< Daniel 9 >

1 Si Dario ay ang anak ni Assuero, isang kaapu-apuhan ng Medo. Ito ay si Dario na ginawang hari sa buong kaharian ng mga taga-Babilonia.
Nang unang taon ni Dario na anak ni Assuero, sa lahi ng mga taga Media, na ginawang hari sa kaharian ng mga taga Caldea;
2 Ngayon sa unang taon ng paghahari ni Dario, ako si Daniel, ay pinag-aaralan ko ang mga aklat na naglalaman ng salita ni Yahweh, ang salitang dumating kay Jeremias na propeta. Napag-aralan kong may pitumpung taon hanggang sa matapos ang pagpapabaya sa Jerusalem.
Nang unang taon ng kaniyang paghahari akong si Daniel ay nakaunawa sa pamamagitan ng mga aklat, ng bilang ng mga taon, na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, dahil sa pagkaganap ng pagkasira ng Jerusalem, pitong pung taon.
3 Iniharap ko ang aking mukha sa Panginoong Diyos, upang hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin at mga kahilingan, ng pag-aayuno, at pagsuot ng magaspang na tela at pag-upo sa mga abo.
At aking itiningin ang aking mukha sa Panginoong Dios upang humanap sa pamamagitan ng panalangin at ng mga samo, ng pagaayuno, at pananamit ng magaspang, at ng mga abo.
4 Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos, at ipinahayag ko ang aming mga kasalanan. Sinabi ko, “Nagsusumamo ako sa iyo, Panginoon, ikaw ay dakila at kahanga-hangang Diyos na siyang tumutupad ng kasunduan at tapat sa mga umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga kautusan.
At ako'y nanalangin sa Panginoon kong Dios, at ako'y nagpahayag ng kasalanan, at nagsabi, Oh Panginoon, Dios na dakila at kakilakilabot, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa iyo at nangagiingat ng iyong mga utos,
5 Nagkasala kami at gumawa ng mali. Gumawa kami ng masama at kami ay naghimagsik, tumalikod mula sa iyong mga kautusan at mga atas.
Kami ay nangagkasala, at nangagasal ng kasuwalian, at nagsigawang may kasamaan, at nanganghimagsik, sa makatuwid baga'y nagsitalikod sa iyong mga utos at sa iyong mga kahatulan;
6 Hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na propetang nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga pinuno, sa aming mga ninuno at sa lahat ng tao sa lupain.
Na hindi man kami nangakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nangagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga magulang, at sa buong bayan ng lupain.
7 Sa iyo ang katuwiran, Panginoon. Gayunman sa amin ngayon, ang kahihiyan ay sa aming mga mukha—para mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa lahat ng taga-Israel. Kasama ng mga ito ang mga malapit at malayo sa buong lupain kung saan mo sila ikinalat. Ito ay dahil sa labis na pagtataksil na ginawa namin laban sa iyo.
Oh Panginoon, katuwira'y ukol sa iyo, nguni't sa amin ay pagkagulo ng mukha gaya sa araw na ito; sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa buong Israel, na malapit, at malayo, sa lahat na lupain na iyong pinagtabuyan dahil sa kanilang pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa iyo.
8 Sa amin, Yahweh, ang kahihiyan ay sa aming mga mukha—para sa aming mga hari, sa aming mga pinuno at sa aming mga ninuno—dahil nagkasala kami laban sa iyo.
Oh Panginoon, sa amin nauukol ang pagkagulo ng mukha, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga magulang, sapagka't kami ay nangagkasala laban sa iyo.
9 Sa aming Panginoong Diyos ang pinanggagalingan nang habag at kapatawaran, sapagkat naghimagsik kami laban sa kaniya.
Sa Panginoon naming Dios ukol ang kaawaan at kapatawaran; sapagka't kami ay nanganghimagsik laban sa kaniya;
10 Hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos sa pamamagitan ng paglakad sa kaniyang mga kautusan na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na mga propeta.
Ni hindi man namin tinalima ang tinig ng Panginoon naming Dios, upang lumakad ng ayon sa kaniyang mga kautusan, na kaniyang inilagay sa harap namin sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na propeta.
11 Lahat ng taga-Israel ay lumabag sa iyong mga utos at tumalikod sa iyong mga kautusan, tinatanggihang sundin ang iyong tinig. Ang sumpa at mga panunumpa na naisulat sa kautusan ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay naibuhos sa amin, sapagkat nagkasala kami laban sa kaniya.
