< 1 Mga Hari 13 >
1 Isang lingkod ng Diyos ang lumabas sa Juda sa pamamagitan ng salita ni Yahweh para sa Bethel. Nakatayo si Jeroboam sa may altar para magsunog ng insenso.
At, narito, dumating ang isang lalake ng Dios na mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Beth-el: at si Jeroboam ay nakatayo sa siping ng dambana upang magsunog ng kamangyan.
2 Ang lingkod ng Diyos ay sumigaw sa harapan ng altar sa pamamagitan ng salita ni Yahweh at sinabi, “Altar, o altar, sinasabi ni Yahweh, 'Tingnan, isang anak na lalaki ang isisilang sa pamilya ni David, sa pangalang Josias, at maghahandog siya sa iyo ng mga pari ng mga dambana na nagsusunog ng insenso sa iyo; susunugin nila ang mga buto ng kalalakihan sa iyo'.”
At siya'y sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, at nagsabi, Oh dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, isang bata'y ipanganganak sa sangbahayan ni David na ang pangalan ay Josias: at sa iyo'y ihahain ang mga saserdote ng mga mataas na dako na nagsisipagsunog ng kamangyan sa iyo, at mga buto ng mga tao ang kanilang susunugin sa iyo.
3 Pagkatapos nagbigay ng isang palatandaan ang lingkod ng Diyos sa araw ding iyon, sinasabi, “Ito ang katunayan na nagsalita si Yahweh: “Masdan ito, ang altar ay mahahati, at ang mga abo na naririto ay ibubuhos.”
At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding yaon, na nagsasabi, Ito ang tanda na sinalita ng Panginoon: Narito, ang dambana ay mababaak, at ang mga abo na nasa ibabaw ay mabubuhos.
4 Nang marinig ng hari kung ano ang sinabi ng lingkod ng Diyos, na siya ay nagsalita laban sa altar ng Bethel, itinaas ni Jeroboam ang kaniyang kamay mula sa altar, na sinasabi, “Hulihin siya.” Pagkatapos ang kamay na itinuro niya laban sa lalaki ay natuyo, sa gayon hindi niya ito maibalik sa kaniyang sarili.
At nangyari, nang marinig ng hari ang sabi ng lalake ng Dios, na kaniyang isinigaw laban sa dambana sa Beth-el, na iniunat ni Jeroboam ang kaniyang kamay mula sa dambana, na sinasabi, Hulihin siya. At ang kaniyang kamay na kaniyang iniunat laban sa kaniya ay natuyo, na anopa't hindi niya napanauli sa dati.
5 Nahati din ang altar, at ibinuhos ang mga abo mula sa altar, tulad ng inilarawan sa pamamagitan ng palatandaan na ibinigay ng lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng salita ni Yahweh.
Ang dambana naman ay nabaak, at ang mga abo ay nabuhos mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng lalake ng Dios ayon sa salita ng Panginoon.
6 Sumagot si Haring Jeroboam at sinabi sa lingkod ng Diyos, “Makiusap ka para sa pabor ni Yahweh na iyong Diyos at ipanalangin ako, sa gayon maaaring maibalik muli sa dating kalagayan ang aking kamay.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Diyos kay Yahweh, at muling naibalik sa dating kalagayan ang kamay ng hari.
At ang hari ay sumagot, at nagsabi sa lalake ng Dios, Isamo mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Dios, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay gumaling. At idinalangin ng lalake ng Dios sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay gumaling uli, at naging gaya ng dati.
7 Sinabi ng hari sa lingkod ng Diyos, “Sumama ka sa aking tahanan at magpalakas, at bibigyan kita ng isang gantimpala.”
At sinabi ng hari sa lalake ng Dios, Umuwi kang kasama ko, at kumain ka, at bibigyan kita ng kagantihan.
8 Sinabi ng lingkod ng Diyos sa hari, “Kahit ibigay mo sa akin ang kalahati ng iyong mga pag-aari, hindi ako sasama sa iyo, ni kakain o iinom sa lugar na ito,
At sinabi ng lalake ng Dios sa hari, Kung ang ibibigay mo sa akin ay kalahati ng iyong bahay ay hindi ako yayaong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito:
9 dahil inutos sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng kaniyang salita, “Hindi ka kakain ng tinapay ni iinom ng tubig, ni babalik sa iyong dinaanan.”
Sapagka't gayon ibinilin sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na sinasabi, Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.
10 Kaya nag-iba ng daanan ang lingkod ng Diyos at hindi nagbalik sa kaniyang tahanan sa daan na kaniyang dinaanan patungo sa Bethel.
Sa gayo'y yumaon siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kaniyang pinanggalingan sa Beth-el.
