< 2 Samuel 18 >
1 Binilang ni David ang mga sundalong kasama niya at nagtalga ng mga kapitan ng libu-libo at mga kapitan ng daan-daan.
At binilang ni David ang bayan na kasama niya, at naglagay ng mga puno ng mga libolibo, at puno ng mga daandaan sa kanila.
2 Pagkatapos ipinadala ni David ang hukbo, isang-katlo sa ilalim ng pamumuno ni Joab, isa pang katlo sa ilalim ng pamumuno ni Abisai anak ni Zeruias, kapatid ni Joab at isa pa ring katlo sa ilalim ng pamumuno ni Itai na taga-Gat. Sinabi ng hari sa hukbo, “Titiyakin kong sasama rin ako sa inyo.”
At pinayaon ni David ang bayan, ang isang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Joab, at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Ittai na Getheo. At sinabi ng hari sa bayan, Walang pagsalang ako'y lalabas na kasama ninyo.
3 Pero sinabi ng kalalakihan, “Hindi ka dapat pumunta sa labanan, dahil kung tatakas kami hindi sila mag-aalala sa amin, o kung mamatay ang kalahati sa amin wala silang pakialam. Pero kasing halaga mo ang sampung libo sa amin!
Nguni't sinabi ng bayan, Huwag kang lalabas: sapagka't kung kami man ay tumakas, ay hindi nila kami aalumanahin, o kung ang kalahati man namin ay mamatay, ay hindi nila kami aalumanahin: nguni't ikaw ay may halagang sangpung libo sa amin: kaya't ngayo'y lalong maigi na ikaw ay maghanda na iyong saklolohan kami mula sa bayan.
4 Kaya mas mabuting maghanda kang tulungan kami mula sa lungsod.” Kaya sinagot sila ng hari, “Gagawin ko anuman ang pinakamabuti para sa inyo.” Tumayo ang hari sa tarangkahan ng lungsod habang lumabas ang buong hukbo nang daan-daan at libu-libo.
At sinabi ng hari sa kanila, Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin. At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, at ang buong bayan ay lumabas na daan daan at libolibo.
5 Inutusan ni David sina Joab, Abisai at Itai sa pagsasabing, “Makitungo nang malumanay alang-alang sa akin sa binata, kay Absalom.” Narinig ng lahat ng tao na ibinigay ng hari sa mga kapitan ang utos na ito tungkol kay Absalom.
At ang hari ay nagutos kay Joab at kay Abisai, at kay Ittai, na nagsasabi, Inyong gamitan ng kaawaan, alangalang sa akin, ang binata, sa makatuwid baga'y si Absalom. At narinig ng buong bayan nang ipagbilin ng hari sa lahat ng punong kawal ang tungkol kay Absalom.
6 Kaya lumabas ang hukbo sa kabukiran laban sa Israel; umabot ang labanan sa kagubatan ng Efraim.
Sa gayo'y lumabas ang bayan sa parang laban sa Israel; at ang pagbabaka ay nasa gubat ng Ephraim.
7 Natalo roon ang hukbo ng Israel sa harapan ng mga sundalo ni David; may isang matinding patayan doon sa araw na iyon nang dalawampung libong kalalakihan.
At ang bayan ng Israel ay nasaktan doon sa harap ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na yaon, na may dalawang pung libong lalake.
8 Umabot ang labanan hanggang sa buong kabukiran at mas maraming kalalakihan ang nilamon ng kagubatan kaysa ng espada.
Sapagka't doon ang pagbabaka ay nakalat sa ibabaw ng buong lupain: at ang gubat ay lumamon ng higit na bayan sa araw na yaon kay sa nilamon ng tabak.
9 Nagkataong nakasalubong ni Absalom ang ilan sa mga sundalo ni David. Nakasakay si Absalom sa kaniyang mola at napadaan ang mola sa ilalim ng makakapal na sanga ng isang malaking punong kahoy at sumabit ang kaniyang ulo sa mga sanga ng puno. Naiwan siyang nakabitin sa pagitan ng lupa at ng langit habang nagpatuloy sa pagtakbo ang kaniyang sinasakyang mola.
At nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. At si Absalom ay nakasakay sa kaniyang mula, at ang mula ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina, at ang kaniyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y nabitin; at ang mula na nasa ilalim niya ay nagpatuloy.
10 Nakita ito ng isang tao at sinabihan si Joab, “Tingnan, nakita kong nakabitin si Absalom sa isang punong kahoy!”
At nakita siya ng isang lalake at isinaysay kay Joab, at sinabi, Narito, aking nakita si Absalom na nakabitin sa isang ensina.
11 Sinabi ni Joab sa taong nagsabi sa kaniya tungkol kay Absalom, “Tingnan mo! Nakita mo siya! Bakit hindi mo siya hinampas pababa sa lupa? Bibigyan sana kita ng sampung siklong pilak at isang sinturon.”
At sinabi ni Joab sa lalaking nagsaysay sa kaniya, At, narito, iyong nakita, at bakit hindi mo sinaktan doon sa lupa? at nabigyan sana kita ng sangpung putol na pilak, at isang pamigkis.
12 Sumagot ang lalaki kay Joab, “Kahit na makatanggap ako ng isanglibong siklong pilak, hindi ko pa rin iaabot ang aking kamay laban sa anak ng hari, dahil narinig naming lahat na inutusan ka ng hari, si Abisai at si Itai, sa pagsasabing, 'Walang isa mang dapat gumalaw sa binatang si Absalom.'
At sinabi ng lalake kay Joab, Bagaman ako'y tatanggap ng isang libong putol na pilak sa aking kamay, gayon ma'y hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari: sapagka't sa aming pakinig ay ibinilin ng hari sa iyo, at kay Abisai, at kay Ittai, na sinabi, Ingatan ninyo na huwag galawin ninoman ang binatang si Absalom.
13 Kung inilagay ko sa panganib ang aking buhay sa pamamagitan ng isang kasinungalingan (at walang makukubli mula sa hari), pinabayaan mo nalang sana ako.”
Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng paglililo laban sa kaniyang buhay (at walang bagay na makukubli sa hari, ) ikaw man sa iyong sarili ay mananayong laban sa akin.
14 Pagkatapos sinabi ni Joab, “Hindi na ako maghihintay sa iyo.” Kaya nagdala si Joab ng tatlong sibat sa kaniyang kamay at isinaksak ang mga ito sa puso ni Absalom, habang buhay pa siya at nakabitin mula sa kahoy.
Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, Hindi ako makatitigil ng ganito sa iyo. At siya'y kumuha ng tatlong pana sa kaniyang kamay at pinalagpas sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buhay pa sa gitna ng ensina.
15 Pagkatapos pumaligid ang sampung binatang kalalakihang tagadala ng sandata ni Joab kay Absalom, sinalakay siya at pinatay.
At sangpung bataan na tagadala ng sandata ni Joab ay kumubkob at sinaktan si Absalom, at pinatay siya.
16 Pagkatapos hinipan ni Joab ang trumpeta at bumalik ang hukbo mula sa pagtugis sa Israel, dahil pinabalik ni Joab ang hukbo.
At hinipan ni Joab ang pakakak, at ang bayan ay bumalik na mula sa paghabol sa Israel: sapagka't pinigil ni Joab ang bayan.
17 Kinuha nila si Absalom at itinapon siya sa isang malaking hukay sa kagubatan; inilibing nila ang kaniyang katawan sa ilalim ng isang malaking tumpok ng mga bato, habang tumatakas ang buong Israel, ang bawat tao sa kanilang sariling tahanan.
At kanilang kinuha si Absalom at inihagis nila siya sa malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato: at ang buong Israel ay tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.
18 Ngayon si Absalom, Nang buhay pa siya, nagtayo siya para sa kaniyang sarili ng isang malaking haliging bato sa Lambak ng Hari, dahil sinabi niya, “Wala akong anak na lalaki para ipagpatuloy ang alaala ng aking pangalan.” Pinangalanan niya ang haligi kasunod sa kaniyang sariling pangalan, kaya tinawag itong Bantayog ni Absalom hanggang sa araw na ito.
