< Mga Roma 12 >

1 Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.
Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod.
2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios. (aiōn g165)
Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos. (aiōn g165)
3 Sapagka't sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa't tao sa inyo, na huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa't isa.
Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa.
4 Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:
Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin.
5 Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa.
Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.
6 At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya;
Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya.
7 O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo;
Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo.
8 O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya.
Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.
9 Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.
Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kasuklaman kung ano ang masama; panghawakan kung ano ang mabuti.
10 Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa't isa ang iba;
Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.
11 Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon;
Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.
12 Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatiyagain sa pananalangin;
Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.
13 Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy.
Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.
14 Pagpalain ninyo ang mga sa inyo'y nagsisiusig; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.
Pagpalain ninyo ang mga umaapi sa inyo; pagpalain at huwag isumpa.
15 Makigalak kayo sa nangagagalak; makiiyak kayo sa nagsisiiyak.
Makipaggalak kayo sa mga nagagalak; makipagtangis kayo sa mga tumatangis.
16 Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka.
Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag mag-isip sa mga paraang mapagmataas, ngunit tanggapin ang mga mabababang tao. Huwag maging marunong sa inyong mga sariling isipan.
17 Huwag kayong mangagbayad sa kanino man ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao.
Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao.
18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao.
Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.
19 Huwag kayong mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka't nasusulat, Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.
Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”
20 Kaya't kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo: sapagka't sa paggawa mo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kaniyang ulo.
“Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”
21 Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.
Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.

< Mga Roma 12 >