< Ruth 1 >

1 At nangyari nang mga kaarawan nang humatol ang mga hukom, na nagkagutom sa lupain. At isang lalaking taga Bethlehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab, siya, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang dalawang anak na lalake.
Nangyari ito noong mga araw nang ang mga hukom ay namahala na nagkaroon ng taggutom doon, at isang tiyak na lalaki ng Bethlehem ng Juda ang pumunta sa bansa ng Moab kasama ang kaniyang asawa at kaniyang dalawang anak na lalaki.
2 At ang pangalan ng lalake ay Elimelech, at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi, at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at Chelion, mga Ephrateo na taga Bethlehem-juda. At sila'y naparoon sa lupain ng Moab, at nanirahan doon.
Elimelek ang pangalan ng lalaki at Naomi ang pangalan ng kaniyang asawa. Ang pangalan ng kaniyang dalawang anak na lalaki ay sina Mahlon at Quelion, na mga Efrateo na taga-Bethlehem-Juda. Nakarating sila sa bansa ng Moab at nanirahan doon.
3 At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay: at siya'y naiwan at ang kaniyang dalawang anak.
Pagkatapos namatay si Elimelek na asawa ni Naomi, at naiwan siyang kasama ng kaniyang dalawang anak na lalaki.
4 At sila'y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab; ang pangalan ng isa'y Orpha, at ang pangalan ng isa'y Ruth: at sila'y tumahan doon na may sangpung taon.
Itong mga anak na lalaki ay kumuha ng mga asawa mula sa mga kababaihan ng Moab; ang pangalan ng isa ay Orpa at ang pangalan ng isa pa ay Ruth. Nanirahan sila roon nang halos sampung taon.
5 At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa.
Pagkatapos parehong namatay sina Mahlon at Quelion, kaya naiwan si Naomi wala ang kaniyang asawa at wala ang kaniyang dalawang anak.
6 Nang magkagayo'y bumangon siya na kasama ng kaniyang dalawang manugang upang siya'y bumalik mula sa lupain ng Moab: sapagka't kaniyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kaniyang bayan sa pagbibigay sa kanila ng tinapay.
Pagkatapos nagpasya si Naomi na umalis ng Moab kasama ang kaniyang mga manugang at bumalik sa Juda dahil narinig niya sa rehiyon ng Maob na tinulungan ni Yahweh ang kaniyang bayan na nangangailangan at binigyan sila ng pagkain.
7 At siya'y umalis sa dakong kaniyang kinaroroonan, at ang kaniyang dalawang manugang na kasama niya: at sila'y yumaon upang bumalik sa lupain ng Juda.
Kaya umalis siya sa lugar kung saan siya naroon kasama ang kaniyang mga manugang na babae at naglakad sila pababa sa daan para bumalik sa lupain ng Juda.
8 At sinabi ni Noemi sa kaniyang dalawang manugang, Kayo'y yumaon, na bumalik ang bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina: gawan nawa kayo ng magaling ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.
Sinabi ni Naomi sa kaniyang dalawang manugang na babae, “Lumakad, bumalik, kayo bawat isa sa inyo, sa bahay ng inyong ina. Nawa ipakita ni Yahweh ang kabaitan sa inyo, tulad ng pagpapakita ninyo ng katapatan sa namatay at sa akin.
9 Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makasumpong ng kapahingahan, bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa. Nang magkagayo'y kaniyang hinagkan sila; at inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak.
Nawa idulot sa inyo ng Panginoon ang pahinga, bawat isa sa inyo sa bahay ng panibagong asawa.” Pagkatapos hinalikan niya sila at nagtaas sila ng mga boses at umiyak.
10 At sinabi nila sa kaniya, Hindi, kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.
Sinabi nila sa kaniya, “Hindi! Babalik kami kasama mo sa iyong lahi.”
11 At sinabi ni Noemi, Kayo'y magsibalik, mga anak ko: bakit kayo'y yayaong kasama ko? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan, na magiging inyong mga asawa?
Pero sinabi ni Naomi, “Bumalik kayo, aking mga anak! Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan para sa inyo, para maging asawa ninyo?
12 Kayo'y magsibalik, mga anak ko, magpatuloy kayo ng inyong lakad; sapagka't ako'y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, Ako'y may pagasa, kung ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkakaanak man;
Bumalik kayo, aking mga anak, lumakad sa sarili ninyong landas dahil ako ay napakatanda na para magkaroon ng asawa. Kung sabihin ko, “Umaasa akong makakuha ako ng asawa ngayong gabi,' at pagkatapos magsilang ng mga anak na lalaki,
13 Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? magbabawa kaya kayo na magkaasawa? huwag, mga anak ko: sapagka't daramdamin kong mainam dahil sa inyo, sapagka't ang kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin.
kung gayon maghihintay pa ba kayo hanggang lumaki sila? Maghihintay pa ba kayo at hindi magpapakasal sa mga lalaki ngayon? Huwag, mga anak ko! Ito ay higit na magpapahirap sa akin kaysa magpapahirap sa inyo, dahil bumaling laban sa akin ang kamay ni Yahweh.
14 At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan; nguni't si Ruth ay yumakap sa kaniya.
Pagkatapos ang kaniyang mga manugang ay nagtaas ng kanilang mga boses at muling umiyak. Hinalikan ni Orpah ang kaniyang biyenan nang may pamamaalam, pero si Ruth ay nanatili sa kaniya.
15 At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; bumalik kang sumunod sa iyong hipag.
Sinabi ni Naomi, “Makinig ka, ang hipag mo ay bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos! Bumalik ka kasama ang iyong hipag.”
16 At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:
Pero sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong palayuin mula sa iyo, sapagkat kung saan ka pupunta, doon ako pupunta; kung saan ka titira, doon ako titira; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay magiging aking Diyos.
17 Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.
Kung saan ka mamamatay, doon ako mamamatay at doon din ako ililibing. Nawa parusahan ako ni Yahweh, at kahit higit pa, kung anuman pero kamatayan kailanman ang magpahiwalay sa atin.
18 At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.
Nang makita ni Naomi na nagpasya nang sumama si Ruth sa kanya, tumigil na siyang makipagtalo sa kaniya.
19 Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Bethlehem. At nangyari, nang sila'y dumating sa Bethlehem, na ang buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba'y si Noemi?
Kaya naglakbay ang dalawa hanggang makarating sila sa bayan ng Bethlehem. Nangyari ito nang dumating sila sa Bethlehem, ang buong bayan ay sobrang nagulat tungkol sa kanila. Sinabi ng mga kababaihan, “Ito ba si Naomi?”
20 At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat.
Pero sinabi niya sa kanila, “Huwag ako tawaging Naomi. Tawagin akong Maramdamin, dahil ang Maykapal ay sobrang nagdaramdam sa akin.
21 Ako'y umalis na puno, at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?
Lumabas akong puno pero muli akong ibinalik ni Yahweh sa bahay ng walang dala. Kaya bakit tinatawag ninyo akong Naomi, nakikitang hinatulan ako ni Yahweh, na pinahirapan ako ng Maykapal?”
22 Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila'y nagsidating sa Bethlehem sa pasimula ng pagaani ng sebada.
Kaya sina Naomi at Ruth na Moabita, na kaniyang manugang, ay bumalik mula sa bansa ng Moab. Dumating sila sa Bethlehem sa simula ng pag-aani ng sebada.

< Ruth 1 >