< Deuteronomio 18 >

1 Ang mga pari, na mga Levita, at ang lahat ng lipi ni Levi, ay walang bahagi ni pamana sa Israel; dapat nilang kainin ang mga handog kay Yahweh na gawa sa apoy bilang kanilang pamana.
Ang mga saserdote na mga Levita, ang buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel; sila'y kakain ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ng kaniyang mana.
2 Dapat wala silang pamana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki; si Yahweh ang kanilang pamana, gaya ng sinabi niya sa kanila.
At sila'y hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang Panginoon ang kanilang mana, gaya ng sinalita niya sa kanila.
3 Ito ang magiging bahagi ng mga nakatakdang pari mula sa mga tao, mula sa kanila na naghahandog ng isang alay, maging ito ay mga baka o tupa: dapat nilang ibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang mga lamanloob.
At ito ang magiging karampatan ng mga saserdote sa bayan, sa kanila na naghahandog ng hain, maging baka o tupa, na kanilang ibibigay sa saserdote ang balikat, at ang dalawang pisngi, at ang sikmura.
4 Ang mga unang bunga ng inyong butil, ng inyong bagong alak, at ng inyong langis, at ang unang balahibo ng inyong tupa, dapat ninyong ibigay sa kaniya.
Ang mga unang bunga ng iyong trigo, ng iyong alak, at ng iyong langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa, ay ibibigay mo sa kaniya.
5 Dahil pinili siya ni Yahweh na inyong Diyos mula sa lahat ng inyong lipi para tumayong maglingkod sa pangalan ni Yahweh, siya at ang kaniyang mga anak na lalaki magpakailanman.
Sapagka't pinili siya ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong mga lipi, upang tumayong mangasiwa sa pangalan ng Panginoon, siya at ang kaniyang mga anak magpakailan man.
6 Kung may isang Levita na dumating mula sa alinman sa inyong mga bayan na mula sa buong Israel kung saan siya namumuhay, at nagnanais ng buong kaluluwa na siya'y pumunta sa lugar na pipiliin ni Yahweh,
At kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga pintuang-daan ng buong Israel na kaniyang pinakikipamayanan at pumaroon ng buong nasa ng kaniyang kaluluwa sa dakong pipiliin ng Panginoon;
7 sa gayon dapat siyang maglingkod sa pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos gaya ng ginagawa ng lahat ng kaniyang kapatid na Levita, na siyang tumayo roon sa harapan ni Yahweh.
Ay mangangasiwa nga siya sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kaniyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo roon sa harap ng Panginoon.
8 Dapat silang magkaroon ng parehong bahagi para kainin, bukod sa kung ano ang dumating mula sa pinagbilhan ng pamana ng kaniyang pamilya.
Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakanin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kaniyang ama.
9 Kapag nakarating kayo sa lupaing ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo, hindi ninyo dapat matutunan ang mga kasuklam-suklam na bagay ng mga bansang iyon.
Pagpasok mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag kang magaaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal ng mga bansang yaon.
10 Walang dapat na makitang isa sa inyo na ginagawang padaanin ang kaniyang anak na lalaki o kaniyang anak na babae sa apoy, sinumang gumagawa ng panghuhula, sinumang nagsasanay ng hula, o alinmang mang-aakit, o alinmang mangkukulam,
Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway,
11 alinmang manggagayuma, sinumang nakipag-usap sa patay, o sinumang nakikipag-usap sa mga espiritu.
O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay.
12 Dahil ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh; dahil sa mga kasuklam-suklam na bagay na ito palalayasin sila ni Yahweh na inyong Diyos mula sa inyong harapan.
Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.
13 Wala dapat kayong bahid ng kasalanan sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos.
Ikaw ay magpapakasakdal sa Panginoon mong Dios.
14 dahil ang mga bansang ito na inyong sasakupin ay nakikinig sa mga taong gumagawa ng pangkukulam at panghuhula; pero para sa inyo, hindi kayo pinayagan ni Yahweh na inyong Diyos na gawin iyon.
Sapagka't ang mga bansang ito, na iyong aariin, ay nakikinig sa kanila na nagmamasid ng mga pamahiin, at sa mga manghuhula: nguni't tungkol sa iyo, ay hindi pumayag ang Panginoon mong Dios na gawin mo.
15 Magtatatag si Yahweh na inyong Diyos ng isang propeta para sa inyo na mula sa inyo, isa sa inyong mga kapatid, katulad ko. Dapat kayong makinig sa kaniya.
Palilitawin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang isang propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa kaniya kayo makikinig;
16 Ito ang inyong hiningi mula kay Yahweh na inyong Diyos sa Horeb ng araw ng pagpupulong, sa pagsasabing, 'Huwag nating hayaang marinig muli ang boses ni Yahweh na ating Diyos, ni makita pa man ang malaking apoy na ito, o tayo ay mamamatay.'
Ayon sa lahat ng iyong ninasa sa Panginoon mong Dios sa Horeb, sa araw ng kapulungan, na sinasabi, Huwag mong iparinig uli sa akin ang tinig ng Panginoon kong Dios, ni ipakita pa sa akin itong dakilang apoy, upang huwag akong mamatay.
17 Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Ang kanilang sinabi ay mabuti.
At sinabi ng Panginoon sa akin, Mabuti ang kanilang pagkasabi ng kanilang salitain.
18 Magtatatag ako ng isang propeta para sa kanila mula sa kanilang mga kapatid, na katulad mo. Ilalagay ko ang aking mga salita sa kaniyang bibig, at sasabihin niya sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa kanila.
Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.
19 Mangyayari ito kung mayroong hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi niya sa aking pangalan, hihingin ko ito sa kaniya.
At mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking sisiyasatin yaon sa kaniya.
20 Pero ang propetang magsasalita nang may kayabangan sa aking pangalan, isang salita na hindi ko iniutos sa kaniya na sabihin, o magsalita sa pangalan ng ibang mga diyus-diyosan, ang propetang iyan ay dapat na mamatay.'
Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon.
21 Kung sasabihin ninyo sa inyong puso, 'Paano natin makikilala ang isang mensahe na hindi sinabi ni Yahweh?'—
At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon?
22 kapag magsasalita ang isang propeta sa pangalan ni Yahweh, kung ang bagay na iyon ay hindi maganap ni mangyari, kung gayon iyon ay isang bagay na hindi sinabi ni Yahweh; sinasabi ito ng propeta ng may kayabangan, at hindi kayo dapat matakot sa kaniya.
Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.

< Deuteronomio 18 >