< Zacarias 8 >

1 At ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na nagsasabi,
Dumating sa akin ang salita ni Yaweh ng mga hukbo at sinabi,
2 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ako'y may paninibugho sa Sion ng malaking paninibugho, at ako'y may paninibugho sa kaniya ng malaking poot.
“Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Madamdamin ako para sa Zion nang may matinding kasigasigan, at madamdamin ako para sa kaniya nang may matinding galit!'
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y nagbalik sa Sion, at tatahan ako sa gitna ng Jerusalem: at ang Jerusalem ay tatawagin, Bayan ng katotohanan; at ang bundok ng Panginoon ng mga hukbo, Ang banal na bundok.
Sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo: 'Babalik ako sa Zion at mananahan ako sa kalagitnaan ng Jerusalem, sapagkat tatawaging Lungsod ng Katotohanan ang Jerusalem at tatawaging Banal na Bundok ang bundok ni Yahweh ng mga hukbo!””
4 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Tatahanan pa ng mga matandang lalake at babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawa't tao na may kaniyang tungkod sa kaniyang kamay dahil sa totoong katandaan.
Sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo: 'Muling magkakaroon sa mga lansangan ng Jerusalem ng mga matatandang kalalakihan at mga matatandang kababaihan at kakailanganin ng bawat tao ang isang tungkod sa kaniyang kamay dahil napakatanda na niya.
5 At ang mga lansangan ng bayan ay mapupuno ng mga batang lalake at babae na naglalaro sa mga lansangan niyaon.
At mapupuno ang mga lansangan ng lungsod ng mga batang lalaki at batang babaing naglalaro dito.'''
6 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung maging kagilagilalas sa mga mata ng nalabi sa bayang ito sa mga araw na yaon, magiging kagilagilalas din naman baga sa aking mga mata? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
''Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Kung may isang bagay na hindi kapani-paniwala sa mga mata ng nalalabi sa mga taong ito sa mga araw na iyon, hindi rin ba ito kapani-paniwala sa aking mga mata?”' Ito ang pahayag ni Yahweh.
7 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking ililigtas ang aking bayan sa lupaing silanganan at sa lupaing kalunuran;
“Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Masdan ninyo, malapit ko ng iligtas ang aking mga tao mula sa lupaing sinisikatan ng araw at mula sa lupaing linulubugan ng araw!
8 At aking dadalhin sila, at sila'y magsisitahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios, sa katotohanan at sa katuwiran.
Sapagkat ibabalik ko sila at maninirahan sila sa kalagitnaan ng Jerusalem, kaya muli silang magiging aking mga tao at ako ang magiging Diyos nila sa katotohanan at sa katuwiran!'''
9 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Inyong palakasin ang inyong mga kamay, ninyong nangakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang tatagang-baon sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, sa templo, upang matayo.
Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: Kayong ngayong nagpapatuloy sa pakikinig sa mga salita na nagmumula sa mga bibig ng mga propeta nang inilatag ang pundasyon ng aking tahanan— itong aking tahanan na Yahweh ng mga hukbo: Palakasin ninyo ang inyong mga kamay upang maitayo ang templo.
10 Sapagka't bago dumating ang mga araw na yaon ay walang upa sa tao, ni anomang upa sa hayop; at wala ring anomang kapayapaan doon sa lumalabas o pumapasok dahil sa kaaway: sapagka't aking inilagay ang lahat na tao na bawa't isa'y laban sa kaniyang kapuwa.
Sapagkat bago pa ang mga araw na iyon, walang pananim na naipon ang sinuman; walang pakinabang maging para sa mga tao o hayop. At walang kapayapaan mula sa mga kaaway para sa sinumang umaalis o dumarating. Itinakda ko ang bawat tao laban sa kaniyang kapwa.
11 Nguni't ngayo'y sa nalabi sa bayang ito ay hindi ako magiging gaya ng mga unang araw, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ngunit ngayon, hindi na ito tulad ng naunang mga araw, sasamahan ko ang mga nalalabi sa mga taong ito!''' Ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo.
12 Sapagka't magkakaroon ng binhi ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y mapapakinabangan, at ibibigay ng langit ang kaniyang hamog; at aking ipamamana sa nalabi sa bayang ito ang lahat na bagay na ito.
'''Sapagkat maihahasik ang mga butil ng kapayapaan. Mamumunga ang umaakyat na baging ng ubas at ibibigay ng lupain ang ani nito. Ibibigay ng kalangitan ang hamog nito, sapagkat ipapamana ko ang lahat ng mga bagay na ito sa nalalabing mga taong ito.
