< Mga Awit 88 >
1 Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo:
2 Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing:
3 Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol, (Sheol )
4 Ako'y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay; ako'y parang taong walang lakas:
5 Nakahagis sa gitna ng mga patay, gaya ng napatay na nakahiga sa libingan, na hindi mo na inaalaala; at sila'y mangahiwalay sa iyong kamay.
6 Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay, sa mga madilim na dako, sa mga kalaliman.
7 Lubhang idinidiin ako ng iyong poot, at iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
8 Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko; iyong ginawa akong kasuklamsuklam sa kanila: ako'y nakulong at hindi ako makalabas,
9 Ang mata ko'y nangangalumata dahil sa kadalamhatian: ako'y tumawag araw-araw sa iyo, Oh Panginoon, aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo.
10 Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? (Sila) bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah)
11 Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan?
12 Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?
13 Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.
14 Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama.
18 Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim.