< Exodo 9 >

1 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka kay Paraon at sabihin sa kaniya, 'ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo: “Hayaang umalis ang aking bayan, para sila ay sumamba sa akin”.
Nang magkagayon ay sinabi ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon, at saysayin mo sa kaniya. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
2 Pero kung ikaw ay tatanggi na paalisin sila, kung patuloy mo silang panatilihin,
Sapagka't kung tatanggihan mong payaunin sila, at sila'y pipigilin mo pa,
3 pagkatapos ang kamay ni Yahweh ay nasa inyong mga baka na nasa bukirin at sa mga kabayo, mga asno, mga kamelyo, mga kawan at mga tupa at magdudulot ito ng isang matinding sakit.
Ay narito, ang kamay ng Panginoon ay nakapatong sa iyong hayop na nasa parang, nakapatong sa mga kabayo, nakapatong sa mga asno, nakapatong sa mga kamello, nakapatong sa mga bakahan, at nakapatong sa mga kawan; na magkakaroon ng malaking pagkakasalot.
4 Ituturing ni Yahweh na magkaiba ang mga baka ng mga Israelita at ang mga baka ng taga-Ehipto: walang hayop na pag-aari ng mga Israelita ang mamamatay.
At gagawan ng katangian ng Panginoon ang hayop ng Israel at ang hayop ng Egipto: at walang mamamatay sa lahat ng ukol sa mga anak ni Israel.
5 Nagtakda si Yahweh ng isang panahon; kaniyang sinabi, “Gagawin ko bukas ang bagay na ito sa lupain.
At ang Panginoon ay nagtakda ng panahon, na sinasabi, Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.
6 Ito ang ginawa ni Yahweh sa sumunod na araw: namatay ang lahat ng mga baka sa Ehipto. Pero wala ni isa sa mga hayop ng mga Israelita ang namatay, wala ni isang hayop.
At ginawa ng Panginoon ang bagay na yaon ng kinabukasan, at ang lahat ng hayop sa Egipto ay namatay: nguni't sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.
7 Nagsaliksik si Paraon, at nakita, wala ni isang hayop ng mga Israelita ang namatay. Pero matigas ang kaniyang puso, kaya hindi niya hinayaang umalis ang bayan.
At si Faraon ay nagsugo, at narito, walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Nguni't ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang bayan.
8 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises at kay Aaron, “Kumuha kayo ng ilang dakot ng mga abo mula sa isang hurno. Ikaw, Moises, dapat mong ihagis ang mga abo sa hangin habang nanonood si Paraon.
At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.
9 Magiging pinong alikabok na kakalat sa buong lupain ng Ehipto. Magdudulot ng mga pigsa at pamamaga na siyang kakalat sa mga tao at mga hayop sa buong lupain ng Ehipto.
At magiging durog na alabok sa buong lupain ng Egipto, at magiging bukol na naknakin sa tao, at sa hayop, sa buong lupain ng Egipto.
10 Kaya kumuha si Moises at Aaron ng mga abo na mula sa isang hurno at tumayo sa harapan ni Paraon. Pagkatapos, inihagis ni Moises ang mga abo sa hangin. Nagdulot ang mga abo ng pigsa at pamamaga na siyang kumalat sa mga tao at mga hayop.
At sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon, at isinaboy ni Moises sa himpapawid; at naging bukol na naknakin sa tao at sa hayop.
11 Hindi mapigilan ng mga salamangkero si Moises dahil sa mga pigsa; dahil nagkaroon din sila ng mga pigsa maging ang lahat ng ibang mga taga-Ehipto.
At ang mga mahiko ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga bukol; sapagka't nagkabukol ang mga mahiko at ang mga Egipcio.
12 Pinatigas ni Yahweh ang puso ni Paraon, kaya hindi nakinig si Paraon kina Moises at Aaron. Ito mismo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na gagawin ng Paraon.
At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya dininig sila gaya ng sinalita ng Panginoon kay Moises.
13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gumising ka ng maaga, tumayo ka sa harapan ni Paraon, at sabihin sa kaniya, 'si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, sinasabi ito: “Hayaan mong umalis ang aking bayan para maari silang sumamba sa akin.
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon, at sabihin mo sa kaniya: Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
14 Sa oras na ito ipapadala ko ang lahat ng mga salot sa iyo mismo, sa iyong mga lingkod at sa iyong bayan. Gagawin ko ito para malaman mo na walang sinuman ang katulad ko dito sa buong mundo.
Sapagka't ngayo'y ibubugso ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong maalaman na walang gaya ko sa buong lupa.
15 Sa ngayon maaari kung iunat ang aking kamay at lusubin ka at ang iyong bayan ng sakit, at kayo ay lipulin mula sa lupain.
Sapagka't ngayo'y iniunat ko na ang aking kamay, upang salutin kita, at ang iyong bayan, at nawala ka na sa lupa:
16 Pero sa ganitong kadahilanan hinayaan ko kayong makaligtas: para maipakita ang aking kapangyarihan, nang sa ganoon maipahayag ko sa lahat ng panig ng mundo ang aking pangalan.
Datapuwa't totoong totoo, na dahil dito ay pinatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay mahayag sa buong lupa.
17 Patuloy mong itinataas ang iyong sarili laban sa aking bayan sa pamamagitan ng hindi mo pagpayag na paalisin sila.
Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, na ayaw mo silang payaunin?
18 Makinig! Bukas sa ganito ring oras magdadala ako ng isang napakalakas na ulang may yelo, pangyayari na hindi pa nakikita sa Ehipto mula sa unang araw nito hanggang ngayon.
Narito, bukas, sa ganitong oras, ay magpapaulan ako ng malakas na granizo, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa Egipto mula nang araw na itayo hanggang ngayon.