13 At mangyayari, na kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, Oh sangbahayan ni Juda, at sangbahayan ni Israel, gayon ko kayo ililigtas, at kayo'y magiging isang kapalaran. Huwag kayong mangatakot, kundi inyong palakasin ang inyong mga kamay.
Isa kayong halimbawa ng sumpa sa ibang mga bansa, sambahayan ng Juda at sambahayan ng Israel. Ngunit ngayon, ililigtas ko kayo, at pagpapalain kayo. Huwag kayong matakot; palakasin ninyo ang inyong mga kamay!'''
14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung paanong inisip kong gawan kayo ng masama, nang mungkahiin ako ng inyong mga magulang sa poot, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at hindi ako nagsisi;
“Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo:' Gaya ng aking binalak na saktan kayo nang galitin ako ng inyong mga ninuno at hindi ako naglubag ng loob,' sinabi ni Yahweh ng mga hukbo,
15 Gayon ko uli inisip sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sangbahayan ni Juda: huwag kayong mangatakot.
kaya binabalak ko rin sa mga panahong ito na muling gumawa ng mabuti sa Jerusalem at sa sambahayan ng Juda! Huwag kayong matakot!
16 Ito ang mga bagay na inyong gagawin, Magsalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuang-bayan;
Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsabi ang bawat tao ng katotohanan sa kaniyang kapwa. Humatol nang may katotohanan, katarungan, at kapayapaan sa inyong mga tarangkahan.
17 At huwag magisip ang sinoman sa inyo ng kasamaan sa inyong puso laban sa kaniyang kapuwa; at huwag ninyong ibigin ang sinungaling na sumpa: sapagka't ang lahat ng ito ay mga bagay na aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.
At huwag hayaan ang sinuman sa inyo na magbalak ng masama sa inyong puso laban sa inyong kapwa, ni maakit sa mga hindi totoong panunumpa, sapagkat kinamumuhian ko ang lahat ng mga bagay na ito!''' Ito ang pahayag ni Yahweh.
18 At ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na nagsasabi,
At dumating sa akin ang salita ni Yahweh ng mga hukbo at sinabi,
19 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang ayuno sa ikaapat na buwan, at ang ayuno sa ikalima, at ang ayuno sa ikapito, at ang ayuno sa ikasangpu, ay magiging sa sangbahayan, ni Juda'y kagalakan at kaligayahan, at mga masayang kapistahan; kaya't inyong ibigin ang katotohanan at kapayapaan.
“Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Ang mga pag-aayuno sa ika-apat na buwan, sa ika-limang buwan, sa ika-pitong buwan, at sa ika-sampung buwan ay magiging panahon ng kagalakan, kasiyahan, at masayang pagdiriwang para sa sambahayan ng Juda! Kaya ibigin ang katotohanan at kapayapaan!''''
20 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Mangyayari pa, na darating ang mga bansa, at ang nagsisitahan sa maraming bayan;
''Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Muling darating ang mga tao, maging ang mga naninirahan sa iba't ibang mga lungsod.
21 At ang nagsisitahan sa isang bayan ay paroroon sa isa, na magsasabi, Magsiparoon tayong madali, na ating hilingin ang lingap ng Panginoon, at hanapin ang Panginoon ng mga hukbo; ako man ay paroroon.
Pupunta ang mga naninirahan sa isang lungsod patungo sa ibang lungsod at sasabihin, ''Magmadali tayong pumunta upang humingi ng tulong kay Yahweh at upang hanapin si Yahweh ng mga hukbo! Pupunta rin kami mismo.'''
22 Oo, maraming bansa at mga matibay na bansa ay magsisiparoon upang hanapin ang Panginoon ng mga hukbo sa Jerusalem, at hilingin ang lingap ng Panginoon.
Darating ang maraming tao at malalakas na mga bansa upang hanapin si Yahweh ng mga hukbo sa Jerusalem at hihingi ng tulong kay Yahweh!''
23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sa mga araw na yao'y mangyayari, na sangpung lalake sa lahat ng wika sa mga bansa ay magtatanganan, sila nga'y magsisitangan sa laylayan niya na Judio, na mangagsasabi, Kami ay magsisiyaong kasama mo, sapagka't aming narinig na ang Dios ay kasama mo.
Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Sa mga panahong iyon, sampung kalalakihan mula sa bawat wika at bansa ang hahawakan nang mahigpit ang laylayan ng iyong balabal at sasabihin, “Sasama kami sa iyo, sapagkat narinig namin na kasama mo ang Diyos!'''''

< Zacarias 8 >