Si Absalom nga sa kaniyang kabuhayan ay nagpasiya at nagtayo sa ganang kaniya ng haligi, na pinaka alaala, na nasa libis ng hari: sapagka't kaniyang sinasabi, Wala akong anak na magiingat ng alaala ng aking pangalan: at kaniyang tinawag ang haligi ng ayon sa kaniyang sariling pangalan: at tinawag na monumento ni Absalom, hanggang sa araw na ito.
19 Pagkatapos sinabi ni Ahimaaz anak na lalaki ni Zadok, “Pahintulutan mo akong tumakbo ngayon sa hari dala ang mabuting balita, kung paano siya iniligtas ni Yahweh mula sa kaniyang mga kaaway.”
Nang magkagayo'y sinabi ni Ahimaas na anak ni Sadoc, Patakbuhin mo ako ngayon, at magdala ng balita sa hari, kung paanong iginanti siya ng Panginoon sa kaniyang kaaway.
20 Sinagot siya ni Joab, “Hindi ka magiging tagapagdala ng balita ngayon; dapat mong gawin ito sa ibang araw. Ngayon hindi ka magdadala ng balita dahil patay ang anak na lalaki ng hari.”
At sinabi ni Joab sa kaniya, Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito: kundi magdadala ka ng balita sa ibang araw: nguni't sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagka't ang anak ng hari ay namatay.
21 Pagkatapos sinabi ni Joab sa isang Cusita, “Humayo ka, sabihin sa hari kung ano ang iyong nakita.” Yumukod ang Cusita kay Joab at tumakbo.
Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, Yumaon ka na saysayin mo sa hari kung ano ang iyong nakita. At ang Cusita ay yumukod kay Joab, at tumakbo.
22 Pagkatapos sinabing muli ni Ahimaaz anak na lalaki ni Zadok kay Joab, “Kahit anuman ang mangyari, pakiusap pahintulutan mo rin akong tumakbo at sundan ang Cusita.” Sumagot si Joab, “Bakit gusto mong tumakbo, anak ko, nakikitang wala kang gantimpala para sa balita?”
Nang magkagayo'y nagsabi pa uli si Ahimaas na anak ni Sadoc kay Joab, Nguni't sa anomang kahinatnan, isinasamo ko sa iyo, na ako naman ay iyong patakbuhin na kasunod ng Cusita. At sinabi ni Joab, Bakit tatakbo ka, anak ko, dangang wala kang mapapala ng dahil sa balita?
23 “Anuman ang mangyayari,” sabi ni Ahimaaz, “Tatakbo ako.” Kaya sinagot siya ni Joab, “Takbo.” Pagkatapos tumakbo si Ahimaaz sa daan ng kapatagan at naunahan ang Cusita.
Nguni't sa anomang kahinatnan, ako'y tatakbo. At sinabi niya sa kaniya, Tumakbo ka. Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaas sa daan ng kapatagan, at inunahan ang Cusita.
24 Ngayon nakaupo si David sa pagitan ng mga panloob at panlabas ng tarangkahan. Umakyat ang bantay sa bubong ng tarangkahan sa pader at itinaas ang kaniyang mata. Habang nakatingin siya, nakakita siya ng isang taong papalapit, mag-isang tumatakbo.
Si David nga ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan: at ang bantay ay sumampa sa ibabaw ng pintuang-bayan, sa kuta, at itinanaw ang kaniyang mga mata, at tumingin, at narito, isang lalake ay tumatakbong nagiisa.
25 Sumigaw ang bantay at sinabihan ang hari. Pagkatapos sinabi ng hari, “Kung nag-iisa siya, may balita sa kaniyang bibig.” Dumating ang mananakbo at lumapit sa lugnsod.
At sumigaw ang bantay, at isinaysay sa hari. At sinabi ng hari, Kung siya'y nagiisa, may balita sa kaniyang bibig. At siya'y nagpatuloy at lumapit.