11 Ngayon mayroong isang matandang propeta na naninirahan sa Bethel, at isa sa mga anak niyang lalaki ay dumating at sinabi sa kaniya ang lahat ng nagawa ng lingkod ng Diyos nang araw na iyon sa Bethel. Sinabi rin ng kaniyang mga anak na lalaki sa kaniya ang mga salita na sinabi ng lingkod ng Diyos sa hari.
Tumatahan nga ang isang matandang propeta sa Beth-el; at isa sa kaniyang mga anak ay naparoon, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng mga gawa na ginawa ng lalake ng Dios sa araw na yaon sa Beth-el: ang mga salita na kaniyang sinalita sa hari, ay siya ring isinaysay nila sa kanilang ama.
12 Sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Saang daan siya nagpunta?” Ngayon itinuro ng mga anak na lalaki ang dinaanan ng lingkod ng Diyos mula sa Juda na pinanggalingan.
At sinabi ng kanilang ama sa kanila, Saan siya napatungo? At itinuro sa kaniya ng kaniyang mga anak ang daang pinatunguhan ng lalake ng Dios na nanggaling sa Juda.
13 Kaya sinabi niya sa kaniyang mga anak na lalaki, “lhanda ang asnong sasakyan ko.” Kaya inihanda nila ang asno at sinakyan niya ito.
At sinabi niya sa kaniyang mga anak, Siyahan ninyo sa akin ang asno. Sa gayo'y kanilang siniyahan ang asno sa kaniya: at kaniyang sinakyan.
14 Sinundan ng matandang propeta ang lingkod ng Diyos at inabutan siyang nakaupo sa ilalim ng puno ng ensena; at sinabi niya sa kaniya, “Ikaw ba ang lingkod ng Diyos na nanggaling mula sa Juda?” Sumagot siya, “Ako nga.”
At kaniyang sinundan ang lalake ng Dios, at nasumpungan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng encina: at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ba ang lalake ng Dios na nanggaling sa Juda? At sinabi niya, Ako nga.
15 Pagkatapos sinabi sa kaniya ng matandang propeta, “Sumama ka sa aking tahanan at kumain ka.”
Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Umuwi kang kasama ko, at kumain ng tinapay.
16 Sumagot ang lingkod ng Diyos, “Hindi ako maaaring sumama sa iyo pabalik ni magpunta sa inyo, hindi rin ako maaaring kumain ni uminom sa inyo sa lugar na ito,
At sinabi niya, Hindi ako makababalik na kasama mo, o makapapasok na kasama mo: ni makakakain man ng tinapay o makaiinom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito:
17 dahil ito ay iniutos sa akin sa pamamagitan ng salita ni Yahweh, “Hindi ka kakain ni iinom nang tubig doon, ni magbabalik sa iyong dinaanan.”
Sapagka't isinaysay sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon. Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man na yumaon sa daan na iyong pinanggalingan.
18 Kaya sinabi ng matandang propeta sa kaniya, “Ako ay isa ring propetang tulad mo, at isang anghel ang nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ni Yahweh, sinasabing, “Isama mo siya pabalik sa iyong bahay, para maaari siyang kumain at uminom ng tubig.” Pero siya ay nagsisinungaling sa lingkod ng Diyos.
At sinabi niya sa kaniya, Ako man ay propeta na gaya mo; at isang anghel ay nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na nagsasabi, Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig. Nguni't siya'y nagbulaan sa kaniya.
19 Kaya sumama ang lingkod ng Diyos sa matandang propeta at kumain sa kaniyang tahanan at uminom ng tubig.
Sa gayo'y bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kaniyang bahay at uminom ng tubig.
20 Habang sila ay nakaupo sa hapagkainan, ang salita ni Yahweh ay dumating sa propeta na nagdala sa kaniya,
At nangyari, samantalang sila'y nauupo sa dulang, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kaniya:
21 at sumigaw siya sa lingkod ng Diyos na nanggaling mula sa Juda, sinasabing, “Pinasasabi ni Yahweh, “Dahil sinuway mo ang salita ni Yahweh at hindi sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos,
At siya'y sumigaw sa lalake ng Dios na nanggaling sa Juda, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa paraang ikaw ay naging manunuway sa bibig ng Panginoon, at hindi mo iningatan ang utos na iniutos ng Panginoon sa iyo,
22 pero bumalik ka at kumain at uminom ng tubig sa lugar na sinabi niya sa iyo na huwag kang kakain at iinom ng tubig, hindi maililibing ang iyong katawan sa libingan ng iyong mga ninuno.”
Kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kaniyang pinagsabihan sa iyo: Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig; ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga magulang.
23 Pagkatapos niyang kumain at uminom, inihanda ng propeta ang asno ng lingkod ng Diyos, ang lalaking bumalik kasama niya.
At nangyari, pagkatapos na makakain ng tinapay, at pagkatapos na makainom, na siniyahan niya ang asno para sa kaniya, sa makatuwid baga'y, para sa propeta na kaniyang pinabalik.
