< Mga Awit 95 >

1 Oh magsiparito kayo, tayo'y magsiawit sa Panginoon: tayo'y magkaingay na may kagalakan sa malaking bato na ating kaligtasan.
O halika, tayo ay umawit kay Yahweh; tayo ay umawit ng may kagalakan para sa bato ng ating kaligtasan.
2 Tayo'y magsiharap sa kaniyang harapan na may pagpapasalamat, tayo'y magkaingay na may kagalakan sa kaniya na may mga pagaawitan.
Tayo ay pumasok sa kaniyang presensya ng may pasasalamat; tayo ay umawit sa kaniya ng may salmong papuri.
3 Sapagka't ang Panginoon ay dakilang Dios, at dakilang Hari sa lahat ng mga dios,
Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos.
4 Na sa kaniyang kamay ang mga malalim na dako ng lupa, ang mga kataasan ng mga bundok ay kaniya rin.
Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya.
5 Ang dagat ay kaniya, at kaniyang ginawa: at ang kaniyang mga kamay ay lumikha ng tuyong lupa.
Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa.
6 Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.
O halika, tayo ay magpuri at yumukod; tayo ay lumuhod sa harapan ni Yahweh, ang ating tagapaglikha:
7 Sapagka't siya'y ating Dios, at tayo'y bayan ng kaniyang pastulan, at mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, kung inyong didinggin ang kaniyang tinig!
Dahil siya ang ating Diyos, at tayo ang mga tao sa kaniyang pastulan at ang mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, marinig niyo nawa ang kaniyang tinig!
8 Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba, gaya sa kaarawan ng Masa sa ilang:
“Huwag niyong patigasin ang inyong puso, tulad sa Meribah, o sa araw ng Masah sa ilang,
9 Nang tuksuhin ako ng inyong mga magulang, tinikman ako, at nakita ang gawa ko.
nang sinubukan ng inyong ninuno na hamunin ang aking kapangyarihan at sinubukan ang aking pasensya, kahit na nakita nila ang aking mga gawa.
10 Apat na pung taong namanglaw ako sa lahing yaon, at aking sinabi, Bayan na nagkakamali sa kanilang puso. At hindi naalaman ang aking mga daan:
Sa apatnapung taon ako ay galit sa salinlahi na iyon at sinabi, 'Ito ang mga tao na ang mga puso ay lumihis ng landas; hindi nila alam ang aking mga pamamaraan.'
11 Kaya't ako'y sumumpa sa aking poot, na sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.
Kaya nga nangako ako sa aking poot na hindi na (sila) kailanman makakapasok sa aking lugar ng kapahingahan.”

< Mga Awit 95 >