< Exodo 6 >

1 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ngayon makikita mo kung ano ang gagawin ko kay Paraon. Makikita mo ito, dahil hahayaan niya na sila ay umalis dahil sa aking malakas na kamay. Dahil sa kamay kong makapangyarihan, sila ay kaniyang palalayasin sa kaniyang lupain.”
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ngayo'y iyong makikita kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagka't sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay payayaunin niya sila, at sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay palalayasin niya sila sa kaniyang lupain.
2 Kinausap ng Diyos si Moises at sinabi sa kaniya, “Ako si Yahweh.
At ang Dios ay nagsalita kay Moises, at nagsabi sa kaniya, Ako'y si Jehova.
3 Nagpakita ako kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan; pero sa pamamagitan ng aking pangalang Yahweh, ay hindi ako nahayag sa kanila.
At ako'y napakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob na Dios na Makapangyarihan sa lahat; nguni't sa pamamagitan ng aking pangalang Jehova, noon ay hindi ako napakilala sa kanila.
4 Itinatag ko rin sa kanila ang aking tipan, para ibigay sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain na kung saan sila ay nanirahan bilang hindi mamamayan, ang lupain kung saan sila ay lumibot.
At akin ding pinapagtibay ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain ng kanilang pakikipamayan, na kanilang pinakipamayanan.
5 Dagdag pa doon, narinig ko ang mga daing ng mga Israelita na siyang inalipin ng mga taga-Ehipto, at inalala ko ang aking tipan sa kanila.
At bukod dito'y aking narinig ang hibik ng mga anak ni Israel na mga binibinbin ng mga Egipcio sa pagkaalipin; at aking naalaala ang aking tipan.
6 Kaya, sabihin sa mga Israelita, 'Ako si Yahweh. Dadalhin ko kayo palabas mula sa pagkaalipin sa ilalim ng mga taga-Ehipto, at palalayain ko kayo mula sa kanilang kapangyarihan. Kayo ay aking ililigtas sa pagpapakita ng aking kapangyarihan, at makapangyarihang mga gawa ng paghatol.
Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ako'y si Jehova at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may unat na kamay at may mga dakilang kahatulan:
7 Dadalhin ko kayo sa aking sarili bilang aking bayan, at ako ay inyong magiging Diyos. Malalaman ninyo na ako si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagdala sa inyo palabas mula sa pagkaalipin sa ilalim ng mga taga-Ehipto.
At kayo'y aking aariin na pinakabayan ko at ako'y magiging sa inyo'y Dios, at inyong makikilala na ako'y si Jehova ninyong Dios, na naglalabas sa inyo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio.
8 Dadalhin ko kayo sa lupain na aking sinumpaan para ibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang isang pag-aari. Ako si Yahweh.'”
At aking dadalhin kayo sa lupain, na siyang pinagtaasan ko ng aking kamay na aking ibibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; at aking ibibigay sa inyo na pinakamana: ako'y si Jehova.
9 Nang sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ayaw nilang makinig sa kaniya dahil sa pagkasira ng kanilang loob dahil sa lupit ng kanilang pagkaalipin.
At sinalitang gayon ni Moises sa mga anak ni Israel; datapuwa't hindi sila nakinig kay Moises, dahil sa yamot, at dahil sa mabagsik na pagkaalipin.
10 Kaya nakipag-usap si Yahweh kay Moises at sinabing,
At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
11 “Pumunta ka at sabihan si Paraon, ang hari ng Ehipto, na hayaang umalis ang bayan ng Israel mula sa kaniyang lupain.”
Pumasok ka, salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, na kaniyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.
12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Kung ang mga Israelita ay hindi nakinig sa akin, bakit makikinig si Paraon sa akin, gayong hindi ako magaling sa pagsasalita?”
At si Moises ay nagsalita sa harap ng Panginoon, na sinasabi, Narito ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang si Faraon ay makikinig sa akin, na ako'y may mga labing di tuli?
13 Nagsalita si Yahweh kay Moises at kay Aaron. Nagbigay siya ng kautusan para sa mga Israelita at para kay Paraon, ang hari ng Ehipto, na dalahin ang mga Israelita palabas sa lupain ng Ehipto.
At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila hinggil sa mga anak ni Israel, at kay Faraon, na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto.
14 Ito ay ang mga pinuno sa mga bahay ng kanilang mga ama. Mga anak na lalaki ni Ruben, ang panganay ni Israel, sina Hanoch, si Phallu, si Hezron, at si Carmi. Ang mga ito ay ang angkan ng mga ninuno ni Ruben.
Ito ang mga pangulo sa mga angkan ng kanilang mga magulang; ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi: ito ang mga angkan ni Ruben.
15 Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, si Jamin, si Ohad, si Jachin, si Zohar, at si Shaul—ang anak na lalaki sa isang babaeng Cananeo. Ang mga ito ay ang angkan ng mga ninuno ni Simeon.
