< 2 Samuel 22 >

1 Umawit si David kay Yahweh ng mga salita ng kantang ito sa araw na iniligtas siya ni Yahweh palabas sa kamay ng lahat ng kaniyang mga kaaway, at palabas sa kamay ni Saul.
At sinalita ni David ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas ng Panginoon siya sa kamay ng lahat ng kaniyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul.
2 Nanalangin siya, “Si Yahweh ay aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagliligtas sa akin.
At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y aking malaking bato at aking katibayan, at tagapagligtas sa akin, sa makatuwid baga'y akin;
3 Ang Diyos ang aking muog. Kumukuha ako ng kanlungan sa kaniya. Siya ang aking panangga, ang sungay ng aking kaligtasan, aking matibay na tanggulan, at aking kanlungan, ang siyang nagliligtas sa akin mula sa karahasan.
Ang Dios, ang aking malaking bato, na sa kaniya ako'y manganganlong: Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog at ampunan sa akin; Tagapagligtas sa akin, ikaw ang nagliligtas sa akin sa karahasan.
4 Tatawag ako kay Yahweh, na karapatdapat purihin, at maliligtas ako mula sa aking mga kaaway.
Ako'y tatawag sa Panginoon na karapatdapat purihin: Sa ganya'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.
5 Dahil nakapalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan. Ang walangsaysay na bugso ng mga tubig tumabon sa akin.
Sapagka't ang mga alon ng kamatayan ay kumulong sa akin; Ang mga baha ng kalikuan ay tumakot sa akin.
6 Ang mga gapos ng sheol nakapalibot sa akin; binibihag ako ng patibong ng kamatayan. (Sheol h7585)
Ang mga panali ng Sheol ay lumibid sa akin: Ang mga silo ng kamatayan ay nagsisapit sa akin. (Sheol h7585)
7 Sa aking pagkabalisa tumawag ako kay Yahweh; Tumawag ako sa aking Diyos; dininig niya ako sa aking boses mula sa kaniyang templo, at ang aking tawag para sa tulong nakarating sa kaniyang mga tainga.
Sa aking pagkahapis ay tumawag ako sa Panginoon; Oo, ako'y tumawag sa aking Dios: At kaniyang dininig ang aking tinig mula sa kaniyang templo, At ang aking daing ay sumapit sa kaniyang mga pakinig.
8 Pagkatapos naalog ang mundo at nayanig. Nangatog ang mga pundasyon ng kalangitan at inalog, dahil galit ang Diyos.
Nang magkagayo'y umuga ang lupa at nayanig. Ang mga pinagtitibayan ng langit ay nangakilos. At nangauga, sapagka't siya'y nagalit.
9 Lumabas ang usok mula sa mga butas ng kaniyang ilong, at lumabas ang nagliliyab na apoy sa kaniyang bibig. Umapoy ang mga uling sa pamamagitan nito.
Umilanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, At apoy na mula sa kaniyang bibig ay nanupok: Mga baga ay nagalab sa pamamagitan niyaon.
10 Binuksan niya ang kalangitan at bumaba, at makapal na dilim ang nasa ibaba ng kaniyang mga paa.
Kaniyang pinayukod din naman ang langit at bumaba: At salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.
11 Sumakay siya sa isang anghel at lumipad. Nakita siyang lumilipad sa mga pak-pak ng hangin.
At siya'y sumakay sa isang querubin at lumipad: Oo, siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.
12 At gumawa siya ng kadiliman sa toldang nakapalibot sa kaniya, nag-iipon ng mga mabibigat na ulap ulan sa himpapawid.
At ang kadiliman ay kaniyang ginawang mga kulandong sa palibot niya. Na nagpisan ng tubig, ng masisinsing alapaap sa langit.
13 Mula sa kidlat sa harapan niya nahulog ang mga uling ng apoy.
Sa kaningningan sa harap niya Mga bagang apoy ay nagsipagalab.
14 Kumulog si Yahweh mula sa kalangitan. Sumigaw ang Kataas-taasan.
Ang Panginoo'y kumulog sa langit, At ang Kataastaasan ay nagbigkas ng tinig niya.
15 Nagpatama siya ng mga pana at kinalat ang kaniyang mga kaaway — mga boltahe ng kidlat at ikinalat ito.
At nagpahilagpos ng mga palaso, at pinangalat niya sila; Kumidlat, at nangatulig sila.
16 Pagkatapos nagkaroon ng mga daluyan ng tubig; ang mga pundasyon ng mundo ay nagkalat sa sigaw ng digmaan ni Yahweh, sa bugso ng hininga ng mga butas ng kaniyang ilong.
Nang magkagayo'y ang mga kalaliman sa dagat ay nangalitaw, Ang mga pinagtibayan ng sanglibutan ay nangakita. Dahil sa saway ng Panginoon, Sa hihip ng hinga ng kaniyang mga butas ng ilong.
