< 1 Mga Cronica 18 >

1 Pagkatapos nito, nangyari na sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo sila. Kinuha niya ang Gat at ang mga nayon nito mula sa pamamahala ng mga FIlisteo.
At pagkatapos nito'y nangyari na sinaktan ni David ang mga Filisteo, at pinasuko sila, at sinakop ang Gath, at ang mga nayon niyaon sa kamay ng mga Filisteo.
2 Pagkatapos tinalo niya ang Moab, at naging mga tagapaglingkod ni David ang mga Moabita at binigyan siya ng parangal.
At sinaktan niya ang Moab; at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob.
3 Sunod na tinalo ni David si Hadadezer, ang hari ng Zoba sa Hamat, habang naglalakbay si Hadadezer upang itatag ang kaniyang pamumuno sa Ilog Eufrates.
At sinaktan ni David sa Hamath si Adarezer na hari sa Soba samantalang kaniyang itinatatag ang kaniyang kapangyarihan sa tabi ng ilog Eufrates.
4 Nabihag ni David mula sa kaniya ang isanlibong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na naglalakad. Pinilayan ni David ang mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira siya ng sapat sa kanila para sa isandaang karwahe.
At kumuha si David sa kaniya ng isang libong karo, at pitong libong mangangabayo, at dalawangpung libong naglalakad: at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni't nagtira sa mga yaon ng sa isang daang karo.
5 Nang dumating ang mga Arameo ng Damasco upang tulungan si Hadadezer na hari ng Zoba, pinatay ni David ang dalawampu't dalawang libong Arameong kalalakihan.
At nang ang mga taga Siria sa Damasco ay magsiparoon upang magsisaklolo kay Adarezer na hari sa Soba, sumakit si David sa mga taga Siria ng dalawangpu't dalawang libong lalake.
6 Pagkatapos naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco, at naging mga alipin niya ang mga Arameo at nagdala sa kaniya ng parangal. Binigyan ni Yahweh si David ng katagumpayan saan man siya nagpunta.
Nang magkagayo'y naglagay si David ng mga pulutong sa Siria ng Damasco; at ang mga taga Siria ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saan man siya naparoon.
7 Kinuha ni David ang mga gintong panangga na nasa mga alipin ni Hadadezer at dinala sila sa Jerusalem.
At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto, na nangasa mga lingkod ni Adarezer, at pinagdadala sa Jerusalem.
8 Kinuha ni David ang napakaraming tanso mula sa Tibha at Cun, ang mga lungsod ni Hadadezer. Ito ang mga tanso na kalaunan ay ginamit ni Solomon sa paggawa ng tansong dagat, mga haligi, at mga kagamitang tanso.
At mula sa Thibath at mula sa Chun, na mga bayan ni Adarezer; ay kumuha si David ng totoong maraming tanso, na siyang ginawa ni Salomon na dagatdagatan na tanso, at mga haligi, at mga kasangkapang tanso.
9 Nang mabalitaan ni Tou, ang hari ng Hamat, na tinalo ni David ang lahat ng hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba,
At nang mabalitaan ni Tou na hari sa Hamath na sinaktan ni David ang buong hukbo ni Adarezer na hari sa Soba,
10 ipinadala ni Tou ang kaniyang anak na si Hadoram kay Haring David upang batiin at pagpalain, dahil nakipaglaban at tinalo ni David si Hadadezer, at dahil nagdeklara si Hadadezer ng digmaan laban kay Tou. Nagdala si Hadoram ng mga kagamitan na pilak, ginto, at tanso.
Kaniyang sinugo si Adoram na kaniyang anak sa haring David, upang bumati sa kaniya, at purihin siya, sapagka't siya'y lumaban kay Adarezer at sinaktan niya siya (sapagka't si Adarezer ay may mga pakikipagdigma kay Tou); at siya'y nagdala ng lahat na sarisaring kasangkapang ginto, at pilak, at tanso.
11 Inilaan ni Haring David ang mga kagamitang ito kay Yahweh, kasama ang mga pilak at mga ginto na nakuha niya sa lahat ng bansa: sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, at Amalek.
Ang mga ito naman ay itinalaga ng haring David sa Panginoon, pati ng pilak at ginto na kaniyang kinuha sa lahat na bansa; na mula sa Edom, at mula sa Moab, at mula sa mga anak ni Ammon, at mula sa mga Filisteo, at mula sa Amalec.
12 Pinatay ni Abisai na anak ni Zeruias ang 18, 000 na Edomita sa lambak ng Asin.
Bukod dito'y si Abisai na anak ni Sarvia ay sumakit sa mga Idumeo sa Libis ng Asin, ng labingwalong libo.
13 Naglagay siya ng mga kuta sa Edom, at naging mga tagapaglingkod ni David ang lahat ng Edomita. Binigyan ni Yahweh si David ng katagumpayan saan man siya nagpunta.
At naglagay siya ng mga pulutong sa Edom; at lahat ng mga Idumeo ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng pagtatagumpay ng Panginoon si David saan man siya naparoon.
14 Naghari si David sa buong Israel, at pinangasiwaan niya nang may katarungan at katuwiran ang lahat ng kaniyang mamamayan.
At si David ay naghari sa buong Israel; at siya'y gumawa ng kahatulan at ng katuwiran sa buong bayan niya.
15 Si Joab na anak ni Zeruias ang pinuno ng hukbo, at si Jehosafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala.
At si Joab na anak ni Sarvia ay nasa pamamahala sa hukbo; at si Josaphat na anak ni Ahilud ay kasangguni.
16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari, at si Shavsha ay eskriba.
At si Sadoc na anak ni Achitob, at si Abimelec na anak ni Abiathar, ay mga saserdote; at si Sausa ay kalihim;
17 Si Benaias na anak ni Joiada ang tagapangasiwa ng mga Kereteo at mga Peleteo, at ang mga anak ni David ay ang mga pangunahing tagapayo ng hari.
At si Benaias na anak ni Joiada ay nasa pamamahala sa mga Ceretheo at sa mga Peletheo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno sa siping ng hari.

< 1 Mga Cronica 18 >