< 2 Samuel 14 >

1 Ngayon, nahalata ni Joab anak na lalaki ni Zeruias na naghahangad ang puso ng hari na makita si Absalom.
Nahalata nga ni Joab, na anak ni Sarvia, na ang puso ng hari ay nahihilig kay Absalom.
2 Kaya nagpadala ng salita si Joab sa Tekoa at nagpadala ng isang matalinong babae sa kaniya. Sinabi niya sa kaniya, “Pakiusap magkunwaring ikaw ay isang taong nagdadalamhati at magsuot ng damit panluksa. Pakiusap huwag pahiran ang iyong sarili ng langis, pero maging katulad ng isang babaeng nagluluksa ng magtagal na panahon para sa patay.
At nagsugo si Joab sa Tecoa, at nagdala mula roon ng isang pantas na babae, at sinabi sa kaniya, Isinasamo ko sa iyong ikaw ay magpakunwari na tagapanaghoy at magluksa, at huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magpakunwaring isang babae na mahabang panahon na tumatangis dahil sa isang namatay:
3 Pagkatapos pumunta sa hari at sabihin sa kaniya ang tungkol sa kung ano ang aking ilalarawan.” Kaya sinabi ni Joab sa kaniya ang mga salita kaniyang sasabihin sa hari.
At pasukin mo ang hari, at magsalita ka ng ganitong paraan sa kaniya. Sa gayo'y inilagay ni Joab ang mga salita sa kaniyang bibig.
4 Nang makipag-usap sa hari ang babaeng mula sa Tekoa, nagpatirapa siya sa lupa at sinabi, “Tulungan mo ako, hari.”
At nang magsalita ang babae sa Tecoa sa hari, ay nagpatirapa sa lupa, at nagbigay galang, at nagsabi: Tulungan mo ako, Oh hari.
5 Sinabi ng hari sa kaniya, “Anong problema?” Sumagot siya, “Ang katotohanan isa akong balo at patay na ang aking asawa.
At sinabi ng hari sa kaniya, Anong mayroon ka? At siya'y sumagot: Sa katotohanan ako'y bao, at ang aking asawa ay patay na.
6 Ako na iyong lingkod ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, nag-away silang dalawa sa bukid at walang sinumang umawat sa kanila. Pinalo ng isa ang isa at pinatay siya.
At ang iyong lingkod ay may dalawang anak, at silang dalawa'y nagaway sa parang at walang maghiwalay sa kanila, kundi sinaktan ng isa ang isa, at pinatay siya.
7 At ngayon nag-alsa laban sa iyong lingkod ang buong angkan at sinabi nila, “Isuko ang lalaking pumalo sa kaniyang kapatid, para mapatay namin siya, para bayaran ang buhay ng kaniyang kapatid na kaniyang pinatay.' At kaya sisirain din nila ang tagapagmana. Samakatwid papawiin nila ang nagliliyab na uling na natitira sa akin at walang iiwan para sa aking asawa maging pangalan ni kaapu-apuhan sa ibabaw ng mundo.”
At, narito, ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, Ibigay mo siya na sumakit sa kaniyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kaniyang kapatid na kaniyang pinatay, at sa gayo'y iwasak namin ang tagapagmana naman; ganito nila papatayin ang aking baga na nalabi; at walang iiwan sa aking asawa kahit pangalan o anomang labi sa balat ng lupa.
8 Kaya sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka sa iyong bahay at mag-uutos ako ng isang bagay na gagawin para sa iyo.”
At sinabi ng hari sa babae, Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y magbibilin tungkol sa iyo.
9 Sumagot sa hari ang babae ng Tekoa, “Aking panginoon, hari, nawa'y sa akin at sa pamilya ng aking ama ang kasalanan. Walang kasalanan ang hari at kaniyang trono.”
At ang babae sa Tecoa ay nagsabi sa hari: Panginoon ko, Oh hari, ang kasamaan ay suma akin nawa, at sa sangbahayan ng aking ama: at ang hari at ang kaniyang luklukan ay mawalan nawa ng sala.