26 Pagkatapos napansin ng bantay ang isa pang taong tumatakbo at tinawag ng bantay ang bantay ng tarangkahan; sinabi niya, “Tingnan mo, may isa pang lalaking mag-isang tumatakbo.” Sinabi ng hari, “Nagdadala rin siya ng balita.”
At ang bantay ay nakakita ng ibang lalake na tumatakbo at tinawag ng bantay ang tanod-pinto, at sinabi, Narito, may ibang lalake na tumatakbong nagiisa. At sinabi ng hari, Siya'y may dala ring balita.
27 Kaya sinabi ng bantay, “Sa palagay ko ang pagtakbo ng lalaking nasa harapan ay katulad ng pagtakbo ni Ahimaaz anak na lalaki ni Zadok.” Sinabi ng hari, “Mabuti siyang tao at parating siya na may mabuting balita.”
At sinabi ng bantay, Inaakala ko na ang takbo ng una ay gaya ng takbo ni Ahimaas na anak ni Sadoc. At sinabi ng hari, Siya'y mabuting lalake at napariritong may mabuting balita.
28 Pagkatapos sumigaw si Ahimaaz at sinabi sa hari, “Mabuti ang lahat.” At iniyukod niya ang kaniyang sarili sa harapan ng hari na nakadikit ang kaniyang mukha sa lupa at sinabing, “Pagpalain si Yahweh na iyong Diyos, na siyang nagbigay sa mga lalaking nagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoong hari.”
At tumawag si Ahimaas at nagsabi sa hari, Lahat ay mabuti. At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, Purihin ang Panginoon mong Dios, na nagbigay ng mga lalaking nagsipagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoon na hari.
29 Kaya sumagot ang hari, “Nasa mabuting kalagayan ba ang binatang si Absalom? Sumagot si Ahimaaz, “Nang pinadala ako ni Joab, ang lingkod ng hari, sa iyo, hari, nakita ko ang isang malaking kabalisahan, pero hindi ko alam kung ano ito.”
At sinabi ng hari, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot si Ahimaas. Nang suguin ni Joab, ang lingkod ng hari, sa makatuwid baga'y ako na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking pagkakagulo, nguni't hindi ko nalalaman kung ano.
30 Pagkatapos sinabi ng hari, “Lumihis at tumayo rito.” Kaya lumihis si Ahimaaz, at nanatiling nakatayo.
At sinabi ng hari, Pumihit ka, at tumayo ka rito. At siya'y pumihit at tumayo.
31 Pagkatapos kaagad namang dumating ang Cusita at sinabing, “May mabuting balita para sa aking panginoong hari, dahil ipinaghiganti ka ni Yahweh sa araw na ito mula sa lahat ng nag-alsa laban sa iyo.”
At, narito, ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, Balita sa aking panginoon na hari: sapagka't iginanti ka ng Panginoon sa araw na ito doon sa lahat na nagsibangon laban sa iyo.
32 Pagkatapos sinabi ng hari sa Cusita, “Nasa mabuting kalagayan ba ang binatang si Absalom?” Sumagot ang Cusita, “Ang mga kaaway ng aking panginoong hari at ang lahat nang nag-alsa laban sa iyo, ay dapat matulad pinsala na nangyari sa binatang iyon.”
At sinabi ng hari sa Cusita, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot ang Cusita, Ang mga kaaway ng aking panginoon na hari, at yaong lahat na nagsibangon laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng binatang yaon.
33 Pagkatapos kinabahan nang matindi ang hari at umakyat siya sa silid sa itaas ng tarangkahan at umiyak. Habang lumalakad nagdalamhati siya, “Absalom anak ko, anak ko, anak kong si Absalom! Ako nalang sana ang namatay sa halip na ikaw, Absalom, anak ko, anak ko!”
At ang hari ay nagulumihanan, at sumampa sa silid na nasa ibabaw ng pintuang bayan, at umiyak: at habang siya'y yumayaon, ganito ang sinasabi niya, Oh anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Mano nawa'y ako ang namatay na kahalili mo, Oh Absalom, anak ko, anak ko!