24 Nang makaalis na ang lingkod ng Diyos, isang leon ang nasalubong niya sa daan at pinatay siya, at ang katawan niya ay naiwan sa daanan. Pagkatapos nakatayo ang asno sa tabi nito at nakatayo din ang leon sa katawan nito.
At nang siya'y makayaon, isang leon ay nasalubong niya sa daan, at pinatay siya: at ang kaniyang bangkay ay napahagis sa daan, at ang asno ay nakatayo sa siping; ang leon naman ay nakatayo sa siping ng bangkay.
25 Nang napadaan ang mga tao at nakita ang naiwang katawan sa daanan, at ang nakatayong leon sa tabi ng katawan, sila ay dumating at ibinalita ito sa lungsod kung saan nanirahan ang matandang propeta.
At, narito, may mga taong nagsipagdaan, at nakita ang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon ay nakatayo sa siping ng bangkay: at sila'y yumaon at isinaysay nila sa bayan na kinatatahanan ng matandang propeta.
26 Nang marinig ito ng propeta na nagdala pabalik sa kaniya mula sa daanan, sinabi niya, “Ito ang lingkod ng Diyos na lumabag sa salita ni Yahweh. Kaya siya ay ibinigay ni Yahweh sa leon, na nilapa ng pira-piraso at pinatay siya, tulad lamang ng salita ni Yahweh na nagbabala sa kaniya.
At nang marinig ng propeta na nagpabalik sa kaniya sa daan, sinabi niya: Lalake nga ng Dios, na naging masuwayin sa bibig ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon, na lumapa sa kaniya at pumatay sa kaniya ayon sa salita ng Panginoon, na sinalita sa kaniya.
27 Kaya nagsalita ang matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, na sinasabing, “Ihanda ang aking asno,” at inihanda nila ito.
At sinalita niya sa kaniyang mga anak na sinasabi, Siyahan ninyo sa akin ang asno. At kanilang siniyahan.
28 Siya ay nagpunta at nakitang naiwan ang katawan sa daanan, at nakabantay ang asno at leon sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, ni sinaktan ang asno.
At siya'y yumaon, at nasumpungan ang kaniyang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa siping ng bangkay: hindi nilamon ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.
29 Kinuha ng propeta ang bangkay ng lingkod ng Diyos, isinakay ito sa asno at dinala ito pabalik. Dumating siya sa sarili niyang lungsod para magluksa at para siya ay ilibing.
At kinuha ng propeta ang bangkay ng lalake ng Dios, at ipinatong sa asno, at ibinalik: at naparoon sa bayan ng matandang propeta, upang tumangis, at ilibing siya.
30 Inilibing niya ang bangkay sa sarili niyang libingan, at sila ay nagluksa sa kaniya, na sinasabing, “Kaawa-awa ka, aking kapatid na lalaki!”
At inilagay niya ang kaniyang bangkay sa kaniyang sariling libingan; at kanilang tinangisan siya, na sinasabi, Ay kapatid ko!
31 Nang siya ay mailibing na niya, nagsalita ang matandang propeta sa kaniyang mga anak na lalaki, na sinasabing, “Kapag ako ay namatay ilibing ninyo ako sa libingan kung saan inilibing ang lingkod ng Diyos. Ilagay ninyo ang aking mga buto sa tabi ng kaniyang mga buto.
At nangyari, pagkatapos na kaniyang mailibing, na siya'y nagsalita sa kaniyang mga anak, na sinasabi, Pagka ako'y namatay, ilibing nga ninyo ako sa libingan na pinaglibingan sa lalake ng Dios: ilagay ninyo ang aking mga buto sa siping ng kaniyang mga buto.
32 Dahil kung ano ang kaniyang sinabi nang siya ay nagpahayag ng salita ni Yahweh laban sa altar sa Bethel, at laban sa lahat ng templo sa mga dambana sa mga lungsod ng Samaria, ay siguradong matutupad.”
Sapagka't ang sabi na kaniyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Beth-el, at laban sa lahat ng mga bahay sa mga mataas na dako na nangasa mga bayan ng Samaria, ay walang pagsalang mangyayari.
33 Pagkatapos nito hindi nagbago si Jeroboam mula sa kaniyang masasamang gawain, pero patuloy pa rin siyang naghirang ng mga pari para sa mga dambana mula sa kalagitnaan ng buong bayan. Ginawa niyang banal ang sinumang nais maglingkod, na maaaring maging mga pari sa mga dambana.
Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kaniyang masamang lakad, kundi gumawa uli mula sa buong bayan ng mga saserdote sa mga mataas na dako: sinomang may ibig, kaniyang itinatalaga upang magkaroon ng mga saserdote sa mga mataas na dako.
34 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sa pamilya ni Jeroboam at naging dahilan na maputol at mawasak ang mga ito sa ibabaw ng daigdig.
At ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sangbahayan ni Jeroboam, kaya't inihiwalay at nilipol sa ibabaw ng lupa.