Oo, buong Israel ay sumalangsang ng iyong kautusan, sa pagtalikod, upang huwag nilang talimahin ang iyong tinig: kaya't ang sumpa ay nabuhos sa amin, at ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios; sapagka't kami ay nangagkasala laban sa kaniya.
12 Pinatunayan ni Yahweh ang mga salitang kaniyang sinabi laban sa amin at laban sa mga namumuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan. Sapagkat sa ilalim ng kabuuan ng langit wala pang nangyaring anumang bagay na maaaring ihambing sa kung ano ang nangyari sa Jerusalem.
At kaniyang pinagtibay ang kaniyang mga salita, na kaniyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga hukom na nagsihatol sa amin, sa pagbabagsak sa amin ng malaking kasamaan; sapagka't sa silong ng buong langit ay hindi ginawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem.
13 Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, dumating ang lahat ng kapahamakan sa amin, ngunit hindi parin kami nagmakaawa mula kay Yahweh na aming Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod mula sa aming mga kalikuan at bigyang pansin ang iyong katotohanan.
Kung ano ang nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kasamaang ito'y nagsidating sa amin: gayon ma'y hindi namin idinalangin ang biyaya ng Panginoon naming Dios, upang aming talikuran ang aming mga kasamaan, at gunitain ang iyong katotohanan.
14 Samakatwid inihanda ni Yahweh ang kapahamakan at dinala ito sa amin, sapagkat matuwid si Yahweh na ating Diyos sa lahat ng mga gawang kaniyang ginagawa, ngunit hindi parin natin sinunod ang kaniyang tinig.
Kaya't iniingatan ng Panginoon ang kasamaan, at ibinagsak sa amin; sapagka't ang Panginoon naming Dios ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga gawa na kaniyang ginagawa, at hindi namin dininig ang kaniyang tinig.
15 Ngayon, Panginoon na aming Diyos, inilabas mo ang iyong mga tao mula sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay, at gumawa ka ng tanyag na pangalan para sa iyong sarili, maging sa kasalukuyan. Ngunit nagkasala parin kami; gumawa parin kami ng masasamang bagay.
At ngayon, Oh Panginoon naming Dios, na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ikaw ay nabantog gaya sa araw na ito; kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa na may kasamaan.
16 Panginoon, dahil sa lahat ng iyong mga matuwid na mga gawa, hayaan mong mawala ang iyong galit at ang iyong poot mula sa iyong lungsod na Jerusalem, ang iyong banal na bundok. Dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa kalikuan ng aming mga ninuno, naging isang paksa ng pangungutya ang Jerusalem at ang iyong mga tao sa lahat ng nakapalibot sa amin.
Oh Panginoon, ayon sa iyong buong katuwiran, isinasamo ko sa iyo, na ang iyong galit at kapusukan ay mahiwalay sa iyong bayang Jerusalem, na iyong banal na bundok; sapagka't dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang iyong bayan ay naging kakutyaan sa lahat na nangasa palibot namin.
17 Ngayon, aming Diyos, pakinggan mo ang dalangin ng iyong lingkod at sa kaniyang pagsusumamo para sa habag; para sa iyong kapakanan, Panginoon, pagliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong santuwaryo na pinabayaan.
Kaya nga, Oh aming Dios, iyong dinggin ang panalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang mga samo, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong santuario na sira, alangalang sa Panginoon.
18 Aking Diyos, buksan mo ang iyong mga tainga at makinig; buksan mo ang iyong mga mata at tingnan. Ganap kaming nawasak; tingnan mo ang lungsod na tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan. Hindi kami nagsumamo sa iyo ng tulong dahil sa aming katuwiran, ngunit dahil sa iyong labis na habag.
Oh Dios ko, ikiling mo ang iyong tainga, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga kasiraan, at ang bayan na tinatawag sa iyong pangalan: sapagka't hindi namin inihaharap ang aming mga samo sa harap mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang mga kaawaan.
19 Panginoon makinig! Panginoon magpatawad! Panginoon, magbigay pansin at kumilos ka! Para sa iyong kapakanan, huwag mong ipagpaliban, aking Diyos, sapagkat ang iyong lungsod at ang iyong tao ay tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.”
Oh Panginoon, dinggin mo; Oh Panginoon, patawarin mo; Oh Panginoon, iyong pakinggan at gawin; huwag mong ipagpaliban, alangalang sa iyong sarili, Oh Dios ko, sapagka't ang iyong bayan at ang iyong mga tao ay tinatawag sa iyong pangalan.
