< Genesis 22 >
1 Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito na sinubok ng Diyos si Abraham. Sinabi niya sa kanya, “Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito ako.”
At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako.
2 Pagkatapos sinabi ng Diyos, “Kunin mo ang iyong anak, ang kaisa-isa mong anak, na iyong minamahal, si Isaac, at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya roon bilang handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na ituturo ko sa iyo.”
At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.
3 Kaya maagang bumangon kinaumagahan si Abraham, inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga kabataang lalaki, kasama si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin, at naglakbay patungo sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya.
At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios.
4 Sa ikatlong araw, tumingala si Abraham at natanaw niya ang lugar sa kalayuan.
Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo.
5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga kabataang lalaki, “Manatili kayo rito kasama ang asno, at pupunta ako roon kasama ang bata. Sasamba kami at muling babalik sa inyo.”
At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo.
6 Pagkatapos kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na susunugin at ipinapasan ito kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang kutsilyo; at kapwa silang umalis na magkasama.
At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila'y kapuwa yumaong magkasama.
7 Kinausap ni Isaac si Abraham na kaniyang ama at sinabing, “Aking ama,” at sumagot si Abraham, “Narito ako, aking anak.” Sinabi niya, “Narito, ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang tupa para sa handog na susunugin?”
At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni't saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin?
8 Sinabi ni Abraham, “Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin, aking anak.” Kaya sila ay nagpatuloy nang magkasama.
At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin, anak ko: ano pa't sila'y kapuwa yumaong magkasama.
9 Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya, gumawa si Abraham ng isang altar at inilatag niya ang kahoy dito. Pagkatapos tinalian ni Abraham si Isaac na kanyang anak, at inilagay niya ito sa altar, sa ibabaw ng kahoy.
At sila'y dumating sa dakong sa kaniya'y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy.
10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay na hawak ang kutsilyo para patayin ang kanyang anak.
At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak.
11 Pero tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, “Abraham, Abraham!” at sinabi niya, “Narito ako.”
At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako.
12 Sinabi niya, “Huwag mong pagbuhatan ng kamay, ni gumawa ng anuman para saktan siya, sapagkat ngayon alam kong may takot ka sa Diyos, nakikita kong hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac sa akin.
At sa kaniya'y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.
13 Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak.
At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak.
14 Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, “Si Yahweh ang magbibigay,” at tinatwag din hanggang sa araw na ito, “Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay.”
At pinanganlan ni Abraham ang dakong yaon, ng Jehova-jireh: gaya ng kasabihan hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng Panginoon ay mahahanda.
15 Tinawag ng anghel ni Yahweh si Abraham sa ikalawang pagkakataon mula sa langit
At tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham na ikalawa mula sa langit.
16 at sinabing—ito ay isang kapahayagan mula kay Yahweh, “Nangangako ako sa aking sarili na dahil ginawa mo ang bagay na ito, at dahil hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak,
At sinabi, Sa aking sarili ay sumumpa ako, anang Panginoon, sapagka't ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak;
17 tiyak na pagpapalain kita at labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng bituin sa kalangitan, at gaya ng buhangin sa dalampasigan; at aangkinin ng iyong mga kaapu-apuhan ang tarangkahan ng kanilang mga kaaway.
Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway;
18 Sa pamamagitan ng iyong anak, ang lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain, dahil sinunod mo ang aking tinig.
At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka't sinunod mo ang aking tinig.
19 Kaya bumalik si Abraham sa kanyang mga tauhan, at umalis sila at magkakasamang pumunta sa Beer-seba, at nanirahan siya sa Beer-seba.
Sa gayo'y nagbalik si Abraham sa kaniyang mga alila, at nagsitindig at samasamang nagsiparoon sa Beerseba; at tumahan si Abraham sa Beerseba.
20 Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabihan si Abraham, “Nagkaroon din ng mga anak si Milca, sa iyong kapatid na si Nahor.
At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ibinalita kay Abraham na sinasabi, Narito, si Milca rin naman ay nagkaroon ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid.
21 Sila ay sina Hus ang kanyang panganay, si Buz na kapatid niya, si Kemuel na ama ni Aram,
Si Huz ang kaniyang panganay, at si Buz na kaniyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram;
22 Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at Bethuel.
Si Chesed din naman, at si Hazo, at si Pildas, at si Jidlaph, at si Bethuel.
23 Si Bethuel ay naging ama ni Rebeca. May walong anak na isinilang si Milca kay Nahor, na kapatid ni Abraham.
At naging anak ni Bethuel si Rebeca: ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nachor na kapatid ni Abraham.
24 Nagsilang din si Reumah ang pangalan ng isa pang asawa ni Nahor, sina Tebah, Gaham, Tahas at Maaca.
At ipinanganak din naman ng kaniyang babae na tinatawag na Reuma, si Teba, at si Gaham, at si Taas at si Maacha.