikaw, at gayon din ang aming mga bata.
9 Ako ang mananagot sa kanya. Ako ang pananagutin mo. Kung hindi ko siya maibabalik sa iyo at maihaharap sa iyo hayaan mong ako ang masisi habang buhay.
Ako ang mananagot sa kaniya; sa aking kamay hahanapin mo siya; kung hindi ko ibalik sa iyo, at ilagay sa harap mo, ay pasanin ko ang sala magpakailan pa man:
10 Kung hindi kami maaantala, sigurado ngayon nakabalik na kami dito nang pangalawang beses”.
Sapagka't kung hindi tayo nagluwat, ay nakapagbalik na kaming makalawa.
11 Sinabi ng kanilang ama na si Israel, “Kung ganoon, gawin ninyo ito ngayon. Kumuha kayo ng mga pinaka magandang produkto sa ating lupain sa inyong mga sisidlan. Magdala kayo ng regalo sa taong iyon: tulad ng balsamo at pulot-pukyutan, pabango at mirra, pili at almendra.
At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Israel, Kung gayon, ngayo'y gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong bayong ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ang lalaking yaon ng kaloob, ng kaunting balsamo at kaunting pulot, pabango, at mirra, mga pile at almendras.
12 Doblehin ninyo ang perang dala ninyo. Ang perang naisuli mula sa pagbukas ng inyong mga sako, dalhin ninyo ulit sa inyong mga kamay. Baka isa lang itong pagkakamali.
At magdala kayo ng ibayong halaga ng salapi sa inyong kamay; at ang salaping nabalik sa labi ng inyong mga bayong ay dalhin ninyong muli sa inyong kamay; marahil ay kalituhan:
13 Dalhin rin ang inyong kapatid na lalaki. Tumayo at pumunta kayo ulit sa taong iyon.
Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at magtindig kayo at pumaroon kayong muli sa lalaking yaon.
14 Nawa'y kaawaan kayo ng Makapangyarihang Diyos sa harap ng taong iyon, upang palayain niya sa inyo ang iba niyong mga kapatid at si Benjamin. Kung ako'y nagdadalamhati sa aking mga anak, ako'y nagdadalamhati.
At pagkalooban nawa kayo ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ng kaawaan sa harap ng lalaking yaon, upang isauli sa inyo ang inyong isang kapatid at si Benjamin. At kung mawalan ako ng mga anak, ay mawalan ako.
15 At dinala ng mga lalaki ang regalong iyon. Kumuha sila ng dobleng salapi sa kanilang mga kamay at si Benjamin. Tumayo sila, pumunta pababa sa Ehipto, at tumayo sa harapan ni Jose.
At dinala ng mga lalake ang kaloob na yaon, at ibayong halaga ng salapi ang dinala sa kanilang kamay, at si Benjamin; at nagsipagtindig, at nagsibaba sa Egipto, at nagsiharap kay Jose.
16 Nang makita ni Jose na kasama nila si Benjamin, sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Dalhin mo ang mga lalaki sa bahay, kumatay kayo ng hayop at ihanda ito, dahil ang mga lalaki ay kakain kasama ko ngayong tanghalian.
At nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kaniyang bahay: Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, at magpatay ka ng mga hayop, at ihanda mo; sapagka't ang mga lalaking iyan ay magsisipananghaling kasalo ko.
17 Ginawa ng katiwala ang sinabi ni Jose. Dinala niya ang mga lalaki sa bahay ni Jose.
At ginawa ng lalake ang ayon sa iniutos sa kaniya ni Jose; at dinala ng katiwala ang mga lalaking yaon sa bahay ni Jose.
18 Natakot ang mga lalaki dahil sila ay dinala sa bahay ni Jose. Sinabi nila, “Ito ay dahil sa perang isinauli sa aming mga sako sa unang pagkakataon na pumunta kami dito, para makahanap siya ng pagkakataon laban sa amin. Maaari niya kaming hulihin at gawin lipin, at kunin ang aming mga asno.
At ang mga lalake ay nangatakot, sapagka't sila'y dinala sa bahay ni Jose; kanilang sinabi: Dahil sa salaping isinauli sa ating mga bayong ng una, ay dinala tayo rito; upang hanapan tayo ng dahilan, at tayo'y ibagsak niya, at tayo'y ariin niyang mga alipin, at pati ng atin mga asno.
19 Nilapitan nila ang katiwala ng bahay ni Jose, at siya ay kinausap nila sa may pintuan ng bahay,
At sila'y nagsilapit sa katiwala ng bahay ni Jose, at kinausap nila sa pintuan ng bahay.
20 sinabing, “Aking amo, noong unang pagkakataon na pumunta kami dito ay para bumili ng pagkain.
At sinabi nila, Oh panginoon ko, tunay na kami ay bumaba ng una na bumili ng pagkain:
21 Nangyari na, nang makarating na kami sa lugar kung saan kami ay pansamantalang nakatira, na binuksan namin ang aming mga sako, at, tingnan, ang bawat pera ng tao ay nandoon sa bukasan ng kanilang sako, ang aming pera na sakto ang halaga. Ibinalik namin ito sa aming mga kamay.
At nangyari, nang dumating kami sa tuluyan, na binuksan namin ang aming mga bayong, at, narito, ang salapi ng bawa't isa sa amin ay nasa labi ng kanikaniyang bayong, ang salapi namin sa tunay na timbang: at aming muling dinala sa aming kamay.
