< Awit ng mga Awit 4 >

1 Narito, ikaw ay maganda, sinta ko; narito, ikaw ay maganda; ang iyong mga mata ay gaya ng mga kalapati sa likod ng iyong lambong: ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na nagpapahinga sa gulod ng bundok ng Galaad.
O, kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo. Ang iyong mga mata ay katulad ng mga kalapati sa likuran ng iyong belo. Ang iyong buhok ay tulad ng isang kawan ng mga kambing na bumababa mula sa Bundok ng Gilead.
2 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga tupa na bagong gupit, na nagsiahong mula sa pagpaligo, na bawa't isa'y may anak na kambal, at walang baog sa kanila.
Ang iyong mga ngipin ay katulad ng isang kawan ng mga tupang babae na bagong gupit, na umaahon mula sa lugar ng pinagpaliguan. Bawa't isa ay may isang kakambal at walang isa sa kanila ang namatayan.
3 Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula, at ang iyong bibig ay kahalihalina: ang iyong mga pisngi ay gaya ng putol ng granada. Sa likod ng iyong lambong.
Ang labi mo ay katulad ng isang hibla ng eskarlata; ang bibig mo ay kaibig-ibig. Ang mga pisngi mo ay katulad ng kabiyak na granada sa likuran ng iyong belo.
4 Ang iyong leeg ay gaya ng moog ni David na itinayo na pinaka sakbatan, na kinabibitinan ng libong kalasag, ng lahat na kalasag ng mga makapangyarihang lalake.
Ang leeg mo ay katulad ng tore ni David na itinayo sa mga hanay ng bato, na may isang libong mga kalasag na nakasabit dito, lahat ng mga kalasag ng mga sundalo.
5 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa na mga kambal ng isang inahin, na nagsisisabsab sa gitna ng mga lila.
Ang dalawang dibdib mo ay katulad ng dalawang munting usa, magkakambal na gasel, na nanginginain sa kalagitnaan ng mga liryo.
6 Hanggang sa ang araw ay lumamig at ang mga lilim ay tumakas, ako'y paroroon sa bundok ng mira, at sa burol ng kamangyan.
Hanggang dumating ang bukang-liwayway at ang mga anino ay naglaho, ako ay magpupunta sa bundok ng mira at sa burol ng kamanyang.
7 Ikaw ay totoong maganda, sinta ko; at walang kapintasan sa iyo.
Kay ganda mo sa lahat ng paraan, aking mahal at walang kapintasan sa iyo.
8 Sumama ka sa akin mula sa Libano, kasintahan ko, na kasama ko mula sa Libano: tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana, mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon, mula sa mga yungib ng mga leon, mula sa mga bundok ng mga leopardo.
Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, babaeng aking pakakasalan. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon; sumama ka mula sa tuktok ng Bundok ng Amana, mula sa tuktok ng Bundok ng Senir at Hermon, mula sa mga lungga ng leon, mula sa lunggang bundok ng mga leopardo.
9 Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko, iyong inagaw ang aking puso ng isang sulyap ng iyong mga mata, ng isang kuwintas ng iyong leeg.
Ninakaw mo ang puso ko, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan; nabihag mo ang puso ko, sa isang sulyap lamang sa akin, sa isang hiyas lamang ng iyong kuwintas.
10 Pagkaganda ng iyong pagsinta, kapatid ko, kasintahan ko! Pagkaigi ng iyong pagsinta kay sa alak! At ang amoy ng iyong mga langis kay sa lahat na sari-saring pabango!
Kay ganda ng iyong pag-ibig, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan! Mas mainam ang pag-ibig mo kaysa sa alak, at ang halimuyak ng pabango mo kaysa sa anumang sangkap ng pabango.
11 Ang iyong mga labi, Oh kasintahan ko, na nagsisitulo na gaya ng pulot-pukyutan: pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; at ang amoy ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Libano.
Ang iyong labi, babaeng aking pakakasalan, tumutulong pulot; ang pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; ang halimuyak ng iyong mga kasuotan ay katulad ng halimuyak ng Lebanon.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko; bukal na nababakuran, balon na natatakpan.
Aking kapatid, babaeng aking pakakasalan ay isang harding nakakandado, isang harding nakakandado, isang bukal na nakasarado.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada, na may mahalagang mga bunga; albena sangpu ng mga pananim na nardo,
Ang mga sanga mo ay isang kahuyan ng mga puno ng granada na may piling bunga, at ng hena at mga halamang nardo,
14 Nardo at azafran, calamo at kanela, sangpu ng lahat na punong kahoy na kamangyan; mira at mga eloe, sangpu ng lahat na pinakamainam na especia.
Pakong nardo at safron, kalamo at kanela kasama ang lahat ng mga uri ng sangkap ng pabango, mira at mga aloe kasama lahat ng pinakamainam na mga sangkap ng pabango.
15 Ikaw ay bukal ng mga halamanan, balon ng mga buhay na tubig, at mga balong na tubig na mula sa Libano.
Ikaw ay bukal sa hardin, isang balon na may sariwang tubig, mga batis na umaagos pababa mula sa Lebanon. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang mangingibig.
16 Gumising ka, Oh hilagaang hangin; at parito ka, ikaw na timugan; humihip ka sa aking halamanan, upang ang mga bango niya'y sumalimuoy. Masok ang aking sinta sa kaniyang halamanan, at kumain siya ng kaniyang mahalagang mga bunga.
Gumising ka, hanging hilaga; lumapit ka hanging timog; umihip ka sa aking hardin para itong mga sangkap ng pabango ay maaaring maglabas ng kanilang halimuyak. Nawa ang aking minamahal ay pumarito sa kaniyang hardin at kumain ng ilang piling bunga nito.

< Awit ng mga Awit 4 >