< Pahayag 10 >
1 At nakita ko ang ibang malakas na anghel na nanaog na mula sa langit, na nabibihisan ng isang alapaap; at ang bahaghari ay nasa kaniyang ulo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy;
2 At may isang maliit na aklat na bukas sa kaniyang kamay: at itinungtong ang kaniyang kanang paa sa dagat, at ang kaniyang kaliwa ay sa lupa;
3 At sumigaw ng malakas na tinig, na gaya ng leon na umaangal: at pagkasigaw niya, ay ang pitong kulog ay umugong.
4 At pagkaugong ng pitong kulog, ay isusulat ko sana: at narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag mong isulat.
5 At ang anghel na aking nakita na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa ay itinaas ang kaniyang kanang kamay sa langit,
6 At ipinanumpa yaong nabubuhay magpakailan kailan man, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto, na hindi na magluluwat ang panahon: (aiōn )
7 Kundi sa mga araw ng tinig ng ikapitong anghel, pagka malapit nang siya'y humihip, kung magkagayo'y ganap na ang hiwaga ng Dios, ayon sa mabubuting balita na kaniyang isinaysay sa kaniyang mga alipin na mga propeta.
8 At ang tinig na aking narinig na mula sa langit, ay muling nagsalita sa akin, at nagsabi, Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa.
9 At ako'y naparoon sa anghel na nagsabi ako sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kaniyang sinabi sa akin, Kunin mo ito, at ito'y kanin mo; at papapaitin ang iyong tiyan, datapuwa't sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot.
10 At kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot: at nang aking makain, ay pumait ang aking tiyan.
11 At sinasabi nila sa akin, Dapat kang manghulang muli sa maraming mga bayan at mga bansa at mga wika at mga hari.