< Mga Gawa 1 >
1 Teofilo, nabanggit sa unang aklat na aking isinulat ang lahat ng mga gawain na sinimulan at itinuro ni Jesus.
Ang unang kasaysayan na ginawa ko, Oh Teofilo, ay tungkol sa lahat na pinasimulang ginawa at itinuro ni Jesus,
2 Hanggang sa araw na siya ay tinanggap sa itaas. Ito ay matapos siyang bigyan ng utos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu para sa mga Apostol na kaniyang pinili.
Hanggang sa araw na tanggapin siya sa kaitaasan, pagkatapos na makapagbigay siya ng mga utos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa mga apostol na kaniyang hinirang;
3 Pagkatapos ng kaniyang paghihirap, iniharap niyang buhay ang kaniyang sarili sa kanila kasama ang marami pang mga kapani-paniwalang katibayan. Sa loob ng apatnapung araw, nagpakita siya sa kanila at nagsalita siya tungkol sa kaharian ng Diyos.
Na sa kanila nama'y napakita rin siyang buhay, sa pamamagitan ng maraming mga katunayan, pagkatapos na siya'y makapaghirap, na napakikita sa kanila sa loob ng apat na pung araw, at nagpahayag ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios:
4 Noong nakikipagkita pa siya sa kanila, iniutos niya sa kanila na huwag umalis ng Jerusalem, kundi maghintay sa pangako ng Ama na kung saan sinabi niya “Narinig ninyo mula sa akin
At, palibhasa'y nakikipagpulong sa kanila, ay ipinagutos niya sa kanila na huwag silang magsialis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama, na sinabi niyang narinig ninyo sa akin:
5 na tunay na nagbautismo si Juan gamit ang tubig, ngunit kayo ay mababautismuhan sa Banal na Espiritu sa mga susunod na araw.''
Sapagka't tunay na si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo na di na malalaunan pa.
6 Nang sama-sama silang nagkatipon tinanong nila siya, ''Panginoon, ito na ba ang oras na ibabalik mo ang kaharian sa Israel?''
Tinanong nga siya nila nang sila'y nangagkakatipon, na nangagsasabi, Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian sa Israel sa panahong ito?
7 Sinabi niya sa kanila, ''Hindi na para malaman ninyo ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.
At sinabi niya sa kanila, Hindi ukol sa inyo ang pagkaalam ng mga panahon o ng mga bahagi ng panahon, na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.
8 Ngunit makakatanggap kayo ng kapangyarihan, kapag sumainyo ang Banal na Espiritu at kayo ay magiging saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa mga dulo ng mundo.''
Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.
9 Nang sabihin ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, habang nakatingala sila, siya ay itinaas, at itinago siya ng ulap mula sa kanilang mga mata.
At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nang siya'y tinitingnan nila, ay dinala siya sa itaas; at siya'y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin.
10 Habang nakatitig sila sa langit nang siya ay paalis, bigla na lamang may dalawang lalaking nakatayo sa tabi nila na nakasuot ng puti.
At samantalang tinititigan nila ang langit habang siya'y lumalayo, narito may dalawang lalaking nangakatayo sa tabi nila na may puting damit;
11 Sinabi nila, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo dito na nakatingin sa langit? Itong Jesus na umakyat sa langit ay babalik rin sa paraang katulad ng nakita ninyo na pagpunta niya sa langit.”
Na nangagsabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo'y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.
12 At bumalik sila sa Jerusalem mula sa Bundok ng Olibo, na malapit sa Jerusalem, isang Araw ng Pamamahinga na paglalakbay.
Nang magkagayon ay nangagbalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olivo, na malapit sa Jerusalem, na isang araw ng sabbath lakarin.
13 Pagkarating nila, umakyat sila sa silid na nasa itaas, kung saan sila nananatili. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Filipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, Simon na Makabayan at si Judas na anak ni Santiago.
At nang sila'y magsipasok sa bayan, ay nagsiakyat sila sa silid sa itaas, na kinatitirahan nila; ni Pedro at ni Juan at ni Santiago at ni Andres, ni Felipe at ni Tomas, ni Bartolome at ni Mateo, ni Santiago na anak ni Alfeo, at ni Simong Masikap, at ni Judas na anak ni Santiago.
14 Sama-sama silang nagkakaisa habang patuloy silang masigasig na nananalangin. Kasama rito ang mga kababaihang sina Maria na ina ni Jesus at ang kaniyang mga kapatid.
Ang lahat ng mga ito'y nagsisipanatiling matibay na nangagkakaisa sa pananalangin na kasama ang mga babae, at si Maria na ina ni Jesus, at pati ng mga kapatid niya.
