< Zacarias 10 >
1 Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan sa kapanahunan ng huling ulan, sa Panginoon na nagpapakidlat; at kaniyang bibigyan sila ng ulan, at ang bawa't isa'y ng damo sa parang.
Humingi kayo ng ulan kay Yahweh sa panahon ng tag-ulan ng tagsibol —Si Yahweh na siyang gumagawa ng bagyo! — at ipagkakaloob niya ang pagbuhos ng ulan para sa kanila, at sa mga pananim sa kabukiran para sa sangkatauhan.
2 Sapagka't ang mga teraf ay nagsalita ng walang kabuluhan, at ang mga manghuhula ay nangakakita ng isang kabulaanan; at sila'y nangagsaysay ng mga kabulaanang panaginip, sila'y nagsisialiw ng walang kabuluhan: kaya't sila'y nagsisiyaon ng kanilang lakad na parang mga tupa, sila'y nadadalamhati, sapagka't walang pastor.
Sapagkat nagsasabi ng kasinungalingan ang mga diyus-diyosang nasa sambahayan; nagsasabi ang mga manghuhula ng pangitaing kasinungalingan; nagsabi sila ng mga mapanlinlang na mga panaginip at nagbibigay ng aliw na walang kabuluhan. Kaya naliligaw sila na kagaya ng tupa at nagdurusa dahil walang pastol.
3 Ang aking galit ay nagalab laban sa mga pastor, at aking parurusahan ang mga lalaking kambing; sapagka't dinalaw ng Panginoon ng mga hukbo ang kaniyang kawan na sangbahayan ni Juda, at kaniyang gagawin silang parang magilas na kabayo sa pagbabaka.
Nagliliyab ang aking poot laban sa mga pastol; ito ay ang mga lalaking kambing—ang mga pinuno— na aking parurusahan. Aalagaan din ni Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang kawan, ang sambahayan ni Juda, at gagawin silang kagaya ng kabayong pandigma sa labanan!
4 Sa kaniya lalabas ang batong panulok, sa kaniya ang pako, sa kaniya ang busog na pangbaka, sa kaniya ang bawa't pinuno na magkakasama.
Magmumula sa kanila ang panulukang bato, magmumula sa kanila ang tulos ng tolda, magmumula sa kanila ang panang pandigma; magmumula sa kanila ang bawat pinuno.
5 At sila'y magiging parang mga makapangyarihang lalake, na yayapakan nila ang kanilang mga kaaway sa putik sa mga lansangan sa pagbabaka; at sila'y magsisilaban, sapagka't ang Panginoon ay sumasakanila; at ang mga mangangabayo ay mangatutulig.
Magiging kagaya sila ng mga mandirigmang tinatapakan ang kanilang mga kaaway sa maputik na mga daan sa labanan; makikipagdigma sila sapagkat nasa kanila si Yahweh, at ipahihiya nila ang mga nakasakay sa mga kabayong pandigma.
6 At aking palalakasin ang sangbahayan ni Juda, at aking ililigtas ang sangbahayan ni Jose, at aking ibabalik sila uli; sapagka't ako'y naawa sa kanila; at sila'y magiging parang hindi ko itinakuwil: sapagka't ako ang Panginoon nilang Dios, at aking didinggin sila.
Palalakasin ko ang sambahayan ni Juda at ililigtas ang sambahayan ni Jose; sapagkat panunumbalikin ko sila at magkakaroon ako ng awa sa kanila. Parang hindi ko sila itinakwil, sapagkat Ako si Yahweh ang kanilang Diyos, at ako ay tutugon sa kanila.
7 At ang mga sa Ephraim ay magiging parang makapangyarihang lalake, at ang kanilang puso ay mangagagalak na gaya ng sa alak; oo, ito'y makikita ng kanilang mga anak, at mangagagalak: ang kanilang puso ay masasayahan sa Panginoon.
At magiging katulad ng isang mandirigma ang Efraim, at magagalak ang kanilang mga puso na parang nakainom ng alak; makikita ito ng kanilang mga anak at sila ay magagalak. Magagalak ang kanilang mga puso sa akin.
8 Aking susutsutan sila, at sila'y pipisanin; sapagka't aking tinubos sila; at sila'y magsisidami ng gaya ng kanilang dinami.
Sisipulan ako sa sila at titipunin, sapagkat sasagipin ko sila at magiging napakarami nila kagaya ng dati.
9 At aking pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa; at aalalahanin nila ako sa mga malayong lupain; at sila'y nagsisitahang kasama ng kanilang mga anak, at magsisipagbalik.
Inihasik ko sila sa mga tao ngunit naalala parin nila ako sa malayong mga bansa. Kaya sila at ang kanilang mga anak ay mabubuhay at makakabalik.
10 Aking dadalhin uli sila mula sa lupain ng Egipto, at pipisanin sila mula sa Asiria; at aking dadalhin sila sa lupain ng Galaad at Libano; at walang dakong masusumpungan para sa kanila.
Sapagkat panunumbalikin ko muli sila mula sa lupain ng Egipto at titipunin sila mula sa Asiria, dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon hanggang sa wala nang silid para sa kanila.
11 At siya'y magdadaan ng dagat ng kadalamhatian, at hahawiin ang mga alon sa dagat, at ang lahat ng kalaliman sa Nilo ay matutuyo; at ang kapalaluan ng Asiria ay mababagsak, at ang cetro ng Egipto ay mawawala.
Dadaan ako sa dagat ng kanilang kadalamhatian; hahampasin ko ang mga alon sa dagat at patutuyuin ko ang lahat ng kalaliman ng Nilo. Babagsak ang karangyan ng Asiria. At ang kapangyarihan ng setro ng Egipto ay mawawala mula sa mga taga Egipto.
12 At aking palalakasin sila sa Panginoon; at sila'y magsisilakad na paitaas at paibaba sa kaniyang pangalan, sabi ng Panginoon.
Palalakasin ko sila sa aking sarili, at lalakad sila ayon sa aking pangalan. Ito ang pahayag ni Yahweh.