< 2 Mga Hari 3 >

1 Ngayon sa ikalabing walong taon na paghahari ni haring Jehosafat hari ng Juda, si Joram anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa buong Israel sa Samaria; naghari siya ng labindalawang taon.
Si Joram nga na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari sa Israel sa Samaria nang ikalabing walong taon ni Josaphat na hari sa Juda, at nagharing labing dalawang taon.
2 Gumawa siya ng kasamaan sa paningin ni Yahweh, pero hindi gaya ng kaniyang ama at ina; dahil tinanggal niya ang sagradong posteng bato ni Baal na ginawa ng kaniyang ama.
At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; nguni't hindi gaya ng kaniyang ama, at ng kaniyang ina: sapagka't kaniyang inalis ang haligi na pinakaalaala kay Baal na ginawa ng kaniyang ama.
3 Gayun pa man, sumunod siya sa mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagsanhi sa Israel na magkasala; hindi siya lumayo sa kanila.
Gayon ma'y lumakip siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel; hindi niya hiniwalayan.
4 Ngayon, nagparami ng tupa si Mesa hari ng Moab. Kailangan niyang magbigay sa hari ng Israel ng 100, 000 kordero at 100, 000 ng balahibo ng tupa.
Si Mesa nga na hari sa Moab ay may mga tupa; at siya'y nagbubuwis sa hari sa Israel ng balahibo ng isang daang libong kordero at ng isang daang libong lalaking tupa.
5 Pero pagkatapos mamatay ni haring Ahab, nagrebelde ang hari ng Moab laban sa hari ng Israel.
Nguni't nangyari nang mamatay si Achab, na ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa hari sa Israel.
6 Kaya sa oras na iyon, iniwan si Haring Joram ang Samaria para tipunin ang mga Israelita para sa digmaan.
At ang haring Joram ay lumabas sa Samaria nang panahong yaon, at hinusay ang buong Israel.
7 Nagpadala siya ng mensahe kay Jehosafat hari ng Juda, nagsasabing, “nagrebelde ang hari ng Moab laban sa akin. Sasamahan mo ba ako sa labanan sa Moab?” Sumagot si Jehosafat, “Pupunta ako. Ikaw at ako ay iisa, ang aking bayan ay iyong bayan, ang aking mga kabayo ay iyong mga kabayo.”
At siya'y yumaon, at nagsugo kay Josaphat na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa akin: yayaong ka ba na kasama ko laban sa Moab upang bumaka? At kaniyang sinabi, Ako'y aahon: ako'y gaya mo, ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan, ang aking mga kabayo ay gaya ng iyong mga kabayo.
8 Pagkatapos kaniyang sinabi, “Saang daanan tayo lulusob?” sumagot si Jehosafat, “Sa daanan sa disyerto ng Edom.”
At kaniyang sinabi, Sa aling daan magsisiahon tayo? At siya'y sumagot, Sa daan ng ilang ng Edom.
9 Kaya ang mga hari ng Israel, Juda, at Edom ay naglakad nang halos paikot ng pitong araw. Walang tubig ang matagpuan para sa mga hukbo, ni para sa mga kabayo o ibang mga hayop.
Sa gayo'y yumaon ang hari sa Israel, at ang hari sa Juda, at ang hari sa Edom: at sila'y nagsiligid ng pitong araw na paglalakbay; at walang tubig para sa hukbo, o sa mga hayop man na nagsisisunod sa kanila.
10 Kaya sinabi ng hari ng Israel, “Ano ito? Tinawag ba ni Yahweh ang tatlong hari ng magkakasama para talunin ng Moab?”
At sinabi ng hari sa Israel, Sa aba natin! sapagka't tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito na magkakasama upang ibigay sa kamay ng Moab.
11 Pero sinabi ni Jehosafat, “Wala ba ritong propeta ni Yahweh, para makapagsangguni tayo kay Yahweh sa pamamagitan niya?” Isa sa mga alipin ng hari ng Israel ang sumagot at sinabi, “Nandito si Eliseo anak ni Safat, ang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.”
