< 2 Samuel 5 >
1 Pagkatapos pumunta ang lahat ng lipi ng Israel kay David sa Hebron at sinabi, “Tingnan mo, kami ay iyong laman at buto.
Nang magkagayo'y naparoon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, at nagsipagsalita, na nagsisipagsabi, Narito, kami ay iyong buto at iyong laman.
2 Sa nakaraang panahon, nang si Saul pa ang hari sa ating lahat, ikaw itong nangunguna sa hukbo ng Israelita. Sinabi ni Yahweh sa iyo, 'Magiging pastol ka ng aking bayan ng Israel, at magiging pinuno ka ng buong Israel.'''
Sa panahong nakaraan nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang naglalabas at nagpapasok sa Israel: at sinabi ng Panginoon sa iyo: Ikaw ay magiging pastor ng aking bayang Israel: at ikaw ay magiging prinsipe sa Israel.
3 Kaya dumating ang lahat na nakatatanda ng Israel sa hari ng Hebron, at gumawa si Haring David ng isang kasunduan sa kanila sa harapan ni Yahweh. Hinirang nila si David na maging hari ng buong Israel.
Sa gayo'y nagsiparoon ang lahat ng mga matanda sa Israel sa hari sa Hebron: at ang haring si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon: at kanilang pinahiran ng langis si David na maging hari sa Israel.
4 Tatlumpung taong gulang si David nang nagsimula siyang maghari, at naghari siya ng apatnapung taon.
Si David ay may tatlong pung taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y nagharing apat na pung taon.
5 Sa Hebron naghari siya sa buong Juda ng pitong taon at anim na buwan, at sa Jerusalem naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda.
Sa Hebron ay naghari siya sa Juda na pitong taon at anim na buwan: at sa Jerusalem ay naghari siya na tatlong pu at tatlong taon sa buong Israel at Juda.
6 Pumunta ang hari at ang mga tauha niya sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo, ang mga mamamayan ng lupain. Sinabi nila kay David, “Huwag kang babalik dito maliban kung papaalisin ka sa pamamagitan ng mga bulag at lumpo. Hindi makakapunta dito si David.”
At ang hari at ang kaniyang mga lalake ay nagsiparoon sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na nagsisitahan sa lupain, na nangagsalita kay David, na nangagsasabi, Maliban na iyong alisin ang bulag at ang pilay, hindi ka papasok dito: na iniisip, na si David ay hindi makapapasok doon.
7 Gayunpaman, nasakop ni David ang kuta ng Sion, na ngayon ay lungsod na ni David.
Gayon ma'y sinakop ni David ang katibayan sa Sion; na siyang bayan ni David.
8 Sa oras na iyon sinabi ni David, 'Sinuman ang sasalakay sa mga taga-Jebus ay kailangang pumunta sa pamamagitan ng tubig at aabutin nila ang 'lumpo at bulag,' ang mga galit kay David.” kaya sinabi ng mga tao iyan, “Hindi makakapunta ang 'bulag at lumpo' sa palasyo.”
At sinabi ni David nang araw na yaon, Sino mang sumakit sa mga Jebuseo, ay pumaroon siya sa inaagusan ng tubig, at saktan ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David. Kaya't kanilang sinasabi, Mayroong bulag at pilay; hindi siya makapapasok sa bahay.
9 Kaya nanirahan si David sa kuta at tinawag itong siyudad ni David. Pinatibay niya ang palibot nito, mula sa terasa patungong loob.
At tumahan si David sa katibayan at tinawag na bayan ni David. At itinayo ni David ang kuta sa palibot mula sa Millo, at sa loob.
10 Naging lubos na makapangyarihan si David dahil kay Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo, ay kasama niya.
At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka't ang Panginoon na Dios ng mga hukbo, ay sumasa kaniya.
11 Pagkatapos nagpadala ng mga mensahero si Hiram hari ng Tyre kay David, at mga punong sedro, karpintero, at mason. Nagtayo sila ng bahay para kay David.
At si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, at ng mga puno ng sedro, at mga anluwagi, at mangdadaras sa bato; at kanilang ipinagtayo si David ng isang bahay.
