< 2 Mga Cronica 33 >
1 Labing dalawang taong gulang si Manases nang nagsimula siyang maghari; naghari siya ng limampu't limang taon sa Jerusalem.
2 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, tulad ng mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga tao na pinalayas ni Yahweh bago dumating ang mga mamamayan ng Israel.
3 Sapagkat itinayo niyang muli ang dambana na giniba ni Ezequias, na kaniyang ama, nagpagawa siya ng altar para kay Baal, at nagtayo siya ng imahen ni Ashera, at lumuhod siya upang sambahin ang lahat ng mga bituin sa langit.
4 Nagtayo si Manases ng mga altar ng mga pagano sa tahanan ni Yahweh, bagaman iniutos ni Yahweh na, “Dito sa Jerusalem sasambahin ang aking pangalan magpakailanman.”
5 Nagtayo siya ng mga altar para sa lahat ng bituin sa langit sa dalawang patyo sa tahanan ni Yahweh.
6 Inihandog niya ang kaniyang mga anak bilang mga handog na susunugin sa lambak ng Ben Hinnom; nagsagawa siya ng panghuhula, pangkukulam at salamangka, at sumangguni sa mga nakikipag-usap sa mga patay at sa mga nakikipag-usap sa espiritu. Marami siyang isinasagawang masasama sa paningin ni Yahweh, at ginalit niya ang Diyos.
7 Ang inukit na imahen ni Ashera na kaniyang pinagawa, inilagay niya ito sa tahanan ng Diyos. Ang tahanang ito ang tinutukoy ng Diyos kay David at sa kaniyang anak na si Solomon. Sinabi niya “Sa bahay na ito at sa Jerusalem, na aking pinili mula sa lahat ng mga tribo ng Israel, dito sasambahin ang aking pangalan magpakailanman.
8 Hindi ko palalayasin ang mga Israelita kailanman sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung maingat lamang nilang susundin ang lahat ng iniutos ko sa kanila, susundin ang lahat ng mga batas, kautusan, at alituntunin na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises.”
9 Pinamunuan ni Manases ang mga taga-Judah at ang mga nakatira sa Jerusalem na gumawa ng masasama ng higit pa sa ginawa ng mga bansang pinuksa ni Yahweh bago dumating ang mga mamamayan ng Israel.
10 Nakipag-usap si Yahweh kay Manases, at sa kaniyang mga tao; ngunit hindi nila pinakinggan.
11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa pinuno ng hukbo ng Hari ng Asiria, na bumihag kay Manases nang nakakadena, at nilagyan ng tanikala ang kanyang mga paa, at dinala siya sa Babilonia.
12 Nang nagdurusa si Manases, nagmakaawa siya kay Yahweh, na kaniyang Diyos at labis siyang nagpakumbaba sa Diyos ng kaniyang mga ninuno.
13 Nanalangin siya sa kaniya; at nagmakaawa siya sa Diyos, at dininig ng Diyos ang kaniyang pagmamakaawa at dinala siya pabalik sa Jerusalem, sa kaniyang pagiging hari. At napagtanto ni Manases na Diyos si Yahweh.
14 Pagkatapos nito, gumawa si Manases ng panlabas na pader sa lungsod ni David, sa kanlurang bahagi ng Gihon, sa lambak, hanggang sa pasukan na tinatawag na Isdang Tarangkahan. Pinalibutan niya ang burol ng Ofel ng mga napakataas na pader. Naglagay siya ng mga matatapang na pinuno ng kawal sa lahat ng mga pinagtibay na lungsod ng Juda.
15 Inalis niya ang mga diyos ng mga dayuhan, inalis niya ang mga diyus-diyosang mula sa tahanan ni Yahweh at lahat ng altar na itinayo niya sa bundok ng tahanan ni Yahweh at sa Jerusalem, at itinapon ang mga ito palabas ng lungsod.
16 Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog doon ng mga handog pangkapayapaan at handog ng pasasalamat; inutusan niya ang Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
17 Gayuman nag-alay pa rin ang mga tao sa dambana, ngunit ang kanilang alay ay kay Yahweh lamang, na kanilang Diyos.
18 Tungkol naman sa iba pang mga bagay ukol kay Manases, ang panalangin niya sa kaniyang Diyos, at ang sinabi ng mga Propetang nakipag-usap sa kaniya sa pangalan ni Yahweh, na Diyos ng Israel, nakasulat ang mga ito sa mga ginawa ng mga hari ng Israel.
19 Gayundin, ang kaniyang panalangin at kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, lahat ng kaniyang kasalanan at paglabag, at ang mga lugar kung saan siya nagtayo ng mga dambana at naglagay ng mga imahen ni Ashera at ng mga inukit na imahe bago siya nagpakumbaba—nakasulat ang mga ito sa Kasayasayan ng mga Propeta.
20 Namatay si Manases kasama ang kaniyang mga ninuno at inilibing siya sa kaniyang sariling bahay. Si Ammon, na kaniyang anak, ang pumalit sa kaniya bilang hari.
21 Dalawampu't dalawang taon si Ammon nang siya ay nagsimulang maghari; naghari siya ng dalawang taon sa Jerusalem.
22 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang amang si Manases. Naghandog siya sa lahat ng inukit na imahe na ginawa ng kaniyang amang si Manases, at sinamba niya ang mga ito.
23 Hindi siya nagpakumbaba sa harapan ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang amang si Manases. Sa halip, lalo pang nagkasala si Ammon.
24 Ang kaniyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kaniya at pinatay siya sa kaniyang sariling bahay.
25 Ngunit pinatay ng mga tao ang lahat ng mga nagsabwatan laban kay haring Ammon, at ginawa nila si Josias, na kaniyang anak, bilang hari na kapalit niya.