19 Kaya ngayon, magpadala ka ng mga lalaki at ipunin sa ligtas na lugar ang iyong mga baka at ang lahat ng mayroon ka sa iyong bukid sa ligtas na lugar. Ang bawat tao at hayop na nasa bukid at hindi dinala sa bahay—babagsak sa kanila ang ulang may yelo, at mamamatay sila.”'”
Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong tinatangkilik sa parang; sapagka't bawa't tao at hayop na maabutan sa parang, at hindi masisilong, ay lalakpakan ng granizo at mamamatay.
20 Pagkatapos ang mga lingkod ni Paraon na naniwala sa mensahe ni Yahweh, ay nagmadali na dalhin ang kanilang mga alipin at mga baka sa kanilang mga bahay.
Yaong natakot sa salita ng Panginoon, sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwing madali ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang hayop sa mga bahay:
21 Pero ang mga hindi magseryoso ng mensahe ni Yahweh ay iiwan ang kanilang mga alipin at mga baka sa mga bukid.
At yaong nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay nagpabaya ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang kawan sa parang.
22 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay patungo sa kalangitan para magkaroon ng ulang may yelo sa lahat ng lupain ng Ehipto, sa bayan, sa mga hayop at sa lahat ng mga halaman sa mga bukid sa buong lupain ng Ehipto.”
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magkaroon ng granizo sa buong lupain ng Egipto, na lumagpak sa tao, at sa hayop, at sa bawa't halaman sa parang sa buong lupain ng Egipto.
23 Iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod patungo sa kalangitan, at nagpadala si Yahweh ng kulog, ulang may yelo at kidlat sa lupa. Pinaulanan din niya ng yelo ang lupain ng Ehipto.
At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa dakong langit; at ang Panginoo'y nagsugo ng kulog at granizo, at may apoy na lumagpak sa lupa; at ang Panginoo'y nagpaulan ng granizo sa lupain ng Egipto.
24 Kaya nagkaroon ng ulan at kidlat na may kasamang yelong ulan, napakalubha, bagay na hindi pa nangyayari sa buong lupain ng Ehipto mula nang ito ay maging isang bansa.
Sa gayo'y nagkaroon ng granizo at apoy, na nagniningning sa granizo, at napakalakas, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Egipto mula nang maging bansa.
25 Sa buong lupain ng Ehipto, tumama ang ulang ay yelo sa lahat ng bagay na nasa mga bukid, sa kapwa mga tao at mga hayop. Tumama ito sa bawat halaman na nasa mga bukid at sinira ang bawat punongkahoy.
At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Egipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang.
26 Doon lamang sa lupain ng Gosen, kung saan nakatira ang mga Israelita, hindi umulan ng yelo.
Sa lupain lamang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga anak ni Israel, hindi nagkaroon ng granizo.
27 Pagkatapos nagpadala ang Paraon ng mga tao para ipatawag sina Moises at Aaron. Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako sa oras na ito. Si Yahweh ay matuwid at ako at ang aking bayan ay masasama.
At si Faraon ay nagsugo, at ipinatawag si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, Ako'y nagkasala ngayon: ang Panginoo'y matuwid; at ako at ang aking bayan ay masama.
28 Magdasal kayo kay Yahweh, dahil ang napakalakas na mga kidlat at ulang may yelo ay sobra na. Papaalisin ko na kayo at hindi na kayo titira dito.
Dalanginan ninyo ang Panginoon; sapagka't nagkaroon na ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo'y aking payayaunin, at di ko na kayo bibinbinin.
29 Sinabi ni Moises sa kaniya, “Sa oras na umalis ako sa lungsod, ilalatag ko ang aking mga kamay kay Yahweh. Titigil na ang kulog at wala ng anumang ulang may yelo. Sa ganitong paraan malalaman mo na pag-aari ni Yahweh ang mundo.
At sinabi ni Moises sa kaniya, Pagkalabas ko sa bayan, ay aking ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anomang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa'y sa Panginoon.
30 Pero para sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi niyo talaga ginagalang si Yahweh na Diyos.”
Nguni't tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, ay nalalaman ko, na di pa kayo matatakot sa Panginoong Dios.
31 Ngayon ang mga lino at sebada ay nasira, dahil ang uhay magulang na sa tangkay at namumulaklak na ang lino.
At ang lino at ang cebada ay nasaktan; sapagka't ang cebada ay naguuhay na at ang lino ay namumulaklak na.
32 Pero ang trigo at ang espelta ay hindi nasalanta dahil huli itong tumubo.
Datapuwa't ang trigo at ang espelta ay hindi nasaktan: sapagka't hindi pa tumutubo.
33 Nang umalis si Moises kay Paraon at sa lungsod, inilatag niya ang kaniyang mga kamay kay Yahweh; tumigil ang kulog at ulang may yelo, at ang ulan ay hindi na bumuhos pa.
At si Moises ay lumabas sa bayan na galing kay Faraon, at inilahad ang kaniyang mga kamay sa Panginoon: at ang mga kulog at ang granizo ay tumigil, at ang ulan ay di na lumagpak sa lupa.
34 Nang nakita ni Paraon na ang ulan, ang ulang may yeloo at kulog ay humupa na, muling nagkasala siya at pinatigas ang kaniyang puso, kasama ang kaniyang mga lingkod.
At nang makita ni Faraon, na ang ulan, at ang granizo, at ang mga kulog ay tumigil, ay lalong nagkasala pa, at nagmatigas ang kaniyang puso, siya at ang kaniyang mga lingkod.
35 Pinatigas ang puso ni Paraon, kaya hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel. Ito ang paraan na sinabi ni Yahweh kay Moises na ito ang gagawin ni Paraon.
At ang puso ni Farao'y nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel; gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

< Exodo 9 >