Nguni't sinabi ni Josaphat, Wala ba ritong isang propeta ng Panginoon, upang tayo'y makapagusisa sa Panginoon sa pamamagitan niya? At isa sa mga lingkod ng hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Si Eliseo na anak ni Saphat ay nandito na nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.
12 Sinabi ni Jehosafat, “Nasasakaniya ang salita ni Yahweh.” Kaya pinuntahan siya ni Jehosafat hari ng Israel, at ng hari ng Edom.
At sinabi ni Josaphat, Ang salita ng Panginoon ay sumasa kaniya. Sa gayo'y binaba siya ng hari sa Israel, at ni Josaphat at ng hari sa Edom.
13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Ano ang kinalaman ko sa iyo? Pumunta ka sa mga propeta ng iyong ama at ina.” Kaya sinabi ng hari ng Israel sa kaniya, “Hindi, dahil tinawag kaming tatlong hari ni Yahweh, para matalo kami ng Moab.”
At sinabi ni Eliseo sa hari sa Israel, Anong ipakikialam ko sa iyo? pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama, at sa mga propeta ng iyong ina. At sinabi ng hari sa Israel sa kaniya, Hindi; sapagka't tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito na magkakasama upang ibigay sila sa kamay ng Moab.
14 Sumagot si Eliseo, “Hanggang nabubuhay si Yahweh ng mga hukbo, na siyang aking pinanaligan, kung hindi ko lang totoong ginagalang ang presensya ni Jehosafat hari ng Juda, ni hindi kita papansinin, o titingnan.
At sinabi ni Eliseo, Buhay ang Panginoon ng mga hukbo, na nakatayo ako sa harap niya, tunay na kung wala akong pagtingin sa harap ni Josaphat na hari sa Juda, hindi kita lilingapin, ni titingnan man.
15 Pero magdala kayo ngayon ng isang manunugtog.” At nang tapos na ang pagtugtog ng manunugtog ng alpa, lumapit ang kamay ni Yahweh kay Eliseo.
Nguni't ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog. At nangyari, nang ang manunugtog ay tumugtog, na ang kamay ng Panginoon ay suma kaniya.
16 Sinabi niya, “Sinabi ito ni Yahweh, 'Gawan ninyo ang tuyong ilog na ito ng maraming kanal.'
At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.
17 Dahil sinabi ito ni Yahweh, 'Hindi kayo makakakita ng hangin, ni makakakita ng ulan, pero mapupuno ng tubig ang ilog na ito, at iinom kayo, ikaw at inyong mga baka at lahat ng inyong mga alagang hayop.'
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y hindi makakakita ng hangin, ni kayo'y makakakita man ng ulan; gayon ma'y ang libis na yaon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y iinom, kayo at gayon din ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.
18 Madaling bagay lamang ito sa paningin ni Yahweh. Bibigyan niya din kayo ng tagumpay laban sa mga Moabita.
At ito'y isang bagay na magaan sa paningin ng Panginoon: kaniya rin namang ibibigay ang mga Moabita sa inyong kamay.
19 Lulusob kayo sa bawat matitibay na lungsod at magagandang lungsod, puputulin ang bawat magagandang puno, ihihinto ang lahat ng tubig na bukal, at sisirain ang bawat magagandang bahagi ng lupain sa pamamagitan ng bato.”
At inyong sasaktan ang bawa't bayang nakukutaan, at ang bawa't piling bayan, at inyong ibubuwal ang bawa't mabuting punong kahoy, at inyong patitigilin ang lahat na bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawa't mabuting bahagi ng lupain.
20 Kaya kinaumagahan, nang halos oras na ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig sa direksyon ng Edom; napuno ang bansa ng tubig.
