< Mangangaral 6 >

1 Mayroon akong nakitang masama sa ilalim ng araw, at ito ay malubha para sa mga tao.
May kasamaan na nakita ako sa ilalim ng araw, at mabigat sa mga tao:
2 Maaaring magbigay ang Diyos ng kayamanan, kasaganaan at karangalan sa isang tao upang hindi siya magkulang sa mga hinahangad niya para sa kaniyang sarili, ngunit pagkatapos, hindi ibibigay ng Diyos ang kakayahan upang magsaya sa mga ito. Sa halip, iba pa ang makikinabang ng kaniyang mga kagamitan. Ito ay parang singaw, isang masamang kalungkutan.
Ang tao na binibigyan ng Dios ng mga kayamanan, pag-aari, at karangalan, na anopa't walang kulang sa kaniyang kaluluwa sa lahat niyang ninanasa, gayon ma'y hindi binibigyan siya ng Dios ng kapangyarihan na kumain niyaon, kundi iba ang kumakain niyaon; ito'y walang kabuluhan, at masamang sakit.
3 Kung ang isang lalaki ay maging ama ng isang daang anak at mabuhay ng maraming taon, sa gayon ang mga araw ng kaniyang mga taon ay marami, ngunit kung hindi nasiyahan ang kaniyang puso sa kabutihan at siya ay hindi inilibing nang may karangalan, kaya aking sasabihin na ang isang sanggol na patay ipinanganak ay mas mabuti pa kaysa sa kaniya.
Kung ang isang tao ay magkaanak ng isang daan, at mabuhay na maraming taon, na anopa't ang mga kaarawan ng kaniyang mga taon ay dumami, nguni't ang kaniyang kaluluwa ay hindi mabusog ng mabuti, at bukod dito ay wala siyang pangpalibing; aking sinasabing maigi ang isang naagas kay sa kaniya:
4 Kahit pa ang isang sanggol ay isinilang nang walang kabuluhan at mamamatay sa kadiliman at ang kaniyang pangalan ay mananatiling lihim.
Sapagka't dumarating na walang kabuluhan, at yumayaon sa kadiliman, at ang pangalan niyaon ay natatakpan ng kadiliman;
5 Kahit hindi na nakita ng batang ito ang araw o nalaman ang anumang bagay, ito ay may kapahingahan bagaman ang taong iyon ay wala.
Bukod dito ay hindi nakita ang araw o nakilala man; ito'y may kapahingahang maigi kay sa isa;
6 Kahit mabubuhay ang isang tao ng dalawang libong taon ngunit hindi matutunang matuwa sa mabuting mga bagay, mapupunta siya sa parehong lugar kagaya ng iba pa.
Oo, bagaman siya'y mabuhay na isang libong taon na makalawang masaysay, at hindi man nagalak na mabuti: hindi ba nagsisiyaon ang lahat sa iisang dako?
7 Kahit na lahat ng gawain ng isang tao ay para punuin ang kaniyang bibig, gayon man ang kaniyang gana sa pagkain ay hindi mapupunan.
Lahat ng gawa ng tao ay para sa kaniyang bibig, at gayon ma'y ang panglasa ay hindi nasisiyahan.
8 Kaya, anong pakinabang mayroon ang matalinong tao na higit pa sa hangal? Anong pakinabang mayroon ang isang mahirap na tao kahit pa malaman niya kung paano kumilos sa harapan ng iba?
Sapagka't anong pakinabang mayroon ang pantas na higit sa mangmang? o anong pakinabang mayroon ang dukha na maalam lumakad sa harap ng mga buhay?
9 Mabuti pang masiyahan sa nakikita ng mga mata kaysa sa paghahangad ng isang lumalawak na pananabik sa pagkain, na para ring singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.
Maigi ang paningin ng mga mata kay sa pagdidilidili; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
10 Anumang bagay ang naririto ay nabigyan na ng kaniyang pangalan, at nalalaman na kung ano ang katulad ng sangkatauhan. Kaya walang saysay makipagtalo sa isang makapangyarihang hukom ng lahat.
Anomang nangyari, ang pangalan niyaon ay natawag nang malaon, at kilala na siya'y tao: ni hindi maaaring makipagtalo siya sa lalong makapangyarihan kay sa kaniya.
11 Kapag mas maraming sinasabi, lalong walang kabuluhan, kaya ano nga ba pakinabang niyan sa isang tao?
Yamang maraming bagay na nangagdaragdag ng walang kabuluhan, ano ang lalong ikinaigi ng tao?
12 Dahil sino ang nakakaalam ng mabuti sa buhay ng tao sa kaniyang walang kabuluhan at bilang na mga araw na kaniyang dadaanan tulad ng isang anino? Sino ang makapagsasabi sa isang tao kung ano ang sasapitin sa ilalim ng araw pagkatapos siyang mamatay?
Sapagka't sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao sa kaniyang buhay, lahat ng mga kaarawan ng kaniyang walang kabuluhang buhay na kaniyang ginugol na gaya ng anino? sapagka't sinong makapagsasaysay sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?

< Mangangaral 6 >