< Tito 3 >

1 Ipaalala mo sa kanilang pasakop sa mga pinuno, sa mga may kapangyarihan, na mangagmasunurin, na humanda sa bawa't gawang mabuti,
Ipaalala sa kanila na magpasakop sa mga namumuno at may kapangyarihan, upang sundin sila, para maging handa sa lahat ng mabuting gawa.
2 Na huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, na huwag makipagtalo, kundi mapakahinhin, at magpakahinahon sa lahat ng mga tao.
Paalalahanan sila wag manglait nang sinuman, iwasan ang pagtalo-talo, hayaan ang ibang mga tao sa kanilang pamamaraan, at magpakita ng kababaan ng loob sa lahat ng tao.
3 Sapagka't tayo rin naman nang unang panahon ay mga mangmang, mga suwail, mga nadaya, na nagsisipaglingkod sa sarisaring masamang pita at kalayawan, na nangamumuhay sa masasamang akala at kapanaghilian, mga napopoot, at tayo'y nangagkakapootan.
Minsan tayo ay naging pabaya at suwail. Dati tayo ay naligaw at inalipin sa iba't ibang mga pagkahumaling at kasiyahan. Namuhay tayo sa kasamaan at inggit. Tayo ay kasuklam-suklam at kinamuhian ang isa't-isa.
4 Nguni't nang mahayag na ang kagandahang-loob ng Dios na ating Tagapagligtas, at ang kaniyang pagibig sa tao,
Ngunit kapag ang kabutihan at pagmamahal ng ating Diyos na tagapagligtas ay nalantad sa sangkatauhan,
5 Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo,
eto ay hindi sa pamamagitan na ating makatuwirang mga nagawa, kundi dahil sa kanyang habag kaya tayo ay naligtas. Niligtas nya tayo sa pamamagitan ng paghuhugas ng bagong kapanganakan at pagpapabago sa pamamagitan ng Banal na Espirito.
6 Na kaniyang ibinuhos ng sagana sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas;
Masaganang binuhos ng Panginoon sa atin ang Banal na Espirito sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu Cristo.
7 Upang, sa pagkaaring-ganap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, ay maging tagapagmana tayo ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan. (aiōnios g166)
Ginawa Nya ito, upang, ang mga pinawalang sala sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maaring maging kabahagi sa kasiguraduhan ng buhay na walang hanggan. (aiōnios g166)
8 Tapat ang pasabi, at tungkol sa mga bagay na ito ay ninanasa kong patotohanan mong may pagkakatiwala, upang ang mga nagsisipanampalataya sa Dios ay maging maingat na papanatilihin ang mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at mapapakinabangan ng mga tao:
Itong mensahe na ito ay mapagkakatiwalaan. Gusto ko kayong magsalita ng may kalakasan ng loob tungkol sa mga bagay na ito, Nang sa gayon ang mga nagtitiwala sa Diyos ay maghangad ng mabubuting gawa na nilagay Niya bago sa kanila. Ang mga bagay na ito ay maganda at kapakipakinabang para sa lahat ng tao.
9 Nguni't ilagan mo ang mga hangal na usapan, at ang mga pagsasalaysay ng lahi, at ang mga pagtatalo, at pagtataltalan tungkol sa kautusan; sapagka't ang mga ito ay di pinakikinabangan at walang kabuluhan.
Ngunit iwasan ang kawalang katuturan na pagtatalo at mga pagkakasunod-sunod ng lahi at pagkakagalit-galit at hindi pagkakasundo tungkol sa mga batas. Ang mga bagay na iyon ay walang halaga at hindi kapakipakinabang.
10 Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay itakuwil mo;
Itanggi ang sinumang nagdudulot ng pagkahati-hati sa inyo, pagkatapos ng isa o dalawang babala,
11 Yamang nalalaman mo na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya'y hinahatulan ng kaniyang sarili.
at ipaalam na ang taong ito ay tumalikod sa tamang daan at nagkakasala at sinumpa ang kanyang sarili.
12 Pagka susuguin ko sa iyo si Artemas, o si Tiquico, ay magsikap kang pumarini sa akin sa Nicopolis: sapagka't pinasiyahan kong doon matira sa taginaw.
Nang pinapunta ko sa inyo sila Artemas at Tychicus, magmadali at sumama kayo sa akin sa Nicopolis, kung saan ako nagpasyang magpalipas ng tag-lamig.
13 Suguin mong may sikap si Zenas na tagapagtanggol ng kautusan at si Apolos sa kanilang paglalakbay, upang sila'y huwag kulangin ng ano man.
Magmadali at papuntahin si Zenas, ang dalubhasa sa batas, at si Apollos, nang sa gayon wala ng kakulangan.
14 At pagaralan din naman ng ating mga tao na manatili sa mabubuting gawa sa kagamitang kailangan, upang huwag mawalan ng bunga.
Ang ating mga tao dapat matutunan ang makisali sa paggawa ng mabuti na tumutugon sa mga agarang pangangailangan upang sila ay maging mabunga.
15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga nagsisiibig sa atin sa pananampalataya. Biyaya ang sumainyo nawang lahat.
lahat ng mga kasama ko ay bumabati sa inyo. Batiin ninyo ang lahat ng nagmamahal sa atin dahil sa pananampalataya. Sumainyo lahat ang biyaya.

< Tito 3 >