< 1 Mga Hari 21 >

1 Dumating ang araw na si Nabot ang taga-Jezreel ay nagkaroon ng ubasan sa Jezreel, malapit sa palasyo ni Ahab, hari ng Samaria.
At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Naboth na Jezreelita ay mayroong isang ubasan na nasa Jezreel, na malapit sa bahay ni Achab na hari ng Samaria.
2 Nakipag-usap si Ahab kay Nabot, sinasabing, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, para magkaroon ako ng hardin para sa gulay, dahil malapit ito sa aking bahay. Bilang kapalit, bibigyan kita ng mas magandang ubasan, o, kung gusto mo, babayaran ko ang halaga nito sa pera.”
At sinalita ni Achab kay Naboth, na sinabi, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang aking tangkilikin na pinaka halamanang pananim, sapagka't malapit sa aking bahay; at aking ipapalit sa iyo na kahalili niyaon ang isang mainam na ubasan kay sa roon; o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyaon na salapi.
3 Sumagot si Nabot kay Ahab, “Nawa'y ipagbawal ni Yahweh na dapat kong ibigay sa iyo ang lupain na ipinamana ng aking mga ninuno.”
At sinabi ni Naboth kay Achab, Huwag itulot ng Panginoon sa akin, na aking ibigay ang mana sa aking mga magulang sa iyo.
4 Kaya umuwi si Ahab sa kaniyang palasyo nagdadamdam at galit dahil sa sagot na ibinigay sa kaniya ni Nabot na taga-Jezreel, “Hindi ko ibibigay sa iyo ang ipinamana ng aking mga ninuno.” Humiga siya sa kaniyang higaan, ibinaling ang kaniyang mukha, at tumangging kumain ng kahit anong pagkain.
At pumasok si Achab sa kaniyang bahay na yamot at lunos dahil sa salita na sinalita ni Naboth na Jezreelita sa kaniya: sapagka't kaniyang sinabi, Hindi ko ibibigay sa iyo ang mana sa aking mga magulang. At siya'y nahiga sa kaniyang higaan, at ipinihit ang kaniyang mukha, at ayaw kumain ng tinapay.
5 Pinuntahan siya ng kaniyang asawang si Jezebel at sinabi sa kaniya, “Bakit napaka lungkot ng iyong puso, kaya ba hindi ka kumain ng pagkain?”
Nguni't si Jezabel na kaniyang asawa ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Bakit ang iyong diwa ay totoong malungkot na hindi ka kumakain ng tinapay?
6 Sumagot siya sa kaniya, “Nakipag-usap ako kay Nabot na taga-Jezreel at sinabi ko sa kaniya, 'Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan kapalit ng pera, o kung ikalulugod mo, bibigyan kita ng ibang ubasan na magiging iyo.' At sumagot siya, 'Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.'”
At sinabi niya sa kaniya, Sapagka't nagsalita ako kay Naboth na Jezreelita, at nagsabi sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa kahalagahang salapi; o kung dili, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan: at siya'y sumagot, Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.
7 Kaya sumagot ang kaniyang asawang si Jezebel, “Hindi ba't pinamumunuan mo pa rin ang kaharian ng Israel? Bumangon ka at kumain; hayaan mo ang iyong puso na magsaya. Kukunin ko ang ubasan ni Nabot na taga-Jezreel para sa iyo.”
At sinabi ni Jezabel na kaniyang asawa sa kaniya, Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? ikaw ay bumangon, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso: aking ibibigay sa iyo ang ubasan ni Naboth na Jezreelita.
8 Kaya sumulat si Jezebel ng mga liham sa pangalan ni Ahab, sinelyuhan ito ng kaniyang mga selyo, at pinadala ito sa mga nakatatanda at sa mayayaman na nakaupo na kasama niya sa mga pagpupulong, at sa naninirahan malapit kay Nabot.
Sa gayo'y sumulat siya ng mga sulat sa pangalan ni Achab, at pinagtatakan ng kaniyang tatak; at ipinadala ang mga sulat sa mga matanda at sa mga maginoo na nangasa kaniyang bayan, at nagsisitahang kasama ni Naboth.