17 Inabot niya pababa mula sa itaas; hinawakan niya ako! Hinila niya ako palabas ng umaalon na tubig.
Siya'y nagsugo mula sa itaas, kaniyang kinuha ako; kaniyang kinuha ako sa maraming tubig;
18 Iniligtas niya ako mula sa malakas kong kaaway, mula doon sa napopoot sa akin, dahil masyado silang malakas sa akin.
Kaniyang iniligtas ako sa aking malakas na kaaway, Sa nangagtatanim sa akin; sapagka't sila'y totoong malakas kay sa akin.
19 Dumating sila laban sa akin sa araw ng aking pagkabalisa, pero si Yahweh ang umalalay sa akin.
Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng sakuna ko: Nguni't ang Panginoon ay siyang alalay sa akin.
20 Dinala rin niya ako sa isang malawak na lugar. Iniligtas niya ako dahil nasiyahan siya sa akin.
Kaniyang dinala din ako sa maluwang na dako: Kaniyang iniligtas ako, sapagka't kaniyang kinalugdan ako.
21 Ginantimpalaan ako ni Yahweh sa sukat ng aking katuwiran; binalik niya ako sa sukat ng kalinisan ng aking mga kamay.
Ginanti ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran: Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kaniyang ginanti ako.
22 Dahil pinanatili ko ang mga kaparaanan ni Yahweh at hindi gumawa ng kasamaan sa pamamagitan ng pagtalikod mula sa aking Diyos.
Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon, At hindi ako humiwalay na may kasamaan sa aking Dios.
23 Dahil ang lahat ng kaniyang matuwid na mga utos ay nasa harapan ko; para sa kaniyang mga batas, hindi ako tumalikod palayo sa mga ito.
Sapagka't ang lahat niyang kahatulan ay nasa harap ko: At tungkol sa kaniyang mga palatuntunan ay hindi ko hiniwalayan.
24 Naging walang sala rin ako sa harapan niya, at pinanatili kong malayo ako mula sa kasalanan.
Ako rin nama'y sakdal sa harap niya, At iningatan ko ang aking sarili mula sa kasamaan.
25 Kaya ibinalik ako ni Yahweh sa sukat ng aking katuwiran, sa antas ng aking kalinisan sa kaniyang paningin.
Kaya't ginanti ng Panginoon ako ayon sa aking katuwiran; Ayon sa aking kalinisan sa kaniyang paningin.
26 Sa isang tapat, ipinakita mo ang iyong sarili na maging tapat; sa isang tao na walang sala, ipinakita mo ang iyong sarili na maging walang sala.
Sa maawain ay magpapakamaawain ka; Sa sakdal ay magpapakasakdal ka;
27 Sa mga dalisay ipinakita mo ang iyong sariling dalisay, pero ikaw ay matigas sa baluktot.
Sa dalisay ay magpapakadalisay ka; At sa mga walang payo ay magwawalang payo ka.
28 Iniligtas mo ang mga taong nasaktan, pero laban ang iyong mga mata sa mayayabang, at ibinababa mo sila.
At ang nagdadalamhating bayan ay iyong ililigtas: Nguni't ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas, upang iyong papagpakumbabain.
29 Dahil ikaw ang aking lampara, Yahweh. Inilawan ni Yahweh ang aking kadiliman.
Sapagka't ikaw ang aking ilawan, Oh Panginoon: At liliwanagan ng Panginoon ang aking kadiliman.
30 Dahil sa pamamagitan kaya kong tumakbo sa ibabaw ng barikada; sa pamamagitan ng aking Diyos makakatalon ako sa ibabaw ng isang pader.
Sapagka't sa pamamagitan mo ay aking tatakbuhin ang pulutong: Sa pamamagitan ng aking Dios ay aking luluksuhin ang kuta.
31 Para sa Diyos, ang kaniyang paraan ay tama. Ang salita ni Yahweh ay dalisay. Siya ay isang panangga sa bawat taong nagkukubli sa kaniya.
Tungkol sa Dios, ang kaniyang lakad ay sakdal; Ang salita ng Panginoon ay subok; Siya'y kalasag sa lahat ng sa kaniya'y kumakanlong.
32 Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? At sino ang isang bato maliban sa ating Diyos?
Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon? At sino ang malaking bato liban sa ating Dios?
33 Ang Diyos ay aking kanlungan, at pinamunuan niya ang walang salang tao sa kaniyang daraanan.
Ang Dios ay aking matibay na katibayan: At pinapatnubayan niya ang sakdal sa kaniyang lakad.
34 Ginawa niyang matulin ang aking mga paa gaya ng isang usa at inilagay ako sa mga bundok.
Kaniyang ginagawa ang mga paa niya na gaya ng sa mga usa; At inilalagay niya ako sa aking matataas na dako.
35 Sinanay niya ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga braso para iyuko ang isang tanso na pana.
Kaniyang tinuturuan ang aking mga kamay ng pakikidigma. Na anopa't binabaluktok ng aking mga kamay ang busog na tanso.