At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zoar, at si Saul na anak sa isang babaing taga Canaan: ito ang mga angkan ni Simeon.
16 Narito ang naitalang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Levi, kasama ng kanilang mga kaapu-apuhan. Sila ay sina Gerson, Kohath, at Merari. Nabuhay si Levi hanggang siya ay 137 taong gulang.
At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang lahi; si Gerson, at si Coath, at si Merari; at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlong pu't pitong taon.
17 Ang mga anak na lalaki ni Gerson ay sina Libni at Shimi.
Ang mga anak ni Gerson; si Libni at si Shimi, ayon sa kanikanilang angkan.
18 Ang mga anak na lalaki ni Kohath ay sina Amram, Izhar, Hebron at Uzziel. Si Kohath ay nabuhay hanggang siya ay 133 taong gulang.
At ang mga anak ni Coath; si Amram, at si Izhar, at si Hebron, at si Uzziel; at ang mga naging taon ng buhay ni Coath ay isang daan at tatlong pu't tatlong taon.
19 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahali at Musi. Ang mga ito ang naging mga ninunong angkan ng mga Levita, kasama ng kanilang mga kaapu-apuhan.
At ang mga anak ni Merari; si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa kanilang lahi.
20 Napangasawa ni Amram si Jochebed, ang kapatid na bababe ng kaniyang ama. Ipinanganak niya sina Aaron at Moises. Si Amram ay nabuhay ng 137 taon at pagkatapos ay namatay.
At nagasawa si Amram kay Jochebed na kapatid na babae ng kaniyang ama, at ipinanganak nito sa kaniya si Aaron at si Moises: at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlong pu't pitong taon.
21 Ang mga anak na lalaki ni Izhar ay sina Korah, Nepheg, at Zithri.
At ang mga anak ni Izhar; si Cora, at si Nepheg, at si Zithri.
22 Ang mga anak na lalaki ni Uzziel ay sina Misael, si Elzaphan, at si Zithri.
At ang mga anak ni Uzziel; si Misael, at si Elzaphan, at si Zithri.
23 Napangasawa ni Aaron si Elisheba, anak na babae ni Aminadab, na kapatid na babae ni Naashon. Ipinanganak niya sina Nadab at Abiu, si Eleazar at Ithamar.
At nagasawa si Aaron kay Elisabeth, na anak ni Aminadab, na kapatid ni Naason; at ipinanganak nito sa kaniya si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar.
24 Ang mga anak na lalaki ni Cora ay sina, Assir, Elcana, at Abiasaph. Ito ang mga ninunong angkan ng mga Corita.
At ang mga anak ni Cora; si Assir, at si Elcana, at si Abiasaph; ito ang mga angkan ng mga Corita.
25 Si Eleazar, na anak na lalaki ni Aaron, ay napangasawa ang isa sa mga anak na babae ni Putiel. Ipinanganak niya si Finehas. Ito ang mga pinuno sa bahay ng mga ama sa gitna ng mga Levita, kabilang ng kanilang mga kaapu-apuhan.
At si Eleazar na anak ni Aaron, ay nagasawa sa isa sa mga anak ni Phutiel; at ipinanganak niya si Phinees. Ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.
26 Ang dalawang lalaking ito ay sina Aaron at Moises kung kanino sinabi ni Yahweh, “Dalhin palabas ang mga Israelita mula sa lupain ng Ehipto, sa pamamagitan ng kanilang mga pangkat ng mga lalaking mandirigma.”
Ito'y yaong si Aaron at si Moises, na siyang pinagsabihan ng Panginoon. Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupaing Egipto ayon sa kanilang mga hukbo.
27 Nakipag-usap si Aaron at si Moises kay Paraon, ang hari ng Ehipto, para pahintulutan silang mailabas ang mga Israelita mula sa Ehipto. Ang mga ito pa rin ay sina Moises at Aaron.
Ito ang mga nagsalita kay Faraon na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Egipto: ang mga ito'y si Moises at si Aaron.
28 Nang nagsalita si Yahweh kay Moises sa lupain ng Ehipto,
At nangyari ng araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Egipto,
29 sinabi niya sa kaniya, “Ako si Yahweh. Sabihin mo kay Paraon, ang hari ng Ehipto, lahat ng sasabihin ko sa iyo.”
Na sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, Ako nga ang Panginoon; salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, ang lahat ng aking sinasalita sa iyo.
30 Pero sinabi ni Moises kay Yahweh, “Hindi ako magaling sa pagsasalita, kaya bakit makikinig si Paraon sa akin?”
At sinabi ni Moises sa harap ng Panginoon, Narito ako'y may mga labing di tuli, at paanong si Faraon ay makikinig sa akin?

< Exodo 6 >