22 Ang ibang pera ay dinala rin namin sa aming kamay para bumili ng pagkain. Hindi namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa aming mga sako.”
At nagdala kami ng ibang salapi sa aming kamay upang ibili ng pagkain; hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga bayong.
23 Sinabi ng katiwala, “Ang kapayapaan ay sumainyo, huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos at ang Diyos ng inyong ama ang maaaring naglagay ng pera sa inyong mga sako. Natanggap ang iyong pera.” Inilabas naman ng katiwala si Simeon sa kanila.
At kaniyang sinabi, Mapayapa kayo; huwag kayong matakot, ang Dios ninyo at ang Dios ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang natatago sa inyong mga bayong: tinanggap ko ang inyong salapi. At inilabas si Simeon sa kanila.
24 Dinala ng katiwala ang mga lalaki sa bahay ni Jose. Binigyan niya ito ng tubig, at hinugasan nila ang kanilang mga paa. Binigyan niya ng mga pagkain ang kanilang mga asno.
At dinala ng katiwala ang mga lalake sa bahay ni Jose, at sila'y binigyan ng tubig, at nangaghugas ng kanilang mga paa; at binigyan ng pagkain ang kanilang mga asno.
25 Inihanda nila ang mga regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat narinig nila na sila ay kakain doon.
At kanilang inihanda ang kaloob sa pagdating ni Jose sa tanghali; sapagka't kanilang narinig na doon sila magsisikain ng tinapay.
26 Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila ang mga regalo na nasa kamay nila doon sa bahay, at sila'y yumuko sa harapan niya sa sahig.
At nang dumating si Jose sa bahay, ay dinala nila sa kaniya sa loob ng bahay, ang kaloob na nasa kanilang kamay, at sila'y nagpatirapa sa harap niya.
27 Tinanong niya sila tungkol sa kanilang kalagayan at nagsabing, “Mabuti ba ang kalagayan ng inyong ama, ang matanda na inyong binabanggit? Buhay pa ba siya?”
At sila'y kaniyang tinanong tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, Wala bang sakit ang inyong ama, ang matanda na inyong sinalita? buhay pa ba?
28 Sila ay nagsalita, “Ang iyong lingkod ang aming ama ay mabuti naman. Siya ay buhay pa.” Sila ay dumapa at yumuko.
At kanilang sinabi, Walang sakit ang iyong lingkod na aming ama, buhay pa. At sila'y nagsiyukod at nagsigalang.
29 Itinuon niya ang kanyang mga mata pataas at nakita si Benjamin ang kanyang kapatid na lalaki, ang anak ng kanyang ina, na nagsasabing, “Ito ba ang sinasabi mong nakababatang kapatid mo na iyong binabanggit sa akin? Sinabi niya, “Ang Diyos ay maging maawain sa iyo, aking anak”.
At itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita si Benjamin na kapatid niya, na anak ng kaniyang ina, at sinabi, Ito ba ang inyong kapatid na bunso, na inyong sinalita sa akin? At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Dios, anak ko.
30 Nagmamadali si Jose na lumabas sa loob, dahil labis siyang naantig tungkol sa kanyang kapatid na lalaki. Naghanap siya ng lugar upang iyakan. Pumunta siya sa kanyang silid at doon umiyak.
At nagmadali si Jose; sapagka't nagniningas ang kaniyang loob dahil sa kaniyang kapatid: at humanap ng dakong maiiyakan; at pumasok sa kaniyang silid, at umiyak doon.
31 Naghilamos siya at lumabas. Pinigilan niya ang kanyang sarili, na nagsasabing “Ihain na ang pagkain”.
At siya'y naghilamos at lumabas; at nagpigil ng loob, at nagsabi, Maghain kayo ng tinapay.
32 Pinagsilbihan ng mga lingkod si Jose na siya lang at ang kanyang mga kapatid na lalaki na sila lang. Ang mga taga-Ehipto ay kumain doon kasama niya ng sila-sila lang dahil ang taga-Ehipto ay hindi kumakain ng tinapay kasama ng mga Hebreo, dahil ito ay hindi katanggap-tanggap sa mga taga-Ehipto.
At kanilang hinainan siyang bukod, at silang bukod, at ang mga Egipcio na kumakaing kasama niya ay bukod: sapagka't ang mga taga Egipcio ay hindi makakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagka't kasuklamsuklam ito sa mga Egipcio.
33 Ang mga kapatid niya ay umupo sa tapat niya, ang panganay ayon sa kanyang karapatan, at ang pinaka bata ayon sa kanyang pagkabata. Ang mga lalaki ay sama-samang namangha.
At sila'y nagsiupo sa harap niya, ang panganay ayon sa kaniyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kaniyang pagkabunso: at ang mga lalake ay nangamamangha na nagtitinginan.
34 Nagpadala si Jose ng mga parte sa kanila mula sa pagkain na nasa harapan niya. Pero ang parte ng kay Benjamin ay limang beses ang dami kaysa sa kanyang mga kapatid. Sila'y nag inuman at nagpakasaya na kasama niya.
At sila'y idinampot ni Jose sa harap niya ng mga ulam: datapuwa't ang ulam ni Benjamin ay humihigit kay sa mga bahagi ng alin man sa kanila ng makalima. At nangaginuman at nangakipagkatuwa sa kaniya.

< Genesis 43 >