10 Sumagot ang hari, “Sinuman ang magsasabi ng anumang bagay sa iyo, dalhin mo siya sa akin at hindi ka niya mahahawakan kailanman.”
At sinabi ng hari, Sinomang magsabi sa iyo ng anoman, dalhin mo sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa.
11 Pagkatapos sinabi niya, “Pakiusap, nawa'y isipin ng hari si Yahweh na iyong Diyos, para hindi na makasira ng sinuman ang tagapaghiganti ng dugo, para hindi nila wasakin ang aking anak.” Sumagot ang hari, “Habang nabubuhay si Yahweh, walang isang buhok ng iyong anak ang mahuhulog sa lupa.”
Nang magkagayo'y sinabi niya, Isinasamo ko sa iyo, na alalahanin ng hari ang Panginoon mong Dios, na huwag patayin ng mapanghiganti sa dugo kailan man, baka kanilang ibuwal ang aking anak. At kaniyang sinabi: Buhay ang Panginoon, walang buhok ng iyong anak na mahuhulog sa lupa.
12 Pagkatapos sinabi ng babae, “Pakiusap hayaang magsalita pa ang iyong lingkod sa aking panginoon na hari.” Sinabi niya, “Magsalita ka.”
Nang magkagayo'y sinabi ng babae: Pahintulutan mo ang iyong lingkod, isinasamo ko sa iyo, na magsalita ng isang salita sa aking panginoon na hari. At kaniyang sinabi, Sabihin mo.
13 Kaya sinabi ng babae, “Sa gayon bakit ka nag-iisip ng ganoong bagay laban sa mga tao ng Diyos? Dahil sa pagsasabi ng bagay na ito, ang hari ay katulad ng isang tao na makasalanan, dahil hindi na ibinalik pauwi ng hari ang pinalayas niyang anak.
At sinabi ng babae, Bakit nga iyong inakala ang gayong bagay laban sa bayan ng Dios? sapagka't sa pagsasalita ng ganitong salita ay parang may sala ang hari, dangang hindi ipinabalik ng hari ang kaniyang sariling itinapon.
14 Dahil dapat mamatay tayong lahat at katulad ng tubig na natapon sa lupa na hindi na maaaring matipong muli. Pero hindi kumukuha ng buhay ang Diyos; sa halip, hahanap siya ng isang paraan para ibalik ang isang pinaalis mula sa kaniyang sarili.
Sapagka't tayo'y mamamatay na walang pagsala at gaya ng tubig na mabubuhos sa lupa, na hindi mapupulot uli: ni nagaalis man ang Dios ng buhay, kundi humahanap ng paraan na siya na itinapon ay huwag mamalagi na tapon sa kaniya.
15 Pagkatapos ngayon, sa pagkakakita na pumarito ako para sabihin ang bagay na ito sa panginoon ko na hari, Ito ay dahil tinakot ako ng mga tao. Kaya sinabi ng iyong lingkod sa kaniyang sarili, 'Makikipag-usap ako ngayon sa hari. Marahil gagawin ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.
Ngayon nga'y kung kaya't ako'y naparito upang salitain ang salitang ito sa aking panginoon na hari, ay sapagka't tinakot ako ng bayan: at sinabi ng iyong lingkod, Ako'y magsasalita sa hari; marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.
16 Dahil pakikinggan ako ng hari, para iligtas ang kaniyang lingkod mula sa kamay ng lalaki na sisira sa akin at sa aking anak ng sama-sama, mula sa pamana ng Diyos.'
Sapagka't didinggin ng hari upang iligtas ang kaniyang lingkod sa kamay ng lalake na nagiibig magbuwal sa akin at sa aking anak na magkasama sa mana ng Dios.
17 Pagkatapos nanalangin ang iyong lingkod, “Yahweh, pakiusap hayaang magbigay ginhawa sa akin ang salita ng aking amo na hari, dahil gaya ng isang anghel ng Diyos, gayon din ang aking amo na hari sa pagsasabi ng mabuti mula sa masama.' Makasama mo nawa si Yahweh na iyong Diyos.”
