< Ezekiel 1 >
1 Sa ikatatlumpung taon, sa ikaapat na buwan, at sa ikalimang araw ng buwan, nangyaring naninirahan akong kasama ng mga bihag sa tabi ng Kanal Kebar. Nabuksan ang kalangitan, at nakakita ako ng mga pangitain ng Diyos!
Nangyari nga nang ikatatlong pung taon, sa ikaapat na buwan, nang ikalimang araw ng buwan, samantalang ako'y kasama ng mga bihag sa pangpang ng ilog Chebar, na ang langit ay nabuksan, at ako'y nakakita ng mga pangitain mula sa Dios.
2 Noong ikalimang araw ng buwan na iyon—ito ang ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin,
Nang ikalimang araw ng buwan, na siyang ikalimang taon ng pagkabihag ng haring Joacim,
3 dumating nang may kapangyarihan ang salita ni Yahweh kay Ezekiel na anak ni Buzi at ang pari sa lupain ng mga Caldeo sa tabi ng Kanal Kebar. Dumating ang kamay ni Yahweh sa kaniya roon.
Ang salita ng Panginoon ay dumating na maliwanag kay Ezekiel na saserdote, na anak ni Buzi, sa lupain ng mga Caldeo sa pangpang ng ilog Chebar: at ang kamay ng Panginoon, ay sumasa kaniya.
4 Pagkatapos, tumingin ako, at mayroong dumarating na malakas na hangin mula sa hilaga—isang malaking ulap na may kumikinang na apoy sa loob nito, at liwanag ang nasa palibot at loob nito, at kulay ng ambar ang apoy sa loob ng ulap.
At ako'y tumingin, at, narito, isang unos na hangin ay lumabas na mula sa hilagaan, na isang malaking ulap, na may isang apoy na naglilikom sa sarili, at isang ningning sa palibot, at mula sa gitna niyao'y may parang metal na nagbabaga, mula sa gitna ng apoy.
5 Sa gitna ay anyo ng apat na buhay na nilalang. Ito ang kanilang wangis: mayroon silang anyong tao,
At mula sa gitna niyao'y nanggaling ang kahawig ng apat na nilalang na may buhay. At ito ang kanilang anyo, Sila'y nakawangis ng isang tao;
6 ngunit ang bawat isa sa kanila ay mayroong apat na mukha, at ang bawat isa sa mga nilalang ay may apat na pakpak.
At bawa't isa ay may apat na mukha, at bawa't isa sa kanila ay may apat na pakpak.
7 Tuwid ang kanilang mga binti, ngunit ang talampakan ng kanilang mga paa ay tulad ng mga kuko ng isang guya na makinang tulad ng pinakintab na tanso.
At ang kanilang mga paa ay mga matuwid na paa; at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y nagsisikinang na parang kulay ng tansong binuli.
8 Gayon pa man, mayroon silang mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa lahat ng apat na dako. Sa kanilang apat, ang kanilang mga mukha at mga pakpak ay ganito:
At sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran; at silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:
9 ang kanilang mga pakpak ay sumasagi sa mga pakpak ng kasunod na nilalang, at hindi sila lumiliko habang umuusad, sa halip, ang bawat isa ay umusad pasulong.
Ang kanilang mga pakpak ay nagkakadaitan; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon; yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy.
10 Ang wangis ng kanilang mga mukha ay tulad ng mukha ng isang tao, sunod, ang mukha ng isang leon sa kanan, sunod, ang mukha ng isang toro sa kaliwa, at sa huli, ang mukha ng isang agila.
Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, sila'y may mukhang tao; at silang apat ay may mukha ng leon sa kanang tagiliran; at silang apat ay may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran; silang apat ay may mukha rin ng aguila.
11 Ganyan ang kanilang mga mukha, at ang kanilang mga pakpak ay nakabuka sa itaas, upang ang bawat nilalang ay may pares ng mga pakpak na nakasagi sa pakpak ng isa pang nilalang, at isang pares din ng mga pakpak ang nakatakip sa kanilang mga katawan.
At ang kanilang mga mukha at ang kanilang mga pakpak ay magkahiwalay sa itaas: dalawang pakpak ng bawa't isa ay nagkakadaitan at ang dalawa ay nagsisitakip ng kanilang mga katawan.
12 Ang bawat isa ay umusad pasulong, upang saanman sila utusang pumunta ng Espiritu, pumunta sila nang hindi lumilingon.
At yumaon bawa't isa sa kanila na patuloy; kung saan naparoroon ang espiritu, doon sila nangaparoroon; sila'y hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon.
13 Tulad ng mga nagliliyab na baga ang mga buhay na nilalang, o tulad ng mga sulo, may maliwanag na apoy din na gumagalaw kasama ng mga nilalang, at may mga kumikislap na kidlat.
Tungkol sa anyo ng mga nilalang na may buhay, ang kanilang katulad ay parang mga bagang nagniningas; parang mga sulo: ang apoy ay tumataas at bumababa sa gitna ng mga nilalang na may buhay at ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.
14 Mabilis na gumagalaw nangpabalik-balik ang mga buhay na nilalang, at mukha silang kidlat!
At ang mga nilalang na may buhay ay nagsitakbo at nagsibalik na parang kislap ng kidlat.
15 At tumingin ako sa mga buhay na nilalang, may isang gulong sa ilalim na nasa tabi ng mga buhay na nilalang.
Samantala ngang minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito, ang isang gulong sa lupa sa siping ng mga nilalang na may buhay, sa bawa't isa ng apat na mukha ng mga yaon.
