< Deuteronomio 7 >

1 Kapag dinala kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin at paalisin ang maraming mga bansa sa inyong harapan - ang mga anak ni Heth, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, ang mga Canaaneo, ang mga Perezeo, ang mga Heveo at ang mga Jebuseo-pitong bansang lalong malaki at malalakas kaysa sa inyo;
Pagka ipapasok ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinaroroonan upang ariin, at palalayasin ang maraming bansa sa harap mo, ang Hetheo, at ang Gergeseo at ang Amorrheo, at ang Cananeo, at ang Pherezeo, at ang Heveo, at ang Jebuseo, na pitong bansang lalong malalaki at mga lalong makapangyarihan kay sa iyo;
2 at kapag bibigyan kayo ni Yahweh na inyong Diyos ng katagumpayan sa kanila kapag nakita ninyo sila sa digmaan, dapat ninyo silang salakayin, pagkatapos dapat ganap ninyo sila wasakin. Hindi kayo gagawa ng tipan sa kanila, ni magpakita ng awa sa kanila.
At pagka sila'y ibibigay sa harap mo ng Panginoon mong Dios, at iyong sasaktan sila; ay lubos mo ngang lilipulin sila; huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mong pagpakitaan ng kaawaan sila:
3 Ni naisin ninyo na makipag-ayos ng kasal sa kanila; hindi ninyo ibibigay ang inyong mga anak na mga babae sa kanilang mga anak na lalaki, at hindi ninyo kukunin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki.
Ni magaasawa sa kanila; ang iyong anak na babae ay huwag mong papag-aasawahin sa kaniyang anak na lalake, ni ang kaniyang anak na babae, ay huwag mong papag-aasawahin sa iyong anak na lalake.
4 Dahil ilalayo nila ang inyong mga anak na lalaki mula sa pagsunod sa akin, para sambahin nila ang ibang mga diyos. Kaya ang galit ni Yahweh ay magsisiklab laban sa inyo at wawasakin niya kayo agad.
Sapagka't kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalake sa pagsunod sa akin, upang sila'y maglingkod sa ibang mga dios: sa gayo'y magaalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at kaniyang lilipulin kang madali.
5 Ganito kayo makikipagkasundo sa kanila: Sisirain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang sagradong poste ng pira-piraso, ibagsak ang kanilang mga posteng Asera at sunugin ang kanilang hinulmang mga diyus-diyosan.
Kundi ganito ang inyong gagawin sa kanila; inyong igigiba ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera, at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan.
6 Dahil kayo ang isang bansa na hiniwalay ni Yahweh na inyong Diyos. Pinili niya kayo para maging isang lahi para sa kaniya para angkinin, higit pa sa lahat na mukha ng ibabaw ng lupa.
Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.
7 Hindi itinakda ni Yahweh ang pagmamahal niya sa inyo o pinili niya kayo dahil mas marami ang bilang ninyo kaysa sinuman sa mga tao- dahil kayo ang pinaka-konti sa lahat—
Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alin mang bayan; sapagka't kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan:
8 pero dahil minamahal niya kayo at ninais niya na manatili ang pangako niya sa inyong mga ama. Ito ang dahilan kung bakit si Yahweh ay inilabas kayo sa isang makapangyarihang kamay at itinubos kayo palabas sa bahay ng pagkakaalipin, mula sa kamay ng Paraon, hari ng Ehipto.
Kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang, ay inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto.
9 Kaya kilalanin si Yahweh na inyong Diyos— siya ay Diyos, ang tapat na Diyos, na nagpapanatili ng mga tipan at katapatan sa isang libong salinlahi sa mga nagmamahal sa kaniya at nagpapanatili ng kaniyang mga utos,
Talastasin mo nga, na ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios: ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi;
10 pero pagbabayarin silang mga nagagalit sa kaniya sa kanilang harapan, para wasakin sila; hindi siya magiging maawain sa sinumang galit sa kaniya; gagantihan niya sila sa harapan niya.
At pinanghihigantihan sa kanilang mukha, ang mga napopoot sa kaniya, upang lipulin: siya'y hindi magpapaliban doon sa napopoot sa kaniya, kaniyang panghihigantihan sa kaniya ring mukha.
11 Kaya susundin ninyo ang kaniyang mga utos, ang mga batas, at ang mga kautusan na inuutos ko sa inyo sa araw na ito, para gawin ninyo ang mga ito.
Iyo ngang iingatan ang utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, na iyong ganapin.
12 Kung pakikinggan ninyo mga kautusang ito at susundin at gawin ang mga ito, pananatilihin ni Yahweh na inyong Diyos ang kaniyang tipan sa inyo at ang katapatan na ipinangako niya sa inyong mga ama.
At mangyayari, na sapagka't iyong dininig ang mga kahatulang ito, at iyong tinutupad at iyong ginaganap, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang tipan, at igagawad ang kagandahang-loob, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang:
13 Mamahalin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo; pagpapalain niya rin ang bunga ng inyong mga katawan at bunga ng inyong lupain, inyong butil, inyong bagong alak, at ang inyong langis, ang pagpaparami ng inyong mga baka at ang inyong mga batang kawan, sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ama na ibibigay niya sa inyo.