Nang magkagayo'y sinabi ng iyong lingkod, Isinasamo ko sa iyo na ang salita ng aking panginoon na hari ay sa ikaaaliw: sapagka't kung paano ang anghel ng Dios, ay gayon ang aking panginoon na hari na magdilidili ng mabuti at masama: at ang Panginoong iyong Dios ay sumaiyo nawa.
18 Pagkatapos sumagot ang hari at sinabi sa babae, “Pakiusap huwag itago mula sa akin ang anumang bagay na aking tinatanong sa iyo.” Sumagot ang babae, “Hayaang magsalita ngayon ang aking panginoon na hari.”
Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi sa babae, Huwag mong ikubli sa akin, isinasamo ko sa iyo, ang anoman na aking itatanong sa iyo. At sinabi ng babae, Magsalita nga ang aking panginoon na hari.
19 Sinabi ng hari, “Kasama mo ba ang kamay ni Joab sa lahat ng ito?” Sumagot ang babae at sinabi, “Habang buhay ka, aking panginoon na hari, walang isa mang makakatakas sa iyong kanang kamay o sa kaliwa mula sa anumang bagay na sinabi ng aking panginoon na hari. Ang iyong lingkod na si Joab ang siyang nag-utos sa akin at sinabi sa akin ang mga bagay na ito na sinabi ng iyong lingkod.
At sinabi ng hari, sumasaiyo ba ang kamay ni Joab sa bagay na ito? At sumagot ang babae at nagsabi, Buhay ang iyong kaluluwa, panginoon ko na hari, walang makaliliko sa kanan o sa kaliwa sa anoman na sinalita ng aking panginoon na hari, sapagka't ang iyong lingkod na si Joab ay siyang nagutos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod:
20 Ang iyong lingkod na si Joab ang gumawa nito para palitan ang takbo ng pangyayari. Matalino ang aking panginoon, katulad ng katalinuhan ng isang anghel ng Diyos at alam niya ang lahat ng bagay na nangyayari sa lupain.”
Upang baguhin ang anyo ng bagay ay ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito: at ang aking panginoon ay pantas ayon sa karunungan ng anghel ng Dios, na makaalam ng lahat ng mga bagay na nasa lupa.
21 Kaya sinabi ng hari kay Joab, “Tingnan mo ngayon, gagawin ko ang bagay na ito. Pagkatapos pumunta ka at isama pabalik ang binatang si Absalom.”
At sinabi ng hari kay Joab, Narito, ngayon, aking ginawa ang bagay na ito: yumaon ka nga, dalhin mo rito uli ang binatang si Absalom.
22 Kaya nagpatirapa si Joab sa lupa bilang paggalang at pasasalamat sa hari. Sinabi ni Joab, “Ngayon alam ng iyong lingkod na nakasumpong ako ng kabutihang-loob sa iyong paningin, aking panginoon na hari na ginawa ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.''
At nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang, at binasbasan ang hari: at sinabi ni Joab, Ngayo'y talastas ng iyong lingkod na ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko, Oh hari, sa paraang pinayagan ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.
23 Kaya tumayo si Joab, pumunta sa Gesur at dinala si Absalom pabalik sa Jerusalem.
Sa gayo'y bumangon si Joab at naparoon sa Gessur, at dinala si Absalom sa Jerusalem.
24 Sinabi ng hari, “Maaari siyang bumalik sa kaniyang sariling bahay, pero hindi niya maaaring makita ang aking mukha.” Kaya bumalik si Absalom sa kaniyang sariling bahay, pero hindi nakita ang mukha ng hari.
At sinabi ng hari, Bumalik siya sa kaniyang sariling bahay, nguni't huwag makita ang aking mukha. Sa gayo'y bumalik si Absalom sa kaniyang sariling bahay, at hindi nakita ang mukha ng hari.
25 Ngayon, walang sinuman sa buong Israel ang pinuri para sa kaniyang kakisigan na higit pa kay Absalom. Walang kapintasan sa kaniya mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.