9 Kaniyang isinulat sa liham, “Maghayag ng isang pag-aayuno at iupo si Nabot ng mataas sa mga tao.
At kaniyang isinulat sa mga sulat, na sinasabi, Mangagtanyag kayo ng isang ayuno at ilagay ninyo si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan:
10 Maglagay ng dalawang lalaking hindi tapat kasama niya at hayaan silang tumestigo laban sa kaniya, na magsasabing, 'Sinumpa mo ang Diyos at ang hari.'” At ilabas ninyo siya at pagbabatuhin hanggang mamatay.
At lumagay ang dalawang lalake na mga hamak na tao sa harap niya, at mangagsisaksi laban sa kaniya, na magsipagsabi, Ikaw ay namusong sa Dios at sa hari. At ilabas nga siya, at batuhin siya upang siya'y mamatay.
11 Kaya ang mga tao sa kaniyang lungsod, ang mga nakatatanda at ang mayayaman na naninirahan sa kaniyang lungsod, ay ginawa ang inilarawan ni Jezebel sa kanila, gaya ng nasusulat sa mga liham na kaniyang pinadala sa kanila.
At ginawa ng mga tao sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga'y ng mga matanda at ng mga maginoo na nagsisitahan sa kaniyang bayan, kung ano ang ipinagutos ni Jezabel sa kanila, ayon sa nangasusulat sa mga sulat na kaniyang ipinadala sa kanila.
12 Naghayag sila ng isang pag-aayuno at inupo si Nabot ng mataas sa mga tao.
Sila'y nangagtanyag ng isang ayuno, at inilagay si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan.
13 Dumating ang dalawang lalaki at umupo sa harapan ni Nabot; tumestigo sila laban kay Nabot sa presensya ng mga tao, na nagsasabing, “Isinumpa ni Nabot ang Diyos at ang hari.” Pagkatapos siya ay nilabas nila sa lungsod at pinagbabato hangggang siya ay mamatay.
At ang dalawang lalake na mga hamak na tao ay nagsipasok at nagsiupo sa harap niya: at ang mga lalake na hamak ay nagsisaksi laban sa kaniya, sa makatuwid baga'y laban kay Naboth sa harap ng bayan, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay namusong sa Dios at sa hari. Nang magkagayo'y inilabas nila sa bayan, at binato nila siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay.
14 Pagkatapos ang mga nakatatanda ay nagpadala ng ulat kay Jezebel na nagsasabing, “Pinagbabato si Nabot at ngayon ay patay na.
Nang magkagayo'y sila'y nagsipagsugo kay Jezabel, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay.
15 At nang marinig ni Jezebel na si Nabot ay pinagbabato at patay na, sinabi niya kay Ahab, “Bumangon ka at kunin ang ubasan ni Nabot na taga-Jezreel, na kaniyang tinangging ibigay sa iyo kapalit ng pera, dahil si Nabot ay hindi na buhay, pero patay na.”
At nangyari, nang mabalitaan ni Jezabel na si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay, na sinabi ni Jezabel kay Achab, Ikaw ay bumangon, ariin mo ang ubasan ni Naboth, na Jezreelita na kaniyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi: sapagka't si Naboth ay hindi buhay, kundi patay.
16 Nang marinig ni Ahab na patay na si Nabot, bumangon siya at bumaba sa ubasan ni Nabot na taga-Jezreel at kinuha ito.
At nangyari, nang mabalitaan ni Achab na patay si Naboth, na bumangon si Achab na bumaba sa ubasan ni Naboth na Jezreelita, upang ariin.
17 Pagkatapos ang salita ni Yahweh ay dumating kay Elias na taga-Tisbe, na nagsasabing,
At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na nagsabi,
18 “Bumangon ka at makipagkita kay Ahab na hari ng Israel, na naninirahan sa Samaria. Siya ay nasa ubasan ni Nabot, kung saan siya nagpunta para kunin ito.
Bumangon ka, panaugin mong salubungin si Achab na hari ng Israel, na tumatahan sa Samaria: narito, siya'y nasa ubasan ni Naboth na kaniyang pinapanaog upang ariin.
19 Dapat kang makipag-usap sa kaniya at sabihin na sinasabi ni Yahweh, 'Pumatay ka ba at nagkamkam ng ari-arian?' At sasabihin mo sa kaniya na sinasabi ni Yahweh, 'Sa lugar kung saan dinilaan ng mga aso ang dugo ni Nabot, didilaaan ng mga aso ang iyong dugo, oo, ang iyong dugo.'
At iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyo bang pinatay at iyo rin namang inari? at iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Naboth ay hihimuran ng mga aso ang iyong dugo, sa makatuwid baga'y ang iyong dugo.
20 Sinabi ni Ahab kay Elias, “Natagpuan mo ba ako, aking kaaway?” Sumagot si Elias, “Natagpuan kita, dahil ipinagbili mo ang iyong sarili para gumawa ng kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh.
At sinabi ni Achab kay Elias, Nasumpungan mo ba ako, Oh aking kaaway? At sumagot siya, Nasumpungan kita: sapagka't ikaw ay napabili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
21 Sinasabi ito sa iyo ni Yahweh: 'Masdan mo, magdadala ako sa iyo ng sakuna at lubos na uubusin at kukunin mula sa iyo ang bawat batang lalaki at alipin at malayang lalaki sa Israel.
Narito, aking dadalhan ng kasamaan ka, at aking lubos na papalisin ka, at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't anak na lalake, at ang nakukulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.
22 Ang pamilya mo ay gagawin kong tulad sa pamilya ni Jeroboam anak ni Nebat, at tulad ng pamilya ni Baasa anak ni Ahias, dahil ginalit mo ako at inakay ang Israel na magkasala.'
At aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia, dahil sa pamumungkahi na iyong iminungkahi sa akin sa galit, at iyong pinapagkasala ang Israel.
23 Nagsalita rin si Yahweh ukol kay Jezebel, na nagsasabing, 'Kakainin ng mga aso si Jezebel sa pader ng Jezreel.'
At tungkol kay Jezabel ay nagsalita naman ang Panginoon, na nagsabi, Lalapain ng mga aso si Jezabel sa tabi ng kuta ng Jezreel.
24 Sinumang nabibilang kay Ahab at ang mamamatay sa lungsod—kakainin ng aso ang taong iyon. At sinumang mamamatay sa bukid—kakainin ang taong iyon ng mga ibon sa himpapawid.”
Ang mamatay kay Achab sa bayan ay lalapain ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay tutukain ng mga ibon sa himpapawid.
25 Walang katulad si Ahab, na ibinenta ang kaniyang sarili para gumawa ng kasamaan sa paningin ni Yahweh, na kaniyang asawa na si Jezebel ay inudyukan na magkasala.
(Nguni't walang gaya ni Achab na nagbili ng kaniyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na hinikayat ni Jezabel na kaniyang asawa.
26 Gumawa si Ahab ng nakasusuklam na mga gawain para sa mga diyus-diyosang kaniyang sinundan, tulad nalang ng ginawa ng mga taga-Amoreo, silang mga inalis ni Yahweh sa harapan ng bayan ng Israel.
At siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diosdiosan, ayon sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)
27 Nang marinig ni Ahab ang mga salitang ito, pinunit niya ang kaniyang kasuotan at nagsuot ng damit na sako sa kaniyang katawan at nag-ayuno, at nahiga na nakadamit ng sako at naging labis na malungkot.
At nangyari, nang marinig ni Achab ang mga salitang yaon, na kaniyang hinapak ang kaniyang mga damit, at nagsuot ng kayong magaspang sa kaniyang katawan, at nagayuno, at nahiga sa kayong magaspang, at lumakad ng marahan.
28 Pagkatapos ang salita ni Yahweh ay dumating kay Elias na taga-Tisbe, na nagsasabing,
At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na sinabi,
29 “Nakita mo ba kung paano ibinaba ni Ahab ang kaniya sarili sa aking harapan? Dahil ibinaba niya ang kaniyang sarili sa aking harapan, hindi ko na dadalhin ang darating na sakuna sa kaniyang panahon; dadalhin ko ang sakunang ito sa panahon ng kaniyang anak na lalaki at sa kaniyang pamilya.”
Nakita mo ba kung paanong si Achab ay nagpakababa sa harap ko? sapagka't siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kasamaan sa kaniyang mga kaarawan: kundi sa mga kaarawan ng kaniyang anak dadalhin ko ang kasamaan sa kaniyang sangbahayan.

< 1 Mga Hari 21 >