15 Sa mga araw na iyon, tumayo si Pedro sa kalagitnaan ng mga kapatid, na halos 120 katao at sinabi,
At nang mga araw na ito'y nagtindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid, at nagsabi (at nangagkakatipon ang karamihang mga tao, na may isang daa't dalawangpu),
16 “Mga kapatid, kinailangan na ang kasulatan ay matupad, na ang Banal na Espiritu ay magsalita sa pamamagitan ng bibig ni David tungkol kay Judas, na siyang gumabay sa mga dumakip kay Jesus.
Mga kapatid, kinakailangang matupad ang kasulatan, na nang una ay sinalita ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ni David tungkol kay Judas, na siyang pumatnugot sa nagsihuli kay Jesus.
17 Sapagkat nakasama natin siya at tinanggap ang kaniyang bahagi ng kapakinabangan sa ministeryong ito.”
Sapagka't siya'y ibinilang sa atin, at siya'y tumanggap ng kaniyang bahagi sa ministeriong ito.
18 (Ngayon bumili ang taong ito ng bukid mula sa kaniyang natanggap kita dahil sa kaniyang kasamaan, at doon ay nahulog siya na nauna ang ulo, ang kanyang katawan ay sumambulat, at lahat ng kanyang bituka ay sumabog.
Kumuha nga ang taong ito ng isang parang sa pamamagitan ng ganti sa kaniyang katampalasanan; at sa pagpapatihulog ng patiwarik, ay pumutok siya sa gitna, at sumambulat ang lahat ng mga laman ng kaniyang tiyan.
19 Narinig ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem ang tungkol dito, kaya tinawag nila ang bukid na iyon na “Akeldama,” na ang ibig sabihin sa kanilang salita ay, “Bukid ng Dugo”.)
At ito'y nahayag sa lahat ng mga nagsisitahan sa Jerusalem; ano pa't tinawag ang parang na yaon sa kanilang wika na Aceldama, sa makatuwid baga'y, Ang parang ng Dugo.)
20 “Sapagkat nasusulat sa Aklat ng Mga Awit, 'Hayaan ninyong walang manirahan sa kaniyang bukirin, at huwag ninyong hayaan ang kahit na isang tao na manirahan doon'; at 'Hayaang may isang tao na kumuha sa kanyang posisyon ng pamumuno.'
Sapagka't nasusulat sa aklat ng Mga Awit, Bayaang mawalan nawa ng tao ang kaniyang tahanan, At huwag bayaang manahan doon ang sinoman; at, Bayaang kunin ng iba ang kaniyang katungkulan.
21 Ito ay kinakailangan, samakatuwid, na isa sa mga kalalakihang nakasama natin sa lahat ng oras nang ang Panginoong Jesus ay kasa-kasama pa natin,
Sa mga taong ito nga na nangakisama sa atin sa buong panahon na ang Panginoong si Jesus ay pumapasok at lumalabas sa atin,
22 simula sa pagbautismo ni Juan hanggang sa araw na kunin siya sa atin, dapat ay isa siyang saksing kasama natin sa kaniyang muling pagkabuhay.”
Magmula sa pagbautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y tanggapin sa itaas mula sa atin, ay nararapat na ang isa sa mga ito'y maging saksi na kasama natin sa kaniyang pagkabuhay na maguli.
23 Naglapit sila sa harapan ng dalawang kalalakihan, si Jose na tinatawag na Barsabas, na pinangalanan ring Justo, at si Matias.
At kanilang ibinukod ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na pinamagatang Justo, at si Matias.
24 Nanalangin sila at sinabi, “Ikaw, Panginoon, ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao, kaya ipahayag mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili
At sila'y nagsipanalangin, at nagsipagsabi, Ikaw, Panginoon, na nakatataho ng mga puso ng lahat ng mga tao, ay ipakilala mo kung alin sa dalawang ito ang iyong hinirang,
25 upang pumalit sa gawaing ito at sa pagka-apostol mula nang si Judas ay lumabag upang magtungo sa kaniyang sariling lugar.''
Upang tanggapin ang katungkulan sa ministeriong ito at pagkaapostol na kinahulugan ni Judas, upang siya'y makaparoon sa kaniyang sariling kalalagyan.
26 Sila ay nagpalabunutan para sa kanila; at napunta kay Matias ang palabunutan at siya ang ibinilang na kasama ng labing-isang apostol.
At sila'y pinagsapalaran nila; at nagkapalad si Matias; at siya'y ibinilang sa labingisang apostol.