36 Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan, at ang iyong biyaya ay gumawa sa akin ng dakila bagay.
Binigyan mo rin ako ng kalasag mong pangligtas: At pinadakila ako ng iyong kaamuan.
37 Gumawa ka ng isang malapad na lugar para sa aking mga paa na tinatapakan ko, para hindi dumulas ang aking mga paa.
Iyong pinalaki ang aking mga hakbang sa tinutungtungan ko, At ang aking mga paa ay hindi nadulas.
38 Hinabol ko ang aking mga kaaway at winasak sila. Hindi ako tumalikod hanggang sila ay mawasak.
Aking hinabol ang aking mga kaaway at akin silang pinapagpapatay; Ni hindi ako bumalik uli hanggang sa sila'y nalipol.
39 Nilamon ko sila at binasag sila; hindi sila makakabangon. Bumagsak sila sa ilalim ng aking mga paa.
At aking pinaglilipol, at aking pinagsasaktan sila, na anopa't sila'y hindi nangakabangon: Oo, sila'y nangabuwal sa paanan ko.
40 Nilagyan mo ako ng lakas gaya ng isang sinturon para sa labanan; inilagay mo ako sa ibaba sa mga lumalaban sa akin.
Sapagka't ako'y binigkisan mo ng kalakasan sa pagbabaka: Iyong pinasuko sa akin yaong nagsisibangon laban sa akin.
41 Binigay mo sa akin ang likod ng aking mga kaaway; Winasak ko ang mga galit sa akin.
Iyo ring pinatalikod sa akin ang aking mga kaaway, Upang aking mangaihiwalay ang nangagtatanim sa akin.
42 Umiyak sila para tulungan, pero walang isang naligtas sa kanila; umiyak sila kay Yahweh, pero hindi siya sumagot sa kanila.
Sila'y nagsitingin, nguni't walang mangagligtas: Sa Panginoon, nguni't hindi niya sinagot sila.
43 Hinampas ko sila hanggang maging mga piraso tulad ng alikabok sa lupa, pinulbos ko sila gaya ng putik sa mga kalye.
Nang magkagayo'y pinagbabayo ko sila na gaya ng alabok sa lupa; Aking pinagyurakan sila na gaya ng putik sa mga lansangan, at akin silang pinapangalat.
44 Iniligtas mo rin ako mula sa mga alitan ng sarili kong mga tao. Pinanatili mo ako bilang ulo ng mga bansa. Sa mga tao na hindi ko alam kung pinaglilingkuran ako.
Iniligtas mo rin ako sa mga pakikipagtalo sa aking bayan: Iningatan mo ako na maging pangulo sa mga bansa; Ang bayan na hindi ko nakilala ay maglilingkod sa akin.
45 Pinilit ang mga dayuhan na yumuko sa akin. Nang panahon na narinig nila ako, sinunod nila ako.
Ang mga taga ibang lupa ay magsisisuko sa akin. Pagkarinig nila tungkol sa akin, sila'y magsisitalima sa akin.
46 Dumating na nanginginig ang mga dayuhan palabas sa kanilang mga kuta.
Ang mga taga ibang lupa ay manganglulupaypay, At magsisilabas na nanganginginig sa kanilang mga kublihan.
47 Buhay si Yahweh! Nawa'y purihin ang aking bato. Nawa'y maitaas ang Diyos, ang bato ang aking kaligtasan.
Ang Panginoon ay buhay; at purihin nawa ang aking malaking bato; At itanghal nawa ang Dios na malaking bato ng aking kaligtasan,
48 Ito ang Diyos na nagsasagawa ng paghihiganti para sa akin, ang siyang nagdadala pababa sa mga tao sa ilalim ko.
Sa makatuwid baga'y ang Dios na ipinanghihiganti ako. At pinangangayupapa sa akin ang mga bayan,
49 Ginawa niya akong malaya mula sa aking mga kaaway. Sa katunayan, itinaas mo ako sa ibabaw ng mga lumalaban sa akin. Iniligtas mo ako mula sa marahas na kalalakihan.
At inilalabas ako sa aking mga kaaway: Oo, iyong pinapangingibabaw ako sa kanila na nagsisibangon laban sa akin: Inililigtas mo ako sa marahas na lalake.
50 Kung kaya magbibigay ako ng pasasalamat sa iyo, Yahweh, sa piling ng mga bansa; Aawit ako ng mga pasasalamat sa iyong pangalan.
Kaya't pasasalamat ako sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa, At aawit ako ng mga pagpuri sa iyong pangalan.
51 Nagbibigay ng dakilang tagumpay ang Diyos sa kaniyang hari, at ipinapakita niya ang kaniyang katapatang tipan sa kaniyang hinirang, kay David at sa kaniyang kaapu-apuhan magpakailanman.”
Dakilang pagliligtas ang ibinibigay niya sa kaniyang hari: At nagmamagandang loob sa kaniyang pinahiran ng langis, Kay David at sa kaniyang binhi magpakailan man.

< 2 Samuel 22 >