20 Habang ako ay nagsasalita—nananalangin at nagpapahayag ng aking mga kasalanan at ang kasalanan ng aking kababayang taga-Israel, at idinudulog ang aking mga kahilingan kay Yahweh na aking Diyos alang-alang sa banal na bundok ng Diyos—
At samantalang ako'y nagsasalita, at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harap ng Panginoon kong Dios dahil sa banal na bundok ng aking Dios;
21 habang ako ay nananalangin, ang lalaking si Gabriel, na nakita ko sa unang pangitain ay mabilis na lumipad pababa sa akin, sa panahon ng pag-aalay sa gabi.
Oo, samantalang ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, na pinalipad ng maliksi, hinipo ako sa panahon ng pagaalay sa hapon.
22 Binigyan niya ako ng pang-unawa at sinabi sa akin, “Daniel, pumunta ako ngayon upang bigyan kita ng kaalaman at pang-unawa.
At kaniya akong tinuruan, at nakipagsalitaan sa akin, at nagsabi, Oh Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at kaunawaan.
23 Nang ikaw ay humihingi ng habag, ibinigay ang atas at pumunta ako upang sabihin sa iyo ang sagot, sapagkat labis kang iniibig. Samakatwid isaalang-alang ang salitang ito at unawain ang pahayag.
Sa pasimula ng iyong mga samo ay lumabas ang utos, at ako'y naparito upang saysayin sa iyo; sapagka't ikaw ay totoong minahal: kaya't gunitain mo ang bagay, at unawain mo ang pangitain.
24 Pito na tig-pipitumpong taon ang iniatas para sa iyong mga tao at sa iyong banal na lungsod upang wakasan ang pagkakasala at wakasan ang kasalanan, upang pagbayaran ang kasamaan, upang dalhin ang walang hanggang katuwiran, upang tuparin ang pangitain at propesiya at upang gawing banal ang dakong kabanal-banalan.
Pitong pung sanglinggo ang ipinasiya sa iyong mga tao at sa iyong banal na bayan, upang tapusin ang pagsalangsang, at upang wakasan ang pagkakasala, at upang linisin sa kasamaan, at upang dalhan ng walang hanggang katuwiran, at upang tatakan ang pangitain at ang panghuhula, at upang pahiran ang kabanalbanalan.
25 Alamin at unawain na mula sa pagpapalaganap ng utos na panunumbalikin at itatayong muli ang Jerusalem sa pagdating ng isang hinirang (na magiging isang pinuno), magkakaroon ng pito na tig-pipito at pito na tig-aanimnaputdalawa. Muling maitatayo ang Jerusalem kasama ang mga lansangan at isang kanal kahit pa sa mga panahon ng kabalisahan.
Iyo ngang talastasin at bulayin, na mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem sa pinahiran na prinsipe, magiging pitong sanglinggo, at anim na pu't dalawang sanglinggo: ito'y matatayo uli, na may lansangan at kuta, sa makatuwid baga'y sa mga panahong mabagabag.
26 Pagkatapos ng pito na tig-aanimnapu't dalawang taon, ang isang hinirang ay malilipol at mawawalan. Wawasakin ng hukbo ng isang parating na pinuno ang lungsod at ang banal na lugar. Darating ang katapusan nito sa pamamagitan ng baha at magkakaroon ng digmaan hanggang sa huli. Ang pagkawasak ay itinakda na.
At pagkatapos ng anim na pu't dalawang sanglinggo, mahihiwalay ang pinahiran, at mawawalaan ng anoman: at gigibain ang bayan at ang santuario ng mga tao ng prinsipeng darating; at ang wakas niyaon ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa wakas ay magkakaroon ng digma; mga pagkasira ay ipinasiya na.
27 Pagtitibayin niya ang isang kasunduan sa marami sa loob ng isang pito. Sa kalagitnaan ng pito wawakasan niya ang pag-aalay at ang paghahandog. Sa pakpak ng mga kasuklam-suklam darating ang isang tao na siyang gagawa ng pagkasira. Isang ganap na pagwawakas at pagkawasak ang itinakdang ibubuhos sa gumawa ng pagkasira.”
At pagtitibayin niya ang tipan sa marami sa isang sanglinggo: at sa kalahati ng sanglinggo ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang alay; at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay paroroon ang isang maninira; at hanggang sa wakas, at pagkapasiya ay mabubuhos ang poot sa maninira.

< Daniel 9 >