Sa buong Israel nga'y walang gaya ni Absalom na pinakakapuri dahil sa kagandahan: mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo, ay walang ipipintas sa kaniya.
26 Kapag ginugupit niya ang buhok sa kaniyang ulo sa katapusan ng bawat taon, dahil mabigat ito sa kaniya, tinitimbang niya ang kaniyang buhok; tumitimbang ito ng dalawang daang sekel na sinusukat sa pamamagitan ng pamantayang timbang ng hari.
At pagka kaniyang ipinagugupit ang kaniyang buhok (sa bawa't katapusan nga ng bawa't taon siya ay nagpapagupit: sapagka't mabigat sa kaniya ang buhok kaya't kaniyang ipinagugupit: ) kaniyang tinitimbang ang buhok ng kaniyang ulo na may dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari.
27 Isinilang kay Absalom ang tatlong anak na lalaki at isang anak na babae na ang pangalan ay Tamar. Isa siyang magandang babae.
At ipinanganak kay Absalom ay tatlong lalake, at isang babae, na ang pangala'y Thamar: siya'y isang babae na may magandang mukha.
28 Nanirahan si Absalom sa Jerusalem ng dalawang buong taon na hindi nakikita ang mukha ng hari.
At tumahan si Absalom na dalawang buong taon sa Jerusalem; at hindi niya nakita ang mukha ng hari.
29 Pagkatapos nagpadala ng salita si Absalom kay Joab para ipadala siya sa hari, pero hindi pumunta sa kaniya si Joab. Kaya nagpadala ng salita si Absalom sa pangalawang pagkakataon, pero hindi parin pumunta si Joab.
Nang magkagayo'y pinasuguan ni Absalom si Joab, upang suguin sa hari: nguni't hindi siya naparoon sa kaniya: at siya'y nagsugo na ikalawa, nguni't siya'y ayaw paroon.
30 Kaya sinabi ni Absalom sa kaniyang mga lingkod, “Tingnan, malapit sa akin ang bukid ni Joab at mayroon siyang sebada roon. Puntahan ninyo at sunugin ito.” Kaya sinunog ng mga lingkod ni Absalom ang bukid.
Kaya't kaniyang sinabi sa kaniyang mga alipin: Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon; yumaon kayo, at silaban ninyo. At sinilaban ng mga alipin ni Absalom ang bukid.
31 Pagkatapos tumayo si Joab at pumunta sa bahay ni Absalom at sinabi sa kaniya, “Bakit sinunog ng iyong mga lingkod ang aking bukid?”
Nang magkagayo'y bumangon si Joab, at naparoon kay Absalom sa kaniyang bahay, at nagsabi sa kaniya, Bakit sinilaban ng iyong alipin ang aking bukid?
32 Sumagot si Absalom kay Joab, “Tingnan, nagpadala ako ng salita sa iyo na nagsasabing, 'Pumarito ka para maaaring maipadala kita sa hari para sabihin na, “Bakit pa ako pumarito mula sa Gesur? Mas mabuti pang nanatili ako roon. Kaya ngayon hayaan akong makita ang mukha ng hari at kung nagkasala ako, hayaan siyang patayin ako."”'
At sinagot ni Absalom si Joab, Narito, ako'y nagpasugo sa iyo, na nagpasabi, Parito ka, upang aking masugo ka sa hari, na magsabi, Sa anong kapararakan naparoon ako mula sa Gessur? lalong mabuti sa akin na tumigil doon. Ngayon nga'y ipakita mo sa akin ang mukha ng hari; at kung may kasamaan sa akin, patayin niya ako.
33 Kaya pumunta si Joab sa hari at sinabihan siya. Nang pinatawag ng hari si Absalom, pumunta siya sa hari at yumukod nang mababa sa lupa sa harapan ng hari at hinagkan ng hari si Absalom.
Sa gayo'y naparoon si Joab sa hari at isinaysay sa kaniya: at nang kaniyang matawag na si Absalom, siya'y naparoon sa hari, at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at hinagkan ng hari si Absalom.

< 2 Samuel 14 >