12 Alam ni David na itinalaga siya ni Yahweh bilang hari sa buong Israel, at sa gayon naging dakila ang kaniyang kaharian para sa kapakanan ng kaniyang bayang Israel.
At nahalata ni David, na itinalaga siya ng Panginoon na maging hari sa Israel, at kaniyang itinaas ang kaniyang kaharian dahil sa kaniyang bayang Israel.
13 Pagkatapos nilisan ni David ang Hebron at pumunta sa Jerusalem, kumuha siya ng maraming kerida at mga asawa sa Jerusalem, at maraming mga lalaking anak at mga babaeng anak ang ipinanganak sa kaniya.
At kumuha pa si David ng mga babae at mga asawa sa Jerusalem, panggagaling niya sa Hebron: at may mga ipinanganak pa na lalake at babae kay David.
14 Ito ang mga pangalan ng mga bata na ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem: Sammua, Sobab, Natan, Solomon,
At ito ang mga pangalan niyaong mga ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem; si Sammua, at si Sobab, at si Nathan, at si Salomon,
15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia,
At si Ibhar, at si Elisua; at si Nephegh at si Japhia;
16 Elisama, Eliada, at Elifelet.
At si Elisama, at si Eliada, at si Eliphelet.
17 Ngayon nang mabalitaan ng mga Filisteo na nahirang na si David bilang hari ng buong Israel, lumabas silang lahat para makita siya. Pero nabalitaan ni David ito at bumaba siya sa kuta.
At nang mabalitaan ng mga Filisteo na kanilang inihalal si David na hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay nagsiahon upang usigin si David; at nabalitaan ni David, at lumusong sa katibayan.
18 Ngayon dumating ang mga Filisteo at nagsikalat sa lambak ng Refaim.
Ang mga Filisteo nga ay nagsidating at nagsikalat sa libis ng Rephaim.
19 Pagkatapos humingi si David ng tulong mula kay Yahweh. Sinabi niya, “Kailangan ko bang salakayin ang Filisteo? Bibigyan mo ba ako ng tagumpay laban sa kanila?” Sinabi ni Yahweh kay David, “Salakayin mo, dahil siguradong bibigyan kita ng tagumpay laban sa Filisteo.”
At nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon kay David, Umahon ka: sapagka't tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.
20 Kaya sinalakay ni David ang Baal Perazim, at doon tinalo niya sila. Sinabi niya, “Pinatumba ni Yahweh ang aking mga kalaban sa aking harapan katulad ng isang rumaragasang tubig baha.” Kaya naging Baal Perazim ang pangalan ng lugar na iyon.
At naparoon si David sa Baal-perasim at sila'y sinaktan doon ni David; at kaniyang sinabi, Pinanambulat ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, na gaya ng pilansik ng tubig. Kaya't kaniyang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Baal-perasim.
21 Iniwan ng mga taga-Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan doon, at dinala ni David at kaniyang mga tauhan ang mga ito.
At kanilang iniwan doon ang kanilang mga larawan, at mga inalis ni David at ng kaniyang mga lalake.
22 Pagkatapos umakyat muli ang mga taga-Filisteo at nagsikalat sa lambak ng Refaim.
At nagsiahon pa uli ang mga Filisteo, at nagsikalat sa libis ng Rephaim.
23 Kaya muling humingi si David ng tulong mula kay Yahweh, at sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Hindi mo dapat salakayin ang kanilang harapan, pero palibutan mo ang likuran nila at lapitan mo sila sa pamamagitan ng mga kahoy ng balsam.
At nang isangguni ni David sa Panginoon, kaniyang sinabi, Huwag kang aahon: liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasagupa sa kanila sa mga puno ng morales.
24 Kapag narinig mo ang tunog ng pag-ihip ng hangin sa itaas ng mga punong balsam, salakayin mo sila nang may lakas. Gawin mo ito dahil pangungunahan ka ni Yahweh para salakayin ang hukbong ng mga taga-Filisteo.''
At mangyayari, pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay magmamadali: sapagka't lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo.
25 Kaya ginawa ni David ang inutos ni Yahweh sa kaniya. Pinatay niya ang mgataga-Filisteo mula sa Geba hanggang sa Gezer.
At ginawang gayon ni David; gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya; at sinaktan niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.