At kaniyang iibigin ka, at pagpapalain ka, at padadamihin ka: kaniya rin namang pagpapalain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, upang ibigay sa iyo.
14 Pagpapalain kayo ng higit pa sa lahat ng iba mga tao; Wala isa mang lalaki na walang anak o isang baog na babae sa inyo o sa inyong mga hayop.
Magiging mapalad ka kay sa lahat ng mga bayan: walang magiging baog na babae o lalake sa inyo o sa inyong mga hayop.
15 Tatanggalin ni Yahweh ang lahat ng sakit; walang masasamang mga sakit na mula sa Ehipto ang mailalagay niya sa inyo, pero ilalagay niya ito sa kanila na galit sa inyo.
At ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit: at wala siyang ihuhulog sa inyo sa masamang sakit sa Egipto, na iyong nalalaman, kundi ihuhulog niya sa lahat ng nangapopoot sa iyo.
16 Uubusin ninyo ang lahat ng mga lahi na binigay ni Yahweh na inyong Diyos na mapagtagumpayan, at sa inyong mata hindi ninyo sila kakaawaan. At hindi ninyo sasambahin ang kanilang mga diyos, dahil iyon ay magiging isang bitag sa inyo.
At iyong lilipulin ang lahat ng mga bayan na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios; ang iyong mata ay huwag mahahabag sa kanila; ni huwag kang maglilingkod sa kanilang mga dios; sapagka't magiging isang silo sa iyo.
17 Kung sasabihin ninyo sa inyong puso, 'Itong mga bansa ay mas marami kaysa sa akin, papaano ko sila maaaring tatalunin?'—
Kung iyong sasabihin sa iyong puso, Ang mga bansang ito ay higit kay sa akin; paanong aking makakamtan sila?
18 huwag kayong matakot sa kanila; alalahanin ninyo sa inyong isipan kung ano ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Paraon at sa buong Ehipto;
Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Faraon, at sa buong Egipto.
19 ang mga matinding paghihirap na nakita ng inyong mga mata, ang mga palatandaan, ang mga kababalaghan, ang kamay na makapangyarihan, at ang pagpapakita ng kapangyarihan sa pamamagitan ni Yahweh sa pamamagitan ng pagpapalabas sa inyo. Gagawin ulit ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng mga taong kinakatakutan ninyo.
Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, at ang mga tanda, at ang mga kababalaghan, at ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig, na ipinaglabas sa iyo ng Panginoon mong Dios: ay gayon ang gagawin ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bayan na iyong kinatatakutan.
20 Bukod pa dito, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng putakti sa kanila hanggang sa sinumang maiwan at kung sino sa kanila ang nagtatago ay masasawi mula sa inyong presensya.
Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Dios ang malaking putakti hanggang sa ang nangaiiwan, at nangagtatago ay mamatay sa harap mo.
21 Huwag ninyo silang katakutan sapagkat si Yahweh ay kasama ninyo, isang dakila at kinakatakutang Diyos.
Huwag kang masisindak sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, dakilang Dios at kakilakilabot.
22 Si Yahweh na inyong Diyos ay aalisin ang mga bansa sa harapan ninyo ng unti-unti. Hindi ninyo matatalo silang lahat ng mabilisan, o ang mga mabangis na mga hayop na lalong darami sa palibot ninyo.
At itataboy na untiunti ng Panginoon mong Dios ang mga bansang yaon sa harap mo: hindi mo malilipol silang paminsan, baka ang mga hayop sa parang ay kumapal sa iyo.
23 Pero si Yahweh na inyong Diyos ay bibigyan kayo ng katagumpayan kapag nakita ninyo sila sa labanan; labis niya sila lilinlangin hanggang sila ay mawasak.
Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo, at pagtataglayin sila ng isang malaking kalituhan hanggang sa sila'y mangalipol.
24 Ilalagay niya ang kanilang mga hari sa ilalim ng inyong kapangyarihan, at buburahin ang kanilang pangalan mula sa ilalim ng langit. Walang sinuman ang maaaring tumayo sa harapan ninyo, hanggang sa mawasak ninyo sila.
At kaniyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa silong ng langit: walang lalaking makatatayo doon sa harap mo, hanggang sa iyong malipol sila.
25 Susunugin ninyo ang mga inukit na hugis ng kanilang diyos; huwag ninyong naisin ang pilak o ginto na nakabalot dito na gusto ninyong makuha para sa inyong sarili, at mabibitag kayo sa pamamagitan nito; dahil kamuhi-muhi ito kay Yahweh na inyong Diyos.
Ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios ay iyong susunugin sa apoy: huwag mong iimbutin ang pilak o ang ginto na nasa mga yaon, ni huwag mong kukunin para sa iyo, baka sa iyo'y maging silo: sapagka't ito'y isang karumaldumal sa Panginoon mong Dios.
26 Wala kayong dadalhin na anumang nakakasuklam na bagay sa loob ng inyong bahay at simulang sambahin ito. Tiyak na kamumuhian at kasusuklaman ninyo ito, dahil ito ay inihiwalay para wasakin.
At huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, at baka ikaw ay maging itinalaga na gaya niyaon: iyong lubos na kapopootan at iyong lubos na kasusuklaman, sapagka't itinalagang bagay.

< Deuteronomio 7 >