At nangyari, sa kinaumagahan, sa may panahon ng paghahandog ng alay, na, narito, humuho ang tubig sa daan ng Edom, at ang lupain ay napuno ng tubig.
21 Nang narinig ng lahat ng Moabita na dumating ang mga hari para lumaban sa kanila, tinipon nila ang kanilang mga sarili, lahat nang may kakayahan na magsuot ng baluti, at tumayo sila sa hangganan.
Nang mabalitaan nga ng lahat na Moabita na ang mga hari ay nagsiahon upang magsilaban sa kanila, ay nagpipisan silang lahat na makapagsasakbat ng sandata at hanggang sa katandatandaan, at nagsitayo sa hangganan.
22 Gumising sila nang maaga at sumalamin ang araw sa tubig. Nang nakita ito ng mga Moabita, ang tubig sa kanilang banda, mukhang kasing pula ng dugo.
At sila'y nagsibangong maaga nang kinaumagahan, at ang araw ay suminag sa tubig, at nakita ng mga Moabita ang tubig sa tapat nila na mapulang gaya ng dugo: at kanilang sinabi,
23 Sumigaw sila, “Dugo ito! Tiyak na nawasak na ang mga hari, at pinatay nila ang isa't-isa! Kaya ngayon, Moab, Nakawan na natin sila!”
Ito'y dugo; ang mga hari ay walang pagsalang lipol, at sinaktan ng bawa't isa sa kanila ang kaniyang kasama: ngayon nga, Moab, sa pagsamsam.
24 Nang dumating sila sa kampo ng Israel, binigla sila ng mga Israelita at nilusob ang mga Moabita, na tumakas mula sa kanila. Hinabol ng mga hukbo ng Israel ang mga Moabita sa kabilang lupain at pinatay sila.
At nang sila'y dumating sa kampamento ng Israel, ang mga taga Israel ay nagsitindig, at sinaktan ang mga Moabita, na anopa't sila'y tumakas sa harap nila; at sila'y nagpatuloy sa lupain na sinasaktan ang mga Moabita.
25 Winasak ng Israel ang mga lungsod, at sa bawat magagandang bahagi ng lupain, naghahagis ang bawat tao ng bato at napuno ng bato ang mayabong na mga sakahan. Pinahinto nila ang lahat ng bukal ng tubig at pinutol ang lahat ng magagandang puno, maliban lamang sa Kir-Haseret, kung saan iniwan nila ang mga bato sa lugar. Pero inatake ito ng mga sundalong may tirador.
At kanilang giniba ang mga bayan at sa bawa't mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawa't tao ng kaniyang bato, at pinuno; at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat na mabuting punong kahoy, hanggang sa Cir-hareseth lamang nagiwan ng mga bato niyaon; gayon ma'y kinubkob ng mga manghihilagpos, at sinaktan.
26 Nang nakita ni Haring Mesa ng Moab na natalo na sila sa laban, sinama niya ang pitong-daan na mga lalaking gumagamit ng espada para lusubin ang hari ng Edom, pero nabigo sila.
At nang makita ng hari sa Moab na ang pagbabaka ay totoong malala sa ganang kaniya ay nagsama siya ng pitong daang lalake na nagsisihawak ng tabak, upang dumaluhong sa hari sa Edom: nguni't hindi nila nagawa.
27 Pagkatapos, sinama niya ang kaniyang panganay, na maghahari sana pagkatapos niya, hinandog niya ito bilang susunuging alay sa pader. Kaya nagkaroon ng labis na galit laban sa Israel, at iniwan ng hukbo ng Israelita si Haring Mesa at bumalik sa kanilang sariling lupain.
Nang magkagayo'y kinuha niya ang kaniyang pinaka matandang anak na maghahari sana na kahalili niya, at inihandog niya na pinakahandog na susunugin sa ibabaw ng kuta. At nagkaroon ng malaking galit laban sa Israel: at kanilang nilisan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain.

< 2 Mga Hari 3 >