16 Ito ang wangis at balangkas ng mga gulong: ang bawat gulong ay tulad ng berilyo, at magkakatulad lahat ang apat, tila binabagtas ng isang gulong ang isa pang gulong.
Ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari ay parang kulay ng berilo: at ang apat na yaon ay may isang anyo: at ang kanilang anyo at ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.
17 Kapag gumulong ang mga gulong, nakakapunta sila sa bawat direksyon nang hindi lumilingon.
Pagka yumaon, nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit nang sila'y yumaon.
18 Para naman sa mga gilid naman ng mga ito, matataas at nakakatakot, sapagkat ang mga gilid ay puno ng mga mata paikot!
Tungkol sa kanilang mga Rueda ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga Ilanta na puno ng mga mata sa palibot.
19 Kapag gumagalaw ang mga buhay na nilalang, gumagalaw ang mga gulong sa tabi nila. Kapag pumapaitaas ang mga buhay na nilalang mula sa lupa, pumapaitaas din ang mga gulong.
At pagka ang mga nilalang na may buhay ay nagsisiyaon, ang mga gulong ay nagsisiyaon sa siping nila; at pagka ang mga nilalang na may buhay ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas.
20 Saanman pumupunta ang Espiritu, pumupunta sila kung saan tumutungo ang Espiritu, pumapaitaas sa tabi nila ang mga gulong, sapagkat ang espiritu ng mga buhay na nilalang ay nasa mga gulong.
Kung saan naparoroon ang espiritu ay nangaparoroon sila; doon pinaparoonan ng espiritu; at ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
21 Kapag gumagalaw ang mga nilalang, gumagalaw rin ang mga gulong, at kapag tumitigil ang mga nilalang, tumitigil ang mga gulong, kapag pumapaitaas mula sa lupa ang mga nilalang, pumapaitaas ang mga gulong sa tabi nila, sapagkat ang espiritu ng mga buhay na nilalang ay nasa mga gulong.
Pagka ang mga yaon ay nagsisiyaon, ang mga ito'y nagsisiyaon; at pagka ang mga yaon ay nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka ang mga yaon ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
22 Sa ibabaw ng mga ulo ng mga buhay na nilalang ay may tulad ng isang napakalaking pabilog na bubong, tulad ito ng kahanga-hangang kristal na nakabuka sa ibabaw ng kanilang mga ulo.
At sa ibabaw ng ulo ng nilalang na may buhay, may kawangis ng langit, na parang kulay ng kakilakilabot na bubog, na nakaunat sa itaas ng kanilang mga ulo.
23 Sa ilalim ng pabilog na bubong, ang bawat isa sa mga pakpak ng nilalang ay nakabuka nang tuwid at nakasagi sa mga pakpak ng isa pang nilalang. Ang bawat buhay na nilalang ay may isang pares din upang takpan ang kanilang mga sarili—ang bawat isa ay may isang pares upang takpan ang kaniyang sariling katawan.
At sa ilalim ng langit ay nakaunat ang kanilang mga pakpak, na ang isa ay sa gawi ng isa: bawa't isa'y may dalawa na tumatakip ng kaniyang katawan sa dakong ito, at bawa't isa'y may dalawa na tumatakip sa dakong yaon.
24 At narinig ko ang tunog ng kanilang mga pakpak! Tulad ng ingay ng rumaragasang tubig. Tulad ng tinig ng Makapangyarihan. Kapag gumagalaw sila, nagkakaroon ng tunog ng isang bagyong ulan. Tulad ito ng tunog ng isang hukbo. Kapag tumitigil sila, ibinababa nila ang kanilang mga pakpak.
At nang sila'y magsiyaon, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang hugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, na hugong ng kagulo na gaya ng kaingay ng isang hukbo: pagka sila'y nagsisitayo, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
25 At isang tinig ang nagmula sa itaas ng pabilog na bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo kapag tumitigil sila at ibinababa ang kanilang mga pakpak.
At may tinig na nagmula sa itaas ng langit na nasa ibabaw ng kanilang mga ulo: pagka sila'y nagsisitayo, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
26 Sa itaas ng pabilog na bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo ay may anyo ng isang tronong tulad ng safiro, at ang nasa trono ay ang wangis ng isang tulad ng tao.
At sa itaas ng langit na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang luklukan na parang anyo ng batong zafiro; at sa ibabaw ng kawangis ng luklukan ay may kawangis ng isang tao sa itaas niyaon.
27 Nakita ko ang isang anyong tulad ng nagliliwanag na metal na may apoy sa loob mula sa kaniyang baywang pataas, mula sa kaniyang baywang pababa ay tulad ng apoy at liwanag ang nasa buong paligid.
At ako'y nakakita ng parang metal na nagbabaga, na parang anyo ng apoy sa loob niyaon, na nakikita mula sa kaniyang mga balakang na paitaas; at mula sa kaniyang mga balakang na paibaba ay nakakita ako ng parang anyo ng apoy, at may ningning sa palibot niyaon.
28 Tulad ito ng isang bahagharing lumilitaw sa mga ulap sa isang maulang araw—at tulad ng maliwanag na ilaw ang pumapaligid dito. Nagpakita ito tulad ng anyo ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako, at narinig ko ang isang tinig na nagsasalita.
Kung paano ang anyo ng bahaghari na nasa alapaap sa kaarawan ng ulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Ito ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon. At nang aking makita, ako'y nasubasob, at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.