< Mga Awit 98 >
1 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit; sapagka't siya'y gumawa ng mga kagilagilalas na bagay: ang kaniyang kanan at ang kaniyang banal na bisig ay gumawa ng kaligtasan para sa kaniya:
O, umawit kay Yahweh ng bagong awitin, dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang mga bagay; ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig, ay nagbibigay sa atin ng tagumpay.
2 Ipinakilala ng Panginoon ang kaniyang pagliligtas: ang kaniyang katuwiran ay ipinakilala niyang lubos sa paningin ng mga bansa.
Inihayag ni Yahweh ang kanyang kaligtasan; hayagan niyang ipinakita ang kanyang katarungan sa lahat ng mga bansa.
3 Kaniyang inalaala ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang pagtatapat sa bahay ng Israel: nakita ng lahat ng mga wakas ng lupa ang pagliligtas ng aming Dios.
Inaalala niya ang kaniyang tipan ng kagandahang loob at katapatan para sa sambahayan ng Israel; lahat ng mga hangganan ng daigdig ay makikita ang katagumpayan ng ating Diyos.
4 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, buong lupa. Mangagpasimula at magsiawit dahil sa kagalakan, oo, magsiawit kayo ng mga pagpuri.
Sumigaw kay Yahweh ng may kagalakan, buong daigdig; isambulat sa awit at umawit ng may kagalakan, umawit ng mga papuri.
5 Magsiawit kayo sa Panginoon ng mga pagpuri ng alpa; ng alpa at ng tinig na tugma.
Umawit kay Yahweh ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa, sa pamamagitan ng alpa at malambing na awit.
6 Ng mga pakakak at tunog ng corneta magkaingay kayo na may kagalakan sa harap ng Hari, ng Panginoon.
Sa pamamagitan ng mga trumpeta at mga tunog ng tambuli, mag-ingay kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, si Yahweh.
7 Humugong ang dagat at ang buong naroon; ang sanglibutan at ang nagsisitahan doon;
Hayaang sumigaw ang dagat at ang lahat ng bagay sa loob nito, ang buong mundo at ang mga naninirahan dito.
8 Ipakpak ng mga baha ang kanilang mga kamay; magawitan ang mga burol dahil sa kagalakan;
Hayaan ang mga ilog na ipalakpak ang kanilang mga kamay at hayaan ang mga bundok na sumigaw sa kagalakan.
9 Sa harap ng Panginoon, sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng karapatan ang mga bayan.
Darating si Yahweh para hatulan ang daigdig. Hahatulan niya ang mundo nang may katuwiran at ang mga bansa nang patas.