< Mga Awit 79 >
1 Oh Dios, ang mga bansa ay dumating sa iyong mana; ang iyong banal na templo ay kanilang nilapastangan; kanilang pinapaging bunton ang Jerusalem.
O Diyos, ang mga dayuhang bansa ay dumating sa iyong pamana; dinungisan nila ang iyong banal na templo; ginawa nilang isang bunton ng pagkawasak ang Jerusalem.
2 Ang mga bangkay ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila na pagkain sa mga ibon sa himpapawid, ang laman ng iyong mga banal ay sa mga hayop sa lupa.
Ibinigay nila ang mga patay na katawan ng iyong mga lingkod bilang pagkain ng mga ibon sa himpapawid, ang mga katawan ng iyong tapat na bayan sa mga halimaw ng daigdig.
3 Ang kanilang dugo ay ibinubo nila na parang tubig sa palibot ng Jerusalem; at walang naglibing sa kanila.
Ibinuhos nila ang kanilang dugo na parang tubig sa paligid ng Jerusalem, at walang naglilibing sa kanila.
4 Kami ay naging kadustaan sa aming kalapit, kasabihan at kakutyaan nilang nangasa palibot namin.
Kami ay naging isang kasiraan para sa aming mga kapwa para magawan ng panunuya at pangungutya ng mga nakapaligid sa amin.
5 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magagalit ka magpakailan man? Magaalab ba ang iyong paninibugho na parang apoy?
Gaano katagal, Yahweh? Mananatili ba ang iyong galit magpakailanman? Gaano katagal mag-iinit tulad ng apoy ang galit ng iyong pagseselos?
6 Ibugso mo ang iyong pagiinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan.
Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo at sa mga kaharian na hindi tumatawag sa iyong pangalan.
7 Sapagka't kanilang nilamon ang Jacob, at inilagay na sira ang kaniyang tahanan.
Dahil nilamon nila si Jacob at winasak ang kaniyang mga nayon.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga magulang: magmadali ang iyong mga malumanay na kaawaan na tulungan kami: sapagka't kami ay totoong hinamak.
Huwag ibilang ang mga kasalanan ng aming mga ninuno laban sa amin; dumating nawa ang mga mahabaging pagkilos mo sa amin, dahil napakahina namin.
9 Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng iyong pangalan: at iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming mga kasalanan, dahil sa iyong pangalan.
Tulungan mo kami, Diyos ng aming kaligtasan, alang-alang sa kaluwalhatian ng iyong pangalan; iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ang kanilang Dios? Ang kagantihan sa dugo na nabubo sa iyong mga lingkod maalaman nawa ng mga bansa sa aming paningin.
Bakit kailangan sabihin ng mga bansa, “Nasaan ang kanilang Diyos?” Nawa ang dugo ng iyong mga lingkod na ibinuhos ay maipaghiganti sa mga bansang nasa harap ng aming mga mata.
11 Dumating nawa sa harap mo ang buntong-hininga ng bihag; ayon sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay palagiin mo yaong nangatakda sa kamatayan:
Nawa ang mga pagdaing ng mga bilanggo ay dumating sa harap mo; sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan panatilihin mong buhay ang mga anak ng kamatayan.
12 At ibalik mo sa aming mga kalapit-bansa sa makapito sa kanilang sinapupunan, ang kanilang pagduwahagi na kanilang idinuwahagi sa iyo, Oh Panginoon.
Pagbayarin mo sa mga kandungan ng aming mga karatig- bansa ng pitong beses ang mga pang-iinsulto sa iyo, Panginoon.
13 Sa gayo'y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.
Kaya kami na bayan mo at tupa ng iyong pastulan ay magbibigay ng pasasalamat sa iyo magpakailanman. Sasabihin namin ang iyong mga papuri